Search This Blog

Showing posts with label kwento. Show all posts
Showing posts with label kwento. Show all posts

Monday, October 13, 2014

Ang Ama – maikling kwento mula sa Singapore

ANG AMA – maikling kwento mula sa Singapore 
Salin ni Mauro R. Avena
Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isang lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa'y inuuwi ng ama - malaking supot ng mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kangina pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kaniyang parte ang lahat - kahit ito'y sansubo lang ng masarap na pagkain , sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.
Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan.
Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad nito - sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila'y masayang nakiupo sa kanila't kumain ng kaunti.
Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at ngayo'y hindi nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya'y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo'y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ng ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tali sa mga daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata'y magsisiksikan, takot na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya't mahihiya itong lumabas upang maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas na pag-ungol mula sa kanilang ama at sila'y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.
Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila'y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na nagkalat sa kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga paste, gayong pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tunatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, namamaluktot ng pahiga sa banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kanya ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito'y nakakabulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon huminto, ito'y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon ng buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang kabuwisitan.
Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa kanyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahaabang halinghing at di mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang anu-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.
Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo doon sa tabi ng gulod. Ilan sa taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay madaling nakarating sa kanyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na noon di'y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng kanyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin.
Ngayo'y naging napakalawak ang kanyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala-sa-panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya't madalamhati siyang nagtatawag, "Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!" Nakita niya ito sa libingan sa tabi ng gulod - payat, maputla, at napakaliit - at ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na ang iba'y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong, "Maaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata".
Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang mga luha at saka tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kanyang amo sa asawa (na kiming iniabot naman ito agad sa kanya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga bote ng beer.
Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba'y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng ubas at isang kahon yata ng biskwit;. Nagtaka ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki'y biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi, 'yong katulad ng minsa'y ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira doon sa malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal ay nagkasiya sa pangdidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya't nagtalo at nanghula ang mga bata. Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama. Inip silang lumabas ito ng kanyang kwarto.
Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na wari'y kanila na sana, nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi sila maririnig ng ama. "Tingnan natin kung saan siya pupunta." Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay sumunod nang malayu-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa baha, pero ngayo'y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila napuna.
Dumating ito sa libingan sa tabing-gulod. Kahuhukay pa lamang ng puntod na kaniyang hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot na dahan-dahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita, "Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana'y tanggapin mo." Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasid sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anumang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas nagsalu-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang di nila mararanasang muli.

Monday, September 22, 2014

Kasaysayan ng Maikling Kuwento

Kasaysayan ng Maikling Kuwento

Ang maikling kuwento ay nasilayan na noong panahon bago pa man dumating ang mga Kastila sa ating kapuluan.  Karamihan sa mga ito ay pasalin-labi lamang o kuwento ng bayan.  Ito ay mga pasalitang pagsasalaysayan sa tradisyong patuluyan - ito ay karaniwang pagkukuwento na ang ginagamit na pamamaraan ng pagsasalita ay tulad sa natural na pang-araw-araw na pag-uusap- usap.  Ang ilan sa mga unang anyo nito ay:

1. Mito - karaniwang tungkol sa mga diyos at diyosa, bathala o mga anito.  Tumutungkol din ito sa kanilang mga paglalang tulad sa kalikasan, sa mundo at sa mga unang tao.

2. Alamat - mga kuwentong-bayan ng pinagmulan o simula ng mga bagay-bagay.

3. Pabula - unang napatanyag sa Gresya at si Aesop ang tinaguriang "Ama" dahil sa napabantog nitong aklat, ang "Aesop's Fable".  Ito ay kuwento ng mga hayop na nagsisikilos at nangagsasalitang parang tao at ang layon ay makapagturo ng aral sa bumabasa.

Umunlad ang maikling kuwento noong panahon ng Amerikano.  Nagkaroon ito ng sariling pitak sa mga pahayagang Muling Pagsilang at sa dahong Tagalog ng El Renacimiento.  Ang ilan sa mga nakilalang kuwento sa panahong ito ay:

1. Dagli - tinatawag sa Ingles na sketches.  Ito ay naglalahad ng mga sitwasyong may mga tauhang nasasangkot ngunit walang aksyong umuunlad at pawing mga paglalarawan lamang.  Ito ay tahasang nangangaral at nanunuligsa.

2. Pasingaw - nag-aanyo ring maikling kuwento ngunit hindi rin ganap ang banghay.  Ito ay naglalayong maihandog ang katha sa babaeng pinaparaluman o siyang inspirasyon ng manunulat.  Ang pangalan ng may-akda ay hindi inililimbag dahil karaniwan na na ito ay may asawa.  Ito ay naglalayong mangaral ng diretsahan.

Deogracias A. Rosario - tinaguriang "Ama ng Maikling Kuwento".

Sa panahon ng Hapon, ang maikling kuwento ay nailimbag sa gintong pahina ng Panitikang Pilipino dahil pinairal ng mga Hapon ang paggamit ng wikang pambansa bilang medium sa pagsulat.  Sa panahong ito:

a. sumigasig at dumami ang mga manunulat
b. sumigla at tumaas ang sangay na ito ng panitikan
c. naging matimpi sa pagtalakay ng paksa
d. madula ngunit di-maligoy
e. nag-ala-dagling muli ang kawalan ng mga ito ng banghay
f. nagkaroon ng iba't ibang paraan ng pagkukuwento
g. ang mga paksang dati ay hindi naisusulat ay napansin
- Ito ngayon ang tinatawag na kontemporaryong maikling kuwento.


Monday, September 8, 2014

Ang Hatol ng Kuneho Isinalin sa Filipino ni Vilma C. Ambat

Ang Hatol ng Kuneho 

Isinalin sa Filipino ni Vilma C. Ambat

Noong unang panahon, nang ang mga hayop ay nakapagsasalita pa, may isang tigreng naghahanap ng pagkain sa gubat. Sa kaniyang paglilibot, nahulog siya sa napakalalim na hukay.  Paulit-ulit na  sinubukan ng tigre ang makaahon, subalit siya ay nabigo. Sumigaw siya nang sumigaw upang humingi ng tulong subalit walang nakarinig sa kanya.   Kinabukasan, muling sumigaw ang tigre upang humingi ng tulong hanggang mapaos. Gutom na gutom at hapong-hapo na ang tigre. Lumupasay na lamang siya sa lupa. Naisip niyang ito na ang kaniyang kamatayan. Walang ano-ano ay nakarinig siya ng mga yabag. Nabuhayan siya ng loob at agad tumayo.“Tulong! Tulong!” muli niyang isinigaw.   “Ah! isang tigre!” sabi ng lalaki habang nakadungaw sa  hukay.   “Pakiusap! Tulungan mo akong makalabas dito,”  pagmamakaawa ng tigre. “Kung tutulungan mo ako, hindi kita makalilimutan habambuhay.”   Naawa ang lalaki sa tigre subalit naisip niyang baka kainin siya nito. “Gusto sana kitang tulungan subalit nangangamba ako sa maaaring mangyari. Patawad! Ipagpapatuloy ko na ang aking paglalakbay”, wika ng lalaki at nagpatuloy sa paglalakad.   “Sandali! Sandali! Huwag mong isipin iyan,”  pakiusap ng tigre. “Huwag kang mag-alala, pangako ko hindi kita sasaktan. Nagmamakaawa ako, tulungan mo ako. Kapag ako ay nakalabas dito tatanawin kong malaking utang na loob!”   Tila labis na nakakaawa ang tinig ng tigre kaya bumalik ang lalaki upang tulungan ito. Nakahanap siya ng  troso at dahan-dahan niyang ibinaba sa hukay. “ Gumapang ka dito,” sabi ng lalaki.   Gumapang ang tigre sa troso hanggang makaahon sa hukay. Nakita ng tigre ang lalaking tumulong sa kanya.  Naglaway ang tigre at naglakad paikot sa lalaki.   “Sandali!” Hindi ba nangako ka sa akin na hindi mo ako sasaktan? Ito ba ang paraan mo ng pagpapasalamat at pagtanaw ng utang na loob?” sumbat ng lalaki sa tigre.   “Wala na akong pakialam sa pangakong iyan dahil nagugutom ako! Hindi ako kumain nang ilang araw!” tugon ng tigre.   “Sandali! Sandali!” ang  pakiusap ng lalaki. “Tanungin natin ang puno ng Pino kung tama bang kainin mo ako.”   “Sige,” ang wika ng tigre. “Pero pagkatapos natin siyang tanungin, kakainin na kita. Gutom na gutom na ako.”   Ipinaliwanag ng tigre at ng lalaki sa puno ng Pino ang nangyari.   “Anong alam ng tao sa pagtanaw ng utang na loob?” tanong ng puno ng Pino. “ Bakit  ang mga dahon at sanga namin ang kinukuha ninyo upang mapainit ang inyong mga tahanan at maluto ang inyong mga pagkain? Mga taon ang binibilang namin upang lumaki. Kapag kami’y malaki na pinuputol ninyo. Ginagamit ninyo kami sa pagpapatayo ng inyong mga bahay at pagpapagawa ng inyong mga kasangkapan. At isa pa, tao rin ang humukay ng butas  na iyan. Utang na loob! Huwag ka nang magdalawang  isip, Tigre. Sige pawiin mo ang iyong gutom.” “O, anong masasabi mo doon?” tanong ng tigre habang nananakam at nginungusuan ang lalaki.   Sa mga sandaling iyon ay dumaan ang isang baka. “Hintay! Hintay!” pakiusap ng lalaki. “Tanungin natin ang baka sa kaniyang hatol.”   Sumang-ayon ang tigre at ipinaliwanag nila sa baka ang nangyari. Hiniling ng dalawa ang opinyon ng baka.   “Sa ganang akin, walang duda sa kung ano ang dapat gawin,”  wika ng baka sa tigre. “Dapat mo siyang kainin! Tingnan mo, mula nang kami ay maisilang naglilingkod na kami sa mga tao. Kaming mga baka ang nagbubuhat ng mabibigat nilang dalahin. Inaararo namin ang bukid upang makapagtanim sila. Subalit, ano ang ginagawa nila kapag kami ay tumanda na... pinapatay kami at ginagawang pagkain! Ginagamit nila ang aming balat sa paggawa ng kung ano-anong bagay. Kaya huwag mo na akong tanungin tungkol sa pagtanaw ng utang na loob. Kainin mo na ang taong iyan.”   “Tingnan mo, lahat sila ay sumasang-ayon sa akin. Kaya humanda ka na sa iyong kamatayan!” wika ng tigre habang bumubuwelo upang sakmalin ang lalaki.   Alam na ng lalaki na ito na nga ang kaniyang katapusan. Nang biglang dumating ang lumulukso-luksong kuneho.   “Sandali! Tigre! Sandali!” sigaw ng lalaki.   “Ano na naman!” singhal ng tigre.   “Pakiusap, bigyan mo pa ako ng huling pagkakataon.Tanungin natin ang kuneho para sa kaniyang hatol kung dapat mo ba akong kainin.”   “Ah! Walang kuwenta! Alam mong ang sagot niya. Pareho lang sa sagot ng puno ng Pino at ng baka.”   “Pakiusap, parang awa mo na!” pagsusumamo ng lalaki.   “O sige, pero huli na ito. Gutom na gutom na ako!” sagot ng tigre.   Isinalaysay ng tigre at ng lalaki ang nangyari. Matamang nakinig ang kuneho. Ipinikit ang kaniyang mga mata at pinagalaw ang kaniyang mahahabang tainga. Pagkalipas ng ilang sandali, muli niyang idinilat ang kaniyang mga mata. Malumanay at walang ligoy na nagsalita ang kuneho. “Naiintindihan ko ang inyong isinalaysay. Subalit kung ako ang magpapasya at magbibigay  ng mahusay na hatol dapat tayong magtungo sa hukay. Muli ninyong isasalaysay sa akin ang nangyari. Ituro ninyo sa akin ang daan patungo doon,” wika ng kuneho.   Itinuro ng tigre at ng lalaki ang hukay sa kuneho. “Tingnan natin, sabi mo nahulog ka sa hukay at ikaw naman ay nakatayo dito sa itaas”,  wika ng kuneho sa tigre at sa lalaki. “ Pumunta kayo sa mga posisyon ninyo noon, upang mapag-isipan ko pang mabuti ang aking hatol.” Tumalon agad ang tigre nang hindi nag-iisip. Ang nais lamang niya ay matapos agad ang usapan nang makain na niya ang tao. “Ah! ganito ang kalagayan ninyo noon. Ikaw, tigre ay nahulog sa hukay at hindi makaahon. Ikaw naman lalaki, narinig mo ang paghingi ng saklolo kaya tinulungan mo ang tigre. Ngayon maaari na akong magbigay ng aking hatol. Ang problemang ito ay nagsimula nang tulungan ng tao ang tigreng makalabas sa hukay”, paliwanag ng kuneho na tila may ibang kausap. “Sa ibang salita, kung ang tao ay hindi nagpakita ng kabutihan at iniwan ang tigre sa hukay, walang naging problema. Kaya naisip ko na magpatuloy ang tao  sa kaniyang paglalakbay at dapat na manatili ang tigre sa hukay. Magandang umaga sa inyong dalawa!” wika ng matalinong kuneho at nagpatuloy sa kaniyang paglukso.  

Wednesday, August 13, 2014

Ang paglilitis – Maikling kwento mula sa Cambodia

Ang paglilitis
kwentong bayan ng Cambodia
Salin ni Erwin L. Fadri

Noong unang panahon sa kaharian ng Cambodia, may isang binata ang umibig sa isang dalaga, sya ay pumunta sa magulang nito upang sabihin na nais niya itong pakasalan.  “Gusto ko pong hingin ang kamay ng inyong anak at kami ay magpapakasal.”  Ang sabi ng kanyang magulang, “kailangan mo munang dumaaan sa mga pagsubok.   Kailangan mo munang ilubog sa tubig na hanggang leeg na nakatali ang mga paa ng tatlong araw at tatlong gabi.   Kahit na ikaw ay nilalamig, hindi ka maaaring gumalaw upang mapawi ito.  Kapag nalampasan mo ang pagsubok na ito sa pamamagitan ng iyong lakas ng loob maaari mong makuha ang kamay ng aming anak upang magpakasal.”  At ang binata ay pumayag sa kasunduan at sya ay tinalian at inilubog sa tubig.

Makalipas ang dalawang gabi at dalawang araw na pagkakalobog sa lawa, nakita niya ang isang sunog sa ibabaw ng burol.  Sya ang pagod at nilalamig na,  itinaas niya ang kanyang kamay at itinuro ang apoy sa di kalayuan.  At sa pagkakataong iyon ang magulang ng babae ay bumaba sa may lawa at nakita ang kanyang ginawa.  At naisip nilang gusto lamang ng lalaki na mainitan ang kanyang sarili sa apoy mula sa malayong burol at di niya natupad ang isa sa mga kondisyon.  At tumanggi silang magpakasal ang kanilang anak.

Ang binata ay nagalit ng dahil dito at siya ay umalis upang magreklamo sa mahistrado.  Inimbita ng opisyal ang magulang ng babae at ang hinuhusgahan.   Ang magulang ng babae ay pumayag at dahil sila ay mayaman nagawa nilang magbigay ng mga regalo sa mahistrado.  Subalit, ang binata ay mahirap at walang maibigay sa mahistrado, at ito ay nagbigay ng hatol. “ang binata ay di tumupad sa mga kondisyon ng pagsubok sa pamamagitan ng pagpapainit sa kanyang sarili.  Sya ay natalo sa paglilitis na ito.  Hindi niya maaaring pakasalan ang dalaga.  At sa karagdagan, kailangan niyang bayaran ang nagtatanggol sa pamamagitan ng pabibigay ng salo-salo sa ating lahat.”  Ng marinig ng binata ang nagging hatol, siya ay nagalit at nabalisa, sya ay umalis na nagrereklamo ng sobrang sakit.  Sa kanyang paguwi, nadaan niya ang hukom na kuneho. “bakit ka nalulungkot, kapatid?”ang tanong ng hukom ng kuneho. “kailangan kung umalis at maghanda ng isang salu-salo,” ang sagot ng binata. “ah” ang sabi ng hukom na kuneho, “magpatuloy ka at maghanda ng piging; pagkatapos bumalik ka at ako’y sunduin at isama sa handaan.  Maaari kang manalo sa kasong ito kung susundin mo ang sasabihin ko.  Kapag naghanda ka ng pagkain, huwag mong lalagyan ng asin ang sabaw.  Ilagay mo ang asin sa ibang putahe.”

Tuwang tuwa ang binata sapagkat alam niyang tutulungan siya ng hukom na kuneho.  At sya ay umalis upang ihanda ang salu-salo, siniguro niyang walang asin ang sabaw katulad ng sinabi nito.  At kaniyang inihain ang salu-salu kasama ang hukom na kuneho sa magulang ng dalaga at sa mahistrado.  Nakita ng mahistrado ang hukom na kuneho at kanya itong tinanong: “Kapatid na kuneho, bakit ka naririto?” “Naririto ako upang ikaw ay tulungan sa kasong ito”  ang sagot ng hukom na kuneho. “Ahhh” ang sabi ng Mahistrado, “Tumigil ka muna at sumama sa kainang ito kasama namin?”

At ng ang salu-salo ay inihain, unang kumain ang Mahistrado.  Dalawang malalaking subo sa sabaw ang kanyang ginawa at nagsabi, “Bakit hindi nilagyan ng asin ang sabaw na ito?” ang hukom na kuneho ay mabilis na sumagot sa kanya, “Ang apoy na lumiliyab sa ibabaw ng malayong burol mula sa binata ay ipinagpalagay na nakapagpainit sa kanya.  Paanong ang asin para sa sabaw, ng inilagay malayo sa sabaw ay hindi nagbigay ng lasa dito?”   Ang Mahistrado ay napahiya at natahimik.  Ang kaso ng binata ay agad na binaliktad at inihayag na nanalo at agad na ipinakasal sa dalaga.

“Ang paglilitis” sa kulturang pakahulugan.
 Sa nasabing kwento, ang huwes ay nasuhulan ng mayamang pamilya at nagbigay ng pabor na desisyon sa kanila.  Ito ay nagsasalamin sa katiwalian sa sistema ng katarungan na nararanasan ng maraming tao sa Cambodia.   At saka, ang kwento ay hindi nagasabi kung ano ang nararamdaman ng dalaga para sa binatang nais syang pakasalan.  Ang kwento ay nagsasaad lamang ng hiling ng magulang at ng binata na nais magpakasal subalit hindi binangit ang ukol sa dalagang ito.

http://hayzkul.blogspot.com/ - ang may salin mula sa pagkakasulat sa Ingles

Original story : http://www.chanbokeo.com/index.php?gcm=1411&grid=120006&gtop=5327

Tuesday, August 12, 2014

ANG AMA – maikling kwento mula sa Singapore

ANG AMA – maikling kuwento mula sa Singapore
Salin ni Mauro R. Avena

Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isang lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa'y inuuwi ng ama - malaking supot ng mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kangina pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kaniyang parte ang lahat - kahit ito'y sansubo lang ng masarap na pagkain , sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.

Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan.

Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad nito - sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila'y masayang nakiupo sa kanila't kumain ng kaunti.

Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at ngayo'y hindi nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya'y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo'y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ng ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tali sa mga daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata'y magsisiksikan, takot na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya't mahihiya itong lumabas upang maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas na pag-ungol mula sa kanilang ama at sila'y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.

Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila'y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na nagkalat sa kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga paste, gayong pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tunatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, namamaluktot ng pahiga sa banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kanya ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito'y nakakabulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon huminto, ito'y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon ng buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang kabuwisitan.

Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa kanyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahaabang halinghing at di mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang anu-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.

Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo doon sa tabi ng gulod. Ilan sa taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay madaling nakarating sa kanyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na noon di'y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng kanyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin.

Ngayo'y naging napakalawak ang kanyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala-sa-panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya't madalamhati siyang nagtatawag, "Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!" Nakita niya ito sa libingan sa tabi ng gulod - payat, maputla, at napakaliit - at ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na ang iba'y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong, "Maaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata".

Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang mga luha at saka tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kanyang amo sa asawa (na kiming iniabot naman ito agad sa kanya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga bote ng beer.

Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba'y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng ubas at isang kahon yata ng biskwit;. Nagtaka ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki'y biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi, 'yong katulad ng minsa'y ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira doon sa malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal ay nagkasiya sa pangdidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya't nagtalo at nanghula ang mga bata. Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama. Inip silang lumabas ito ng kanyang kwarto.

Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na wari'y kanila na sana, nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi sila maririnig ng ama. "Tingnan natin kung saan siya pupunta." Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay sumunod nang malayu-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa baha, pero ngayo'y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila napuna.

Dumating ito sa libingan sa tabing-gulod. Kahuhukay pa lamang ng puntod na kaniyang hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot na dahan-dahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita, "Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana'y tanggapin mo." Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasid sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anumang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas nagsalu-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang di nila mararanasang muli.


Ang Lura ng Demonyo (Maikling Kwentong Hapon)

Ang Lura ng Demonyo
(Maikling Kwentong Hapon)
The demon's spittle; Hiroshi Naito 
Salin ni Lualhati Bautista

Noong unang panahon, sa Kyoto'y may isang relihiyosong lalaki. Madalas siyang bumisita sa Rokkaku-do (Dambanang Heksagonal) para mag-alay ng taimtim na panalangin kay Kannon-sama, ang Diyosa ng Awa, na nakadambana roon.
Minsa'y bisperas ng Bagong Taon dumalaw siya sa bahay ng isang kaibigan. Madilim na nang umalis siya rito. Tumawid na siya rito. Tumawid na siya sa Modoribashi (Ang Tulay Pabalik), nang pauwi na at nakakita siya ng maraming taong papalapit, na may dala-dalang mga naglalagablab na sulo. Naisip niya na iyon ay grupo ng isang pinuno kasama ng kanyang mga ayudante. Kaya umalis siya sa daraanan ng mga ito't nagtago sa ilalim ng tulay.Hindi nagtagal at nakarating na sa may tulay ang mga tao. Nag-isip tuloy siya kung sino kayang pinuno iyon. Sumilip ang lalaki mula sa ilalim ng tulay at tyumingala. At naku! Hindi pala sila mga tao. Lahat sila'y mga oni (demonyo), na may tig-iisang pares ng sungay. Ang ilan sa kanila'y iisa lamang ang mata, samantalang ang iba'y maraming mga kamay, at ang iba pa'y may tig-iisang paa lamang. Gulat na gulat ang lalaki sa nakita niya.

"Hoy, may tao sa ilalim!" sigaw ng isa sa mga oni..

"Hulihin natin!" sabi naman ng isa.

Sa isang iglap, ang lalaki'y nagging bilanggo ng mga demonyo. Natakot ang lalaki dahil baka kainin siya ng mga ito at itinalaga na niya ang sarili sa kanilang gagawin. Pero walang ipinahiwatig na kahit anong kalupitan ang mga oni. Sabin ng isa, hindi raw bagay kainin ang lalaki at itinulak siya nito.Pagkaraa'y pinagduduruan siya ng mga ito sa mukha at saka sila nag-alisan. Nakahinga nang maluwag ang lalaki sa pagkakaligtas ng kanyang buhay. Dali-dali na siyang umuwi. Nang dumating siya sa bahay, ayaw siyang kausapin ang kanyang pamilya bagamat tinitingnan siya nang diretso ng mga iyon.

" Bakit ang tahimik ninyo?" tanong niya. Pero hindi siya pinansin ng mga ito. Nagtataka tuloy siya kung ano'ng nangyayari sa kanila.

Pagkaraan ng ilang sandal, biglang pumasok sa isip niya nab aka hindi na siya nakikita dahil sa dura ng mga oni. Nakikita niya ang kanyang pamilya at naririnig niya ang sinasabi ng mga ito, pero mukhang hindi siya nakikita't naririnig ng mga iyon. Litung-lito siya sa pangyayaring nagaganap.

Kinabukasan ay araw ng Bagong Taon. Gayunman, malungkot ang pamilya ng lalaki dahil nawawala ito sa piling nila. Di-mapalagay niyang pinagtatawag ang kanyang kamag-anakan at sinabing kasama siya ng mga ito sa bahay, pero wala ring nangyari. Kahit tinatapik pa niya sa ulo ang kanyang mga anak, tila hindi nararamdaman ng mga ito ang kanyang kamay. Sa pagdaan ng maghapon, sinimulan nilang iyakan ang ama, sa pag-aakalang nawala na nga ito. Samakatwid ang Bagong Taon ay naging araw ng trahedya para sa kanila at nagdaan pa ang maraming malungkot na araw. Naisip ng lalaki na wala nang natitirang paraan sa kanya kundi humingi ng tulong sa Diyos ng Awa. Sa gayon, kaagad niyang binisita ang Dambana ng Rokkaku-do.

" O, maawaing Kannon-sama ipakita mo ako sa aking pamilya. Maawa po kayo sa akin!" Nag-alay siya ng mga taos-pusong panalangin sa Diyosa sa loob ng buong dalawang linggo.

Habang nagdarasal sa huling gabi ng pamamanata niya, hindi sinsadyang nakatulog siya't nanaginip. Sa panaginip, nakatagpo raw niya ang isang banal na Buddhistang pari na lumitaw mula sa likod ng kurtinang kawayan at mataimtim na nagsabi sa kanya: "Ay, aking masugid na tagasunod! Umalis ka rito bukas nang umaga at gawin mo kung anong sasabihin sa'yo sa unang taong masasalubong mo sa daan pauwi. Sundin mo ang utos ko at ikaw ay makababalik!"
Nagpatirapa siya sa harap ng pari. Nang magising siya, maliwanag na.

Nilisan niya ang dambana at di pa nakakalayo'y may nasalubong na siyang isang pastol. Naisip niya na ito ang tinutukoy ng Buddhistang pari sa kanyang panaginip. Nilapitan siya ng pastol at sinabi nito: "Kumusta, mahal kong kaibigan, sumama ka sa akin." Ikinatuwa ng malungkot na lalaki na nakikita na siya ng iba, at dahil dito'y kaagad siyang sumunod sa pastol. Naglakad sila nang kaunti at nakarating sa tarangkahanng isang malaking palasyo. Itinali na pastol ang kanyang baka sa isang kalapit na puno saka lamang nito binuksan nang bahagya ang bakod at sinenyasan ang lalaki na sumunod sa kanya. Sinabi ng lalaking di-makita na imposible niyang magawa iyon dahil napakaliit ng puwang na binuksan. Pakiramdam niya'y nananaginip pa rin siya.

Dinala siya ng pastol sa laloob-looban ng bakuran. Sa wakas ay nakarating sila sa isang kwarto sa bandang likuran. Nakaratay sa higaan ang isang matanda ngunit mayasakit na prinsesa ng mansion. Binabantayan ito na kanyang mga magulang-ang senyor at senyora-at lahat ng katulong ay pawing nababahala sa kanyang karamdaman. Hindi nila napansin ang pagdating ng mga di-nakikitang pangahas- dapat ninyong malaman na ngayon na ang pastol ay dir in nakikita ng ng karaniwang tao. Natuklasan ng lalaki na hindi pa rin nakikita ang kabuuan niya kaya lalo siyang nawalanng pag-asa. Inutusan siya ng pastol na hampasin niya ng kahoy na martilyo ang ulo ng maysakit na prinsesa. Sinunod ito ng lalaki at tuwing papaluin niya ang prinsesa, namimilipit ito sa sakit. Sa ganoto, inakala ng senyor at senyora sa namamatay na ang kanilang anak. Kaagad silang nagpatawag ng Buddhistang pari para paalisin ang anumang masamang espiritu na gumagambala sa anak nilang maysakit.

Hindi nagtagal, dumating ang isang butihing pari at nagdaos ng mga dasal upang playasin ang masamang espiritu. Umawit ito ng panalanging Buddhista na nagpatigil sa pangangahas ng di-nakikitang lalaki sa ginagawa niyang karahasan. Umawit na iba pang panalangin ang pari. Gulat na gulat ang di-nakikitang pakialamerong relihiyoso nang biglang umapoy ang suot niyang kimono. "Sunog, sunog!" sigaw nito, at bigla siyang nagpagulong-gulong sa lapag. Sa sumunod na sandal, lumitaw ang kanyang kabuuan. Takang-taka ang mga tao sa kuwarto at nagtanungan sila: "Saan siya nanggaling?"

Dumating ang mga guwardiya at hinuli ang lalaki. Personal na inusisa siya ng senyor tungkol sa kanyang biglang paglitaw. Ikinuwento sa lalaki sa senyor ang kanyang kakaibang abentura. Sabin g pari: " Isang milagro 'yan. Marahil ay ginusto ni Kannon-sama ng Dambana ng Rokkaku-do na inilantad ang kabuuan ng taong ito gayundin, na gumaling ang prinsesa." Milagro talaga na nang lumitaw ang kabuuan ng lalaki, kasabay na gumaling din ang prinsesa..
Masayang umuwi ang lalaki. Di na kailangang sabihin pa na tuwang-tuwa ang pamilya niya nang Makita siyang muli.
Ang identitad na pastol ay nanatiling misteryoso hanggang ngayon pero pinaniniwalaan ng maraming tao na siya'y isa pang kaluluwa.


Tuesday, August 6, 2013

Walang Panginoon ni Deogracias Rosario

WALANG PANGINOON
ni Deogracias Rosario

Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isiniksik niya ang kanyang ulo kahi't saan. Saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipinapasak sa mga butas ng kanyang tainga. Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayon man, kahi't saan siya magsiksik, kahi't saan siya magtago, kahi't na anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.

"Tapos na ba?" Tapos... ang sunud-sunod namang itinutugon ng kanyang ina na paniwalang-paniwala hindi nga niya naririnig ang malungkot na animas.

"Ngunit, Marcos…" ang baling uli ng matandang babae sa anak. "Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya'y nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Una-una'y ang iyong ama, ikalawa'y ang kapatid mong panganay, ikatlo'y ang kapatid mong bunso, saka… saka si Anita." Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.

Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinapangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galling sa pagkapikit kaya't nanlabo pa't walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at mag-aapoy.

Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subali't sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may pangungusap, may nagsasalita.

"Dahil din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw," ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang huwag ipahalata sa ina ang pagkuyom ng kanyang damdamin.

Akala ng ina'y nahuhulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagka't hindi pa natatagalang namatay si Anita. Ang magandang anak ni Don Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pag-iimpok na ginagawa upang maging isang ulirang anakpawis ay ukol kay Anita. At siya'y namatay! Naramdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ay kanyang ibig libangin. Ito ay nais niyang aliwin. Kung maaari sana'y mabunutan niya ng tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak.

"Lumakad ka na Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila, o, baka kailanganin ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara," ang sabi ng ina. "Walang pagsalang masasayahan ka roon."

"Si Inang naman," ang naibulalas na lamang ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasasabi nang malakas. Sa kanyang sarili'y naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ang pagkamatay ni Anita, palibhasa'y lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na nangyari sa pagkamatay nito.
Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat, ang nasasabi niya uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan, na ipinapalagay niyang kaluluwa ni Anita, "disi'y hindi ako itataboy sa kasayahan."

Pinag-uusapan pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran sapagka't mabuti ang lagay ng tanim nilang palay nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating taglay ang utos ng hukumang sila'y pinaaalis sa kanilang lupang kinatatayuan. Sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.

"Inang, matalim ba ang itak ko?" ang unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman.

"Anak ko!" ang palahaw na pananangis ng matandang babae, sabay lapit sa leeg ng anak. "Bakit ka mag-iisip nang gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?"
Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag ng kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.

Ang sabi'y talagang sa kanunu-nunuan ng kanyang ama ang naturang lupa. Walang sino mang sumisingil sa kanila ng buwis at walang sinumang nakikialam sa anumang maging bunga ng kanilang mga tanim, maging mais o tubo, o kaya'y maging anuman sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.

Subali't nang bata pa ang kanyang ama ay may nagsukat ng lupa sa sinsabing kanila. Palibhasa'y wala silang maibabayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis doon.

Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila'y isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit nagtatagal, unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa maylupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, gaya ng takipan at talinduwa.

Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya'y namatay din sa paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat, nalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagka't natutop ng ama nakipagtagpo minsan sa kanya sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan.

Saka ngayo'y paalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan?

Si Anita ay lihim na naging kasintahan ni Marcos, mahigit nang isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila, si Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang damo sa ilog.

Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskuwelahan na silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Nguni't gayon man, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagaka't sa pag-anib niya sa mga samahang pambayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa ni Marcos, kahi't manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbasa rin siya ng nobela at ibang akdang natutuhan niya sa wikang Tagalog o kaya'y salinwikang nito.

Lalo na nang magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang baling araw ay maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa'y bukod sa naniniwala siya sa kasabihan, "Ang lahat ng tao, kahi't hindi magkakakulay ay sadyang magkakapantay," tinatanggap din niya ang palasak ng kawikaang "Ang katapat ng langit ay pusalian." Dahil diyan kaya kahi't bahagya ay hindi siya nag-atubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.
At naiibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog ata sa pamamagitan ng langoy na hampas-tikin ay inabot niya si Anita na kumakamot sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin ng kaliwa niyang bisiig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang dalawa niyang paa sa ilalim kaya't pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagsikad ng dalawa niyang paa ay nakasapit sila sa pampang.

"Marcos, matagal na naman kitang iniibig," ang pagtatapat ni Anita sa binata, makaraan ang may ilang buwan buhat nang siya'y mailigtas.

Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang gayong ang sabi ay ari ng kanilang ninuno at binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon. At saka silang mag-ina ay itinataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan.

Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niya ang kanyang mga kuko.

Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang nalagutan ng hinihinga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalaman na may sakit kundi si Anita. Dahil sa pagkatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti ng ayon sa nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.

Buhat noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng balita. At nang tangkain niyang dumalaw minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaaring maging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya ay mawawala.

Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinaman na lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan, pag-agaw ng lupa sa kanila. At saka noo'y pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya'y nalagutan ng hiningang siya ang tinatawag. Saka nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo ng kanilang pawis na mag-anak.

Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon, lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging maluwag nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng may-lupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya'y maaari pa siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapwat nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaalis sila roon, talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa'y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.

"Huminahon ka anak ko," ang sabi ng kanyang ina. "Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo."

Hindi niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati'y sinakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at hinampas niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang ang ngumatngat sa kanyang puso. Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang palay nila'y magbungang mabuti? Saka ngayo'y pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay.

Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig mang pagdiliman ang isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, ang alaala naman ng kanyang ina'y walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig at ayaw niyang pabayaan ang kanyang ina; ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay nito, bago malagutan ng hininga ang kanyang ama.

Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan kung sila'y magsasarili: "Tutungo sa hilaga at kukuha ng homestad. Kakasundo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don Teong, kailangang magkaroon din ako ng gayak paris niya."

Kabalintunaan man ang sinabi ng anak ay hindi na nag-usisa ang ina palibhasa'y nababatid niyang sa dibdib ng binata ay may isang halimaw na natutulog na hindi dapat gambalain upang huwag magising. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon ang buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon ang ginagawa, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda.

"Marcos," sabi ng matanda. "Dalawang lingo na lamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong… kung may magiging sukli man lamang tayo sa ating ani ngayon?"

"Huwag ka pong mabahala, Inang," sabi ng mabait na anak. "Nalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan."

Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man may nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak.

"Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran?" Tinutukoy niya ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos.

Maaaring magpakahinahon si Marcos, subali't ang huling kapasiyahan ni Don Teong ay namukaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit…

Nagunita niya ang sinabi ni Rizal. "Walang mang-aalipin kung walang magpapaalipin." Napailing siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong – takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga leeg na manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagbubuwis pa.

"Kailangang maputol ang kalupitang ito!" Ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahang ginawa ni Marcos.
"Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?" ang tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.

"Inihahanda ko po iyon sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Teong," ang nakatawang sagot ng anak. "Kung tayo po'y nakaalis na rito, tayo'y magiging malaya," ang tila wala sa loob na tugon ng anak.
Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hanggahan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at ang suwiter, saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito'y umuungol na ang alingawngaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung dumating siya'y dinaratnan niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking kandila.

"Salamat, anak ko, at dumating ka," ang sasabihin na lamang ng matanda. "Akala ko'y napahamak ka na."
Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong ito at ang kanilang panginoon, ay hindi makapagpigil ang isa't isa. Nalalaman din ng matandang babae na laging may dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat nang magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalaala ang pag-alis-alis ni Marcos.

Subalit isang hapon, samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may sinumpang galit sapagka't bigla na lamang sinibad ang matanda at nasapol ang kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay sinalo naman ng kabilang sungay.

Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan, wasak ang suwiter sa katawan at saka ang pulinas. Kumilos agad ang maykapangyarihan upang gumawa ng kailangan pagsisiyasat subali't ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animo'y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala.

Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa'y nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop.

Si Marcos ay nakatingin din sa orasan nang gabing yaon. Tatlong minuto na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw, hindi siya nababahala.

Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang marinig ito. Sa halip na idalangin, ang kaluluwa ng mga namatay, ang naisip niya'y ang matapang niyang kalabaw.

"Mapalad na hayop na walang panginoon," ang kanyang naibulong.

Monday, August 5, 2013

Banyaga ni Liwayway Arceo

Banyaga
ni Liwayway Arceo

Mula nang dumating is Fely kangina ay hindi miminsang narinig niya ang tanong na iyon na tila ngayon lamang siya nakita. Gayong umuuwi siya dalawang ulit sa isang taon - kung Araw ng mga Patay at kung Pasko. O napakadalang nga iyon, bulong niya sa sarili. At maging sa mga sandaling ito na wala nang kumukibo sa tumitingin sa kanya ay iyon din ang katanungang wari ay nababsa niya sa bawat mukha, sa bawat tingin, sa bawat matimping ngiting may lakip na lihim na sulyap.

At mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibang sa kanyang likuran. Hinahagod ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang kanyang buhok

Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang ipinambasa sa buhok niya bago iyon sinuklay. Nandidilat si Nana Ibang nang ulitin ang tanong.
"Serbesa ba 'kama, bata ka, ha?"

Nguniti siya kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo nito, idinigtong niya ang paliwanag. "Hindi masama'ng amoy, Nana."
Ngayon, sa kanyang pandinig ay hindi nakaila sa kanya ang pagtuon ng tingin nito sa kanyang suot. Sa leeg ng kanyang terno na halos ay nakasabit lamang sa gilid ng kanyang balikat at tila nanunuksong pinipigil ang pagsungaw ng kanyang malusog na dibdib. Sa kanyang baywang na lalong pinalantik ng lapat na lapat na saya. Sa laylayan naito na may gilit upang makahakbang siya.
"Ibang-iba na ngan ngayon ang...lahat!" at nauulinigan niya ang buntung-hiningang kumawala sa dibdib ng matandang ale.

Napangiti siya. Alam niyang iyonm din ang sasabihin ng kanyang ina kung nakabuhayan siya. Pati ang kanyang ama na hindi naging maligoy minsan man, sa pagkakaalam niya, sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang sabi ng kanyang Kuya Mente. At ang apat niyang pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita siya kanginang naka-toreador na itim at kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya ng kanyang mga kanayon, mula ulong may taling bandanna, sa kanyang salaming may kulay, hanggang sa kanyang mag mapulang kuko sa paa na nakasungaw sa step-in na bukas ang nguso.

"Sino kaya'ng magmamana sa mga pamangkin mo?" tanong ngayon ng kanyang Nana Ibang. "Ang panganay sana ng Kua mo...matalino..."
"Sinabi ko naman sa Inso...ibigay na sa 'kin papapag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisan naman ako. Ang hirap sa kanila...ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang gusto ni Inang...noon...kung natakot ako sa iyakan..." Tumigil siya sa pagsasalita. Alam niyang hindi maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang naghihimagsik sa kanyang dibdib.

"Tigas nga naming iyakan nang lumawas ka..." ayon ni Nana Ibang.
"Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba 'ko sa timpalak na 'yon kung hindi ako nakasisigurong kaya ko ang eksamen?" Malinaw sa isip ang nakaraan.
Hindi sumagot si Nana Ibang. Naramdaman niyang may dumaping panyolito sa kanyang batok. "Pinapawisan ka an, e. Ano bang oras ang sabi no Duardo na susunduin ka?"

"Alas-tres daw. Hanggang ngayon ba'y gano'n dito?" at napangiti siya. "Ang alas-tres, e, alas-singko? Alas-kuwatro na, a! Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na rito ang kotse ko. Ako na ang magmamaneho. Sa Amerika..."
"Naiinip ka na ba/" agaw ni Nana Ibang sa kanyang sinabi.
"Hindi sa naiinip, e. Dapat ay nasa oras ng salitaan. Bakit ay gusto kong makabalik din ngayon sa Maynila."
"Ano? K-kahit gabi?"

Napatawa si Fely. "Kung sa Amerika...nakapunta ako at nakabalik nang nag-iisa, sa Maynila pa? Ilang taon ba 'kong wala sa Pilipinas? Ang totoo..."
Boglang nauntol ang kanyang pagsasalita nang marinig niya ang mahinang tatat ni Aling Ibang. At nang tumingin siya rito ay nakita niya ang malungkot na mukha nito. At biglang-bigla, dumaan sa kanyang gunita ang naging anyo nito nang makita siya kangina.

Ang pinipigil na paghanga at pagtataka sa kanyang anyo. Ang walang malamang gawing pagsalubong sa kanya. At nang siya ay ipaghain ay hindi siya isinabay sa kanyang mga pamangkin. Ibinukod si ng hain, matapos mailabas ang isang maputi at malinis na mantel. Hindi siya pinalabas sa batalan nang sabihin niyang maghuhugas siya ng kamay. Ipinagpasok siya ng palanggana ng tubig, kasunod ang isa niyang pamangking sa pangaln at larawan lalo niyang kilala sapagkat patuloy ang kanyang sustento rito buwan-buwan. Iba ang may dala ng platitong kinalalagyan ng sabong mabangong alam niyang ngayon lamang binili. Nakasampay sa isang bisig nito ang isang tuwalyang amay moras. At napansin niyang nagkatinginan ang kanyang mga kaharap nang sabihin niyang magkakamay siya.

"Ayan naman ang kubyertos...pilak 'yan!" hiyang-hiyang sabi ng kanyang hipag. " 'Yan ang uwi mo...noon...hindi nga namin ginagamit..."
Napatawa siya. "Kinikutsara ba naman ang alimango?"
Nagsisi siya pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang lalong nahapis ang mukha ng kanyang Nana Ibang. Abot ang paghingi nito ng paumanhin. Kung hindi ka ba nagbago ng loob, di sana'y nilitson ang biik sa silong, kasi, sabi...hindi ka darating...

Wala nga siyang balak na dumalo sa parangal. Ngunit naisip niya - ngayon lamang gagawin ang gayon sa kanilang nayon. Sa ikalimampung taon ng Plaridel High School. Waring hindi niyan matatanggihan ang karangalang iniuukol sa kanya ng Samahan ng mga Nagtapos sa kanilang paaralan. Waring naglalaro sa kanyang isipan ang mga titik ng liham ng pangulo ng samahan. Parangal sa unang babaing hukom na nagtapos sa kanila.

Napakislot pa si Fely nang marinig ang busina ng isag tumigil na sasakayan sa harapan ng bahay. Alam na niya ang kahulugan niyon. Dumating na ang sundo upang ihatid siya sa bayan, sa gusali ng paaralan. Hindi muna niya isinuot ang kanyang sapatos na mataas at payat ang takong.
"Sa kotse n," ang sabi niya kay Nana Ibang. Ang hindi niya masabi: Baka ako masilat...baka ako hindi makapanaog sa hagdang kawayan.
Ngunit sa kanyang pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos ay naunahan siya ng matanda. Kasunod niya ito na bitbit ang kanyang sapatos. Sa paligid ng kotse ay maraming matang nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay hawak ng isang lalaki, na nang mapagsino niya ay bahagya siyang napatigil. Napamaang.

"Ako nga si Duardo!"
Pinigil niya ang buntung-hiningang ibig kumawala sa kanyang dibdib. Nang makaupo na siya ay iniabot ni Nana Ibang ang kanyang sapatos. Yumuko ito at dinampot naman ang tsinelas ba hinubad niya. Isinara ni Duardo ang pinto ng kotse at sa tabi ng tsuper ito naupo.
"Bakit hindi ka rito?" tanong niya. Masasal ang kaba ng kanyang dibdib. "May presidente ba ng samahan na ganyan?"

"A...e..." Hindi kinakailangang makita niyang nakaharao si Duardo. Napansin niya sa pagsasalita nito ang panginginig ng mga labi. 'A-alangan...na 'ata..."
Nawala ang ngiti ni Fely. Sumikbo ang kanyang dibdib. Si Duardo ang tanging lalaking naging malapit sa kanya. Noon. Ngayon, nalaman niyang guro ito sa paaralang kanilang pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng Samahan ng mga Nagtapos.
"Natutuwa kami at nagpaunlak ka..." walang anu-ano'y sabi ni Duardo, "Dalawampu't dalawang taon na..."


"Huwag mo nang sasabihin ang taon!" biglang sabi ni Fely, lakip ang bahagyang tawa. "Tumatanda ako."

"Hindi ka nagbabago,' sabi ni Duardo. "Parang mas...mas...bata ka ngayon. Sayang...hindi ka makikita ni Menang..."

"Menang?" napaangat ang likod ni Fely.

"Kaklase natin...sa apat na grado," paliwanag ni Duardo. "Kami ang..." at napahagikhik ito. "Kamakalawa lang isinilang ang aming pang-anim...'

"Congratulations!" pilit na pilit ang kanyang pagngiti. Tila siya biglang naalinsanganan. Tila siya inip na inip sa pagtakbo ng sasakyan.

"Magugulat ka sa eskuwela natin ngayon," patuloy ni Duardo nang hindi na siya kumibo. "Ibang-iba kaysa...noon..."

"Piho nga," patianod niya. "Hindi naman kasi 'ko nagagawi sa bayan tuwing uuwi ako. Lagi pa 'kong nagmamadali..."

"Pumirmi na nga rin kami sa bayan kaya hindi naman tayo nagkikita..."

Bagung-bago sa kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw niya ang kanyang mukha sa bintana ng sasakyan ay nakita ang mga nakamasid sa kanya. Isinuot niya ang kanyang salaming may kulay. Tila hindi niya matatagalan ang nakalarawan sa mukha ng mga sumasalubong sa kanya. Pagtataka, paghanga, pagkasungyaw. Aywan niya kung alin.

At nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong nagtimunig ang kahungkagang nadarama sa kanyang mga mata. Tila hindi na niya nakikilala at hindi na rin siya makilala pa ng pook na binalikan niya.

Sunday, August 4, 2013

Mabangis na Lungsod

Mabangis na Lungsod
Ni Efren R. Abueg

1. Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong sa araw-araw ay may bagong lunas na walang bisa. Ngunit ang gabi ay waring maninipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.

2. Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawang taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroon, kundi dahil sa naroroon, katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang gabi— at ang Quiapo.

3. Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y mailaw at maingay. Huwag lamang matitinag ang simbahan at huwag lamang mababawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.

4. Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket sa suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga nasa hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglaglag ng singko o diyes sa maruruming palad.

5. Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan. Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan. Nagsawa na ang kanyang mga bisig sa kalalahad ng kamay, ngunit ang mga sentimong kumakalansing sa kanyang bulsa ay wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kanyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad sa kanyang katawan.

6. “Mama…Ale, palimos na po.”

7. Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay ay hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay nagpapahalata ng pagmamadali ng pag-iwas.

8. “Singko po lamang, Ale…hindi pa po ako nanananghali!”

9. Kung may pumapansin man sa panawagan ng Adong, ang nakikita naman niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay ‘yan ng mga magulang para maisugal,” madalas naririnig ni Adong. Nasaktan siya sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kanya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.

10. At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinapahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghingi sa kanya nito ng piso, sa lahat. Walang bawas.

11. “May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito’y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.

12. At ang mga kamay ni Adong ay manginginig pa habang inilalagay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga sentimong matagal ding kumalansing sa kanyang bulsa, ngunit kailan man ay hindi nakarating sa kanyang bituka.

13. “Maawa na po kayo, Mama…Ale…gutom na gutom na ako!”

14. Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao’y bantad na sa pagpapalimos ng maraming pulubi. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ang karukhaan.

15. Ang kampana ay tumugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga tao, papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa kanyang kinaroroonan.

16. “Malapit nang dumating si Bruno…” ani Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na maaaring makarinig

17. Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kanyang mga laman at nagpatindig sa kanyang balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kanyang harap ang tao—malamig walang awa, walang pakiramdam—nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kanyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa’t waring umuuntag sa kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.

18. Ilang singkong bagol ang nalaglag sa kanyang palad, hindi inilagay kundi inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga bagol sa kanyang bulsa. Lumikha iyon ng bahaw na tunog nang tumama sa iba pang sentimong nasa kanyang palad at sa kaabalahan niya’y hindi niya napansing kakaunti na ang taong lumalabas mula sa simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang-bahala, ang mga hakbang ng pagmamadaling pag-iwas.

19. “Adong…ayun na si Bruno,” narinig niyang wika ni Aling Ebeng.

20. Tinanaw ni Adong ang inginuso sa kanya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan. Ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang bulsa. Dinama niya ang mga bagol. Malamig. At ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kangina pa ay mamatay. Mahigpit niyang kinulong sa kanyang palad ang mga bagol.

21. “Diyan na kayo, Aling Ebeng…sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!” mabilis niyang sinabi sa matanda.

22. “Ano? Naloloko ka ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Makita ka ni Bruno!”

23. Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglakad, sa simula’y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglakad. At akala niya’y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita. Sumandal siya sa poste ng ilaw-dabitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos sa paghihimagsik, ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa nakatunghay na simbahan, na kabangisang sa mula’t mula pa’y nakilala niya at kinasuklaman. At iyon ay matagal din niyang pinakalansing.

24. “Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag.

25. Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kanyang paglaya. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kanyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkaroon ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba, at sa kabangisan.

26. “Bitawan mo ako, Bruno! Bitawan mo ako!” naisigaw na lamang ni Adong.

27. Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya ang malulupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kanya.

Saan Patungo ang Langay-langayan?

SAAN PATUNGO ANG LANGAY-LANGAYAN?

ni B. S. Medina, Jr.

Iisa lamang ang aking mithi. Ang makalaya sa kaalipinan. Pagkat alipin ako.

Alipin ako ng aking sariling pagananasang guminhawa at lumigaya ngunit nababakla ang daigdig na sa wari'y lumalaki, at ako'y naiiwan tila butil ng buhanging makapuwing ma'y di makasugat. Alipin ako ng sariling nangangambang di makarating sa paroroonan (ngunit saan?) gangga-binlid na sarili. Alipin ako ng aking sariling nagnananasang makatawid sa dagat ng pakikitalad na payapa kung minsan ngunit kadalasa'y maalimpuyo. Alipin ako ng sariling pagkat luwad ay makaluwad, pagkat ako'y sa tao ang puso, diwa at kaluluwa. (Ngunit hindi ba ako'y likha ng Diyos? At sa kanya iniwangis? Nasaan ang pagkawangis na iyon? Nasaan ang aking pagka-Diyos?)

Ito ang aking mithi: Paglaya.

At ako'y nagtatanong: Ano ang paglaya?

Ang paglaya'y ang pagkakilala sa sariling kakayahang mabuhay sa daigdig ng kawalang-katiyakan, ang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng buhay (na di lagging katuwaan, ngunit di rin naman laging kapighatian). Ang paglaya'y ang pagkakilala sa maraming suliranin sa buhay at ang pagkatulong malutas ang mga ito. Ang paglaya'y ang pagkaunawa sa puu-puong kahulugan ng damdamin ng tao. Ang paglaya'y ito: ang pagkaunawa sa sarili at sa daigdig. Ngunit paano ko mauunawaan ang aking sarili?

Sa salamin, ang larawan ko'y mistulang ako: naroon din ang buhok na dating malago, ngayo'y manipis, ang mukhang hawas na may guhit na ng hapis at kahapon, ang katawang dating matipuno'y mahagway ngayon. At sa kamalayan ay naghuhumiyaw na tanong: Sino ka? Nakikilala mo ba ang iyong sarili? Hindi! Oo! Nakikilala ko ang aking sarili sa kanyang hubad na larawan, ngunit di ko lubusang natatalos ang tunay na kalooban, pagkat hanggang ngayo'y gapos pa ako ng kahangalan, bigti pa rin ako ng karuwagan, alipin pa rin ako ng kasalanan. Wala sa akin ang pagkaunawa sa aking sarili, lubha pa sa kaninuman: ako'y hindi malaya at ngayon, akong dating maraming makamit, akong dating maraming nais marating, akong dating maraming mithiin sa buhay, ay may iisang pagnanais na lamang - ang makalaya sa kaalipinan.

Hinahanap ko ang kalayaan, sa kapatagan, sa kabundukan, sa bayan, sa ilang na pook, sa lahat ng dako ng daigdig; sa hilaga, sa kanluran, sa timog, sa silangan; nariyan sa alinman diyan ang kalayaang hinahanap ko. Alam ko: Ang kalayaan ay nasa lahat ng dako. Ito'y tila hanging malayang malalanghap (ngunit may pumipigil sa aking paglanghap): ito'y tila hanging malayang madarama (ngunit mukha ko'y namamanhid). Paano ang malayang paglanghap ang malayang pagdama, paano?

Sa salamin ay naroon ako.

Ako'y lalaking tinukso ng pagkakasala sa pamamagitan ng nilikhang sa tadyang ko nanggaling. Bakit nangyari ito, sa akin ang buong Paraiso; walang hapis, pawang ligaya. At nang ito'y naganap, nawala ang ligaya, nahalili'y hapis. At ako'y napahiya sa sarili, unang-una. Tumingala ako. Sa kabughawan, sa bunton ng mga ulap, hinanap ko ang Maykapal, ngunit wala siya. Inulilig ko ang kanyang tinig, ngunit biningi ako ng katahimikan. Nasaan ka, Diyos ko? Bigla-biglang sinaklot ng pangamba at agam-agam ang aking katauhan. Mawawala na sa akin ang mga biyayang kaloob ng Maykapal. At nang bumaba ang Serafin, batid kong tuluyan nang nawaglit para sa akin ang Paraiso: Hindi na ako malaya: pagkat alipin na ako ng aking sariling pagkasala.

Sapul noon ay hinanap ko ang kalayaan.

Buhat sa Paraiso, ako at ang aking katambal ay may tataluntuning landas sa paghanap ng kalayaan ng dating kaginhawaan at kaligayahan, ngunit saan? Di ba tanging Paraiso lamang ang katatagpuan ng walang-katapusang ligaya? Sa kabughawan ng langit ay naroon ang nagsasalimbayang mga langay-langayan. Nakikita ko ang langkay-langkay na mga ibon sa kanilang paglipad. Ngunit saan patungo ang langay-langayan? At ako, kasama ang sa aki'y nagbuhay, katulad ng langay-langayan, ay saan patungo? Saan masusumpungan ang ligaya at ginhawa, ang kalayaang sa wari'y tuluyan nang nawaglit? 

Ito ang natitiyak ko: habang may buhay , ako'y ako rin: ang tao. At saka ito: ang patutunguhan ko'y walang katiyakan, pagkat inilulunsad ko ngayonang aking daong sa dagat ng pakikitalad; pagkat sa akin at sa kasama ko ay pinid (matutuluyan kayang pinid?) ang Paraiso. 

Ang daigdig ay totoong malawak: hindi masundan ng aking paningin ang haba't luwang nito. Batid ko na kung makalalagos ang aking paningin sa tinutuntungan kong lupa'y hindi maaabot ng tingin ang lalim nito. Sinlawak ng kalupaan ang karagatan. Ang dagat ay tubig. Sinasabing ang tubig ay kristal na napananalaminan. Marahil sa pagiging kristal nito'y makikita ko ang pusod ng dagat, makikita ko ang kagandahang itinatago niyon. Subalit hindi: ang dagat ay singhiwaga ng lupa. Sumalok ka ng tubig, magagawa mo't masasalat ang kanyang kanipisan, ngunit sa kabila nito'y hindi mo makikita kung ano ang inililihim sa ilalim. 

At nauunawaan ko. Mahiwaga ang daigdig, at ako, kasama ang sa aki'y nagbuhat, ay maglalakbay sa dagat ng pakiktalad nang may isang mahalagang bagay na nababatid: kahiwagaan. Kaya marahil hindi ko maware ang sarili: kaya marahil hindi ko nakilala ang tunay kong kaakuhan, pagkat nababalot ng hiwaga ang Tao. 

Maganda ang sikat ng araw. Nadama naming ang init. Sumalab sa balat. Sumilong kami sa ilalim ng malalabay na sanga ng unang punong aming natagpuan. Saka lamang kami nakadama ng bahagyang ginhawa. Ngunit pagod na kami. Masakit ang aming mga paa. May galos at paltos na ang aming mga talampakan. Nakadama na kami ng sakit. Wala na nga kami sa Paraiso: doon, ang nayayapaka'y alpombrang malambot, maginhawa. Wala na, wala na kami sa Paraiso. At ngayong tumatagal ang aming inilalagi sa labas na iyon ay nakadarama na kami ng uhaw. Nanunuyo ang aming lalamunan. Patuloy ang paggiti ng saganang pawis. At kumakalam na ang aming sikmura. Ngunit anong hiwaga! Ang punong kinatitigilan namin ay may bungang nakabitin. ("Huwag ninyong kakainin ito." Walang gayong tinig kaming naririnig. Gaya noong makalimot kami.) iniabot ko yaon: ngunit mataas ang sanga, hindi kayang lundagin. Kailangan kong akyatin ang puno. Ito ang pakikitalad, ito ang pakikipamuhay, ito ang kaalipinan. Pagkat alipin na ako ng aking sarili. Ng daigdig, ng buhay. Hindi na ako malaya.
Noon nagbagu-bago ang anyo ng araw - naroong sumilip, sumikat, kumubli. At nagbagu-bago ang kulay ng langit - naroong bughaw, abuhin, itim. At noon nagbagu-bago ang hampas ng hangin - naroong mayumi, masungit, mabangis. Ang mga ito'y tanda ng kawalan ng katiyakan ng anumang bagay sa daigdig. Ito ang kahiwagaang bumabalot sa lahat ng nilikha. 

Noon ko nadama ang puu-puong damdamin. Mga damdaming kay hirap unawain: ito ay kaalipinang pinagdurusahan ng sarili. Gayundin ang nadarama ng katambal ko. Sinimulan naming pagtuwangan ang pakikipagsapalaran, gumawa kami ng masisilungan laban sa init at lamig, laban sa sungit ng panahon at kalikasan. Gumawa kami ng damit laban sa init at lamig, sa panahon at kalikasan. Ngunit ano itong pakikipagtunggali sa kalikasan? Di ba't sa kalikasan kami nabubuhay? (Ito, ito ang kahiwagaang bumabalot sa katotohanan - nagbibigay-kulay, nagbibigay-ganda, nagbibigay-halaga. Pagkat hindi ba kapag may hiwagang nais liripin, kumikilos ang mga tao, nagpupunyagi? Ang pagsisikap na ito ang pintig ng buhay na lumilikha ng kulay, ganda, at halaga.). 

Akong Tao at ang katambal na sa tadyang ko nanggaling ay magkasama habang may buhay sa daigdig. Magkasama kami sa pakikipagtunggali. Pagkat siya rin ang kasama ko sa Paraiso. (Noo'y pawing ligaya!) Ngayon ay hindi ko matingnan ang katawan ng aking katambal. Hindi ko na matitigang matagal ang hubog niyon, pagkat nagdadalang-hiya ako. Ngunit may nadarama akong kakaibang damdamin, hindi yaong pag-ibig na mapagkupkop, malambing, magiliw, kundi mabangis, mapilit, maalab. Gayundin marahil ang nadama ng aking katambal. Kasabay ng damdaming iyon ang kamalayang dadalawa lamang kami sa daigdig ("Hayo at magsupling!") kailangan naming ng kasama. Nasaan ka, manlilikha! Nasaan ka, Diyos! Narito! Narito! Nasa aking sarili: ako ang manlilikha, ngunit sa aba ko, hindi ako ang Diyos! Ito ba ang bahagi ng pagka-Diyos sa akin? Ang damdaming nadarama ko? Ito na ang pag-ibig sa kanyang lalong makabuluhang katuturan: maalab, mapilit, mabangis!
Ang ikalawang salin ay sa damdaming iyon nagbuhat. Sa ganyan ding damdamin magbubuhat ang iba pang salin. Ang lahat at lahat ay sa damdaming iyan magbubuhat. At ako, na Tao, at siya na katambal ko, ay nagsupling: supling at supling: salin at salin. Ito ang kahiwagaan ng paglikha sa Tao: kayraming kawangis, kahawig: kayraming kawangis ng Diyos, kayrami niyang binigyan ng bahagi ng kanyang pagka-Diyos. Hindi mapupuwing ang katotohanang itong napasaakin: ang pag-ibig ay bahagi ng Diyos na isinapi sa Tao. 

Kayraming tao sa daigdig. Kayrami kong kawangis, kayrami kong kawangis, kayrami kong larawan. Dumarami ang sakay ng daong naming nakalutang sa dagat ng pakikitalad at saka nahasik ang iba-ibang damdaming taglay ang hiwaga ng pakikipamuhay. Ang katapat ng pag-ibig ay nabigyang-tiis, naging poot, at saka nag-usbong ang pakikipagkaisa o pagbukod, pakikipagtalik or pakikipagalit. Sumibol ang pakikipag-unawaang naging pakikipag-digmaan. 

Ito ang hininga ng buhay: ang pagtigil sa daigdig na ito ay isang malaking pakikipaghamok, buhat sa Paraiso'y napalutang na ako, kasama ang sa aki'y nanggaling, sa dagat ng pakikitalad. Ngunit ano itong pakikipaghamok - pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig? Ito'y pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig. Nababatid ko, sapagkat nadarama ko rin ang iba-ibang damdaming nasaksihan kong nagpagalaw, nagpakilos, sa aking mga supling sa lahat at lahat. Sa Tao. 

At habang umiinog ang araw - sumisilip, sumisikat, kumukubli ay nadarama ko ang pagbabago: nasaksihan ko, naririnig ko, nalalanghap ko. Ang mga pagbabagong lalo't laong naglalayo sa akin sa Paraiso. Nawawala, nawawala nang tuluyan wari ang Paraiso, at ako'y tila ganap nang magiging alipin ng aking sariling nagkasala (ulit-ulit kong sinasabi: Diyos ko, Diyos ko, subalit ang taghoy ay walang tinig.). 

Nagbabago na rin ang tanawin. Marami nang gusaling naitayo: bato, kahoy, putik. Ang kapatagan ay pinarikit ng mga halamang tanim ng mga Tao. Ang kagubatan ay unti-unting nahahawan. Subalit Diyos ko, ako man ay nagbabago; nawawala ang dating lakas - tumatakas, tumatakas. Ngunit kailangang maikulong ko sa aking kalamnan ang lakas upang tumibay ang katawan ko sa pakikitunggali sa buhay. 
Marami-marami na ang aking mga supling: marami na ang tao. Lumalawak ang sakop ng tao. Ang mga pook-pook ay sumisikip: sa malas ay lumiliit ang kalupaan ngunit kabalintunaan, lumalaki, lumalaki ang daigdig, pagkat nabibigayan niya ng lunan ang lahat. (Ito ang kahiwagaan ng daigdig: may puwang sa kanyang kaliitan ang lahat na parami nang parami: lumalaki, lumalaki ang daigdig at akong Tao ay naiiwang tila butil ng buhanging makapuwing ma'y di makasugat: pagkat alipin. Ang tinig ko'y walang lakas pagkat wala akong laya, taghoy ko'y walang tinig.
Sumilang ang mga bayan-bayanan. Nakalikha ang mga tao ng mga wika at paraan sa pagsulat, natutuhan ng mga supling ko ang mga makipag-unawaan sa isa't isa sa pamamagitan ng salita (sari-saring salita) at sulat (sari-saring sulat). Subalit dahil din sa pagkakaibang ito'y ng-uugat ang di-pagkakaunawaang pagkat nawawala ang tatak ng pagkakaisa. Isa pa ring kabalintunaan: bumuo ng salita upang magkaunawaan, ngunit siyang salita ring dahilan ng di-pagkakaunawaan. Bakit ganito? Pagkat sumipot ang pagkakani-kaniya, sumibol ang pagkamakasarili. Ito'y mga tanda ng pagkagapi, ng pagkatalo, ng sarili: napaalipin nang lubos ang tao sa sariling nagkasala, hindi, hindi nga ako malaya!
Nagkaroon ng sariling ari-arian ang tao. May mga kasangkapang tanging kanila, walang makakagalaw. Gaya rin ng karapatang kumilos, lumakad, manahanan, mabuhay na hindi dapat sansalain. Ito'y ipagtatanggol hanggang sa magtigis ng dugo at kumitil ng buhay! May mga kagamitang kanya: iilang malapit sa puso lamang ang makagagalaw. Dito nagbinhi ang inggit at pag-iimbot, pagkat may mga taong nagnanais na magkamit ng ari ng iba. Kung may mga supling akong mapanarili, mayroon pa ring naging mapagkamkam. 
Sa salamin ay minasdan ko ang aking larawan, pagkalipas ng maramin-maraming panahon. Nahahapis ako, may pilak na ang aking buhok.