Kauna-unahang parabula ng Israel at Bhutan
Ang Alibughang Anak
May isang mayamang ama
na may dalawang anak na kapwa lalaki. Hiniling ng bunsong anak na ang manang
kanya sa kayamanan ng kanyang ama ay ibigay na sa kanya. Nang makuha na ng
bunso ang kanyang mana ay ipinagbili niya agad ito makalipas lamang ang ilang araw.
Matapos ito ay umalis siya at nagtungo sa malayong bayan. Dito niya walang
habas na nilustay ang kabuhayang ipinagkaloob ng ama.
Hindi nagtagal, naubos
na lahat ang kanyang salapi. Nang dumating ang taggutom sa bansang iyon ay isa
na siyang pulubi. Namasukan siya bilang tagapag-alaga ng mga baboy. Dahil sa
gutom, nais na niyang kainin pati pagkain ng mga baboy na alaga niya. Ngunit
maging ito ay ipinagkakait din sa kanya ng kanyang amo.
Sa ganitong kalagayan,
naisip niya ang kanyang ama. Ang mga manggagawa nito ay kumakain nang maayos
habang heto siya na nagugutom at walang makain. Agad siyang nagpasyang bumalik
sa dating tahanan.
Gayon na lamang ang
galak ng kanyang ama. Sinalubong nito ng yakap at halik ang nagbalik na anak.
"Ama, nagkasala ako sa Diyos at sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat na
maging anak mo. Ituring mo na lang akong isa sa iyong mga alila," sabi ng
anak sa ama.
Ngunit inutusan ng ama
ang mga alila na linisan at bigyan ang anak ng pinakamagarang kasuotan.
Ipinasuot din niya rito ang isang mamahaling singsing, at binigyan ng sapatos
para sa kanyang mga paa. Ipinagpatay din siya ng isang matabang baka at sa
ngalan niya ay nagkaroon ng isang pagdiriwang.
"Ang anak ko ay
nawala at ngayon ay nagbalik. Ipagdiriwang natin ang kanyang pagbabalik,"
ang sabi ng nagagalak na ama.
Namangha ang
nakatatandang kapatid nang dumating siya sa kanilang tahanan. Itinanong niya sa
isang katulong kung ano ang sanhi ng pagdiriwang. Nang malaman niya ang sanhi
ng kasayahan ay gayon na lamang ang kanyang galit kaya't di napigilan ang
kanyang sarili at sinumbatan ang ama.
"Akong masunurin
ninyong anak na buong katapatang naglilingkod sa inyo ay hindi ninyo
naipagpatay kahit isang guya man lamang. Ngayong dumating ang alibugha ninyong
anak na lumustay ng inyong kayamanan ay gugugol kayo nang malaki at
magdiriwang!"
Sumagot nang marahan
ang ama, "Anak ko, ikaw ay lagi kong kapiling. Ang lahat ng akin ay iyo.
Tayo'y nagsasaya ngayon sapagkat ang kapatid mong namatay ay muling nabuhay.
Siya ay nawala at muli nating nakita."