Pagkakaisa sa Likod ng Pagkaka-iba
Maikling Sanasay : Julius Cesar Pocaan
“Dayuhang wika kailangan sa
kasalukuyang panahon; Sariling wika kailangan sa pamhabang panahon.” Pahayag ng
isang “American Indian” na naglalayon ng isang magandang relasyon ng wika at ng
buhay. Ayon sa kanya, ang pagkakaraon ng isang dayuhang wika ay mahalaga upang
tayo ay makaayon sa takbo ng panahon subalit mas kailangan natin ang sarili
nating wika upang mabuhay nang habampanahon. Di lingid sa ating kaalaman na ang
ating bansa ay may napakaraming dayalekto na umaabot sa 170. Ilan dito ay ang
Bikol, Kapampangan, Sugbuanon, Iloko, Haligaynon at siyempre ang Tagalog kung
saan ibinatay ang wikang Filipino. “Maraming Wika, Matatag na Bansa” Noong una
ko itong nabasa, tila naguluhan ang aking isipan sapagkat pilit kong tinutukoy
kung ano ba ang ibig ipahiwatig ng paksang ito. Paulit-ulit ko itong binasa
hanggang sa nasagot ang ilan sa aking mga katanungan. Wari’y parang may
bumulong sa aking isipan upang aking matarok at malaman ang ibig nitong
sambitin. Hindi natin maikakaila ang mabilis na pagbabago ng ating lipunan. Sa
araw- araw nating pakikisalamuha, ating nasasaksihan ang mga pagbabagong
nagaganap tulad na lamang sa larangan ng teknolohiya. Kasabay ng mga
pagbabagong ito ang paglimot sa ilan sa mga dapat nating isaalang-alang.
Subalit, taliwas ang dito ang gawain ng ating mga kababayang Pilipino may
sariling dayalekto. Hindi nila kinakalimutan ang wikang kanilang kinalakhan
kung kaya nagkaroon ang Pilipinas ng mahigit isang daan nito. Sinasabing ang
pagkakaroon ng maraming wika ay hadlang sa paglago ng isang bansa. Subalit,
ating isipin at pagmuni-munihing mabuti ang pahayag na nasambit. Magiging
makatotothanan kaya ang pahayag na ito sa lahat ng pagkakataon? Tingnan natin
ang konsepto sa likod ng isang mapanuring kaisipan. Isang magandang pamantayan
ang pagkakaroon ng maraming kaalaman, hindi ba? Tunay na kahanga-hanga ang
isang taong maraming kaalaman, isama natin dito ang kaalaman ng higit sa isang
wika. Isang napakagandang halimbawa ang ating pambansang bayani, si Dr. Jose
Rizal. Isang dalubwika si Rizal na nakaaalam ng Arabe, Katalan, Tsino, Inggles,
Pranses, Aleman, Griyego, Ebreo, Italyano, Hapon, Latin, Portuges, Ruso,
Sanskrit, Espanyol, Tagalog, at iba pang mga katutubong wika ng Pilipinas. At
dahilan sa kanyang kaalaman, hinangaan siya ng mga Pilipino at patuloy na
hahangaan pamhabang panahon. Kung ating pakalilimiin, di kaya makatotohanan din
ito sa ating bansang may napakaraming dayalekto? Hindi sagabal sa pag-unlad ng
ating bansa ang pagkakaroon ng maraming wika kundi isa ito sa mga mahuhusay at
kahanga- hangang kapasidad ng isang bansa. Ngunit hindi sapat ang madaming
kaalaman sa paglago ng ating ekonomiya, ang ating bansa ay nangangailangan ng
mamamayang may pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba. Kailangan natin ang
pagtutulungan tungo sa kaunlaran. Marami man ang wika ng ating bansa,
mananatili itong matatag kung may pagsasama-sama, pagkakaisa at pagtutulungan
tungo sa isang hangaring mapalago ang ating bansa.
No comments:
Post a Comment