Search This Blog

Friday, September 23, 2016

May Panahon Pa Kaibigan - Sanaysay

May Panahon Pa Kaibigan
Maikling sanaysay ni: Eisa Rene Batallones y Saturno

Libong taon na ang lumipas, nakintal sa isipan ng lahing kayumanggi ang mga hagupit at matinding dagok dala ng mga mananakop sa lahing kayumanggi. Naglaho na ang mga kanyon, at ang mga gatilyo ng baril na pumatay sa daang libong Filipino na nakipaglaban sa kalayaan ng bayan ay tuluyan ng nagwakas na kalabitin at ngayon ay isa na lamang itong ala-ala ng panahong lumipas.

Nakamit na ang minimithing kasarinlan ng bansang inanod ng agos ang mga adhikain at simulain na siya sanang uugit sa mga kabataan tungo sa matagumpay na hinaharap. At muli itong inumpisahang balangkasin ng matino, maipagmamalaki at higit sa lahat ay may angking tapang na maipatupad ito ng mga pinunong nilayon ay pangkalahatang tagumpay. Subalit, tila yata hindi pa ganap ang sinasabing kalayaan. Ano nga ba ang kalayaan? Kalayaan bang matatawag na magkaroon ng sariling batas na ipinatutupad? Kalayaan bang mamuhay sa bansa kung naglipana sa bawat sulok nito ang mga taong nagpapahirap sa sambayanang Filipino? Ang kalayaang inaasam ay tila isang mwtaporika lamang ng kaganapang naroon na at nakamit na ang kalayaan.

Nilamon ng progresibong kabishanan ang noo’y ayak na pamumuhay. Ang mga paragos at kariton na batak ng mga kalabaw ay madalang ng nasisilayan. Ang mga karitela na hila ng kabayo ay mahirap mo ng masumpungan. Ang noo’y tahimik na kapaligiran ay inalingawngawan ng mga busina ng makabagong sasakyang naggaling sa mga bansang dumaluhong at nagwasak sa angking kariktan ng luntiang kapaligiran na tila baga winasak ng isang malakas na delubyo.

Ang silangan at ang kanluran na hinahasikan ng gintong palay ay untiunting ninakaw ng progresibong pagsulong sa inaakalang ito ang mabisang paraan upang masawata ang kahirapang tinatagalay. Subalit lingid sa matalinong kapasyahan ang mga ito ay patibong ng makabagong kabihasnan na kitilin ang kagandahan, payak at matahimik na pamumuhay.

Madalang na ang araro, at isa na lamang itong palamuti sa taklab ng magsasakang bumungkal ng lupang tinalo na ang lakas ng panahong lumipas. Bumulaga sa ating mga mata ang mga nagtataasan at naggagandahang gusali na nakatanim kapalit ang luntiang palay na nagbibigay ng gintong butil na isang biyayang matatawag.

Mayroon pa ba tayong ninanais? Hindi pa ba sapat ang tagumpay na ating nakamit? Hindi pa ba sapat ang kaalamang nakuha natin sa mga dayuhang pilit nating yinakap ang kanilang kakanyahan tungo sa pagpapaunlad ng kinabukasan ng bawat mamamayan? Alin pa at ano pa ang kulang sa atin? Bakit walang pagsulong? Bakit nananatiling maraming naghihirap kahit ang kaunlaran ng bansa ay ating nang namamalas? Bakit patuloy ang kawalang katarungan lalo’t higit sa mga taong mahihirap?

Ako’y nagtataka, nagugulumihanan sa kasalukuyang takbo ng politika sa bayan. Ang wangis ng isang taong maprensipyo’y isang dalagang may angking alindog na niluray at pinagsamantalahan ang angkin nitong yumi at kaandahan, di sin sanay ang patas at makatuwirang laban ang ipairal, ipakita ang maginoon laban, hindi sa buhong at may ganid na pagnanasa sa kaban ng bayan na pinagyaman ng mga taong ang hangarin ay para sa pangkalahatan, hindi sa iisang tao lamang.

Lawitan mo ng pag-asa na mabago ang kalakaran, gamitin ng wasto ang aking talino mo’t isipan upang mapagtagumpayan ang sinusuong na pakikiba sa mga taong dala ay kapahamakan. Hasikan mo ng pataba ang mga punlang isinurak sa matabang lupa, patabang manggagaling sa utak ng kamalayan at masaganang kaalamang natutunan sa mga naunang taong nakibaka na ipaglaban ang karapatang kalayaang mamuhay. Ang pamumuhay ng patas, tahimik at malayang naisasakatuparan ang minimithing pangarap sa buhay ng may katiwasayan.


Hamo't mangyaring aking idalangin sa Diyos na Maawain at Mahabagin na ikaw ay pagpalain. Hindi pa huli kaibigan, may panahon ka pang mag-isip ng tama. May panahon pa! May panahon pa… kaibigan!

No comments:

Post a Comment