Search This Blog

Friday, September 23, 2016

Kagustuhang Magbago - Sanaysay

Kagustuhang Magbago
Disiplina
Maikling Sanaysay : Josua Ronnel Ortiz


Ang buhay natin ay parang isang track and field na kung saan kinakailangan mong mapagtagumpayan. Ang mga obstacles sa larong ito ay maihahalintulad sa mga pagsubok na ating dinaranas, may mga mahihirap at may mga madadali ring malagpasan. Kung minsan tayo ay nadarapa ngunit ang isa sa mga ugali nating mga Pinoy ay ang hindi pagsuko sa anumang pagsubok kaya agad tayong nakakatayo tuwing tayo ay nadarapa. Natural sa ating mga Pinoy ang pagtutulungan. Hindi maikakaila na sa panahon ng sakuna tayo ay sama-samang tumatayo. Noong panahon na nanalasa ang Bagyong Ondoy ay ramdam natin ang hagupit nito, maraming namatay, nawala, nasirang mga kabahayan at kabuhayan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, ang ating bayan ay hindi nagpatinag. Sama- samang bumangon upang maipakita na matatag ang mga Pinoy. Parang puno na ‘di mabubuwal kahit anumang bagyong ang magdaan. Kung iisiping mabuti ang susi sa lahat ng ito ay pagtutulungan. Nakakamit natin ang ating mithiin sa maayos at matiwasay na paraan kapag tayo’y nagtutulungan. Mas napapadali rin ang mga dapat nating pagtuunan ng pansin kung tayo ay nagtutulungan. Ngunit may mga tao pa ring sadyang sakim. Walang iniintindi kundi ang kanilang sarili lamang, tulad ng ilan sa mga puliltiko sa ating gobyerno na walang habas kung kumuha sa pera ng taong bayan. Hindi na nila maisip ang pagtulong sa kapwa matapos silang maluklok sa kanilang mga pwesto. Hinahayaan nilang malugmok sa kahirapan ang kanilang mga nasasakupan habang sila ay nakaupo sa kanilang mga mamahaling upuan. Kung sino pa ang dapat asahan ay sila pang pahamak sa bayan. Ang ating kagustuhang magbago ay hindi maisakatuparan dahil na rin sa mga taong ganid sa pera. Kung tayo’y nagtutulungan kasama na rin ang mga namumuno sa ating bayan siguradong kaya nating makipagsabayan sa mga bansang mauunlad tulad ng U.S.A., Australia, Canada, at iba pang mga bansang nasa rurok na ng tagumpay. Nakamit nila ito sa pamamagitan ng pagkakaisa sa kanilang hangaring umunlad. Ang ating bigyang pansin ay ang paggabay sa isa’t isa upang tayo ay makarating sa ating patutunguhan ng sama-sama at ligtas, hindi una-unahan. Ang lahat ay lilipas, kahit na gaano pa karami ang iyong mga kayamanan hindi mo rin iyan madadala sa kabilang buhay. Dapat nating ipaubaya sa Diyos ang lahat, at ang lahat ay magiging kainam-inam. Sa atin magsisimula ang pagbabago, kung may tiwala ka sa sarili mo at sa Diyos na lumikha sayo, tiyak na makakamit mo ang iyong kagustuhang magbago.

No comments:

Post a Comment