Search This Blog

Friday, September 23, 2016

Ang Kahalagahan ng Edukasyon sa Kabataan - Sanaysay

Ang Kahalagahan ng Edukasyon sa Kabataan
Maikling Sanaysay


Tinamnan ng binhi. Kung ang lupa ay alaga sa pataba, higit ding lulusog ang binhing tumutubo rito. Tutubuan ito ng malala-king ugat na hindi mabubuwag ang pagkakakapit sa lupa. Magkakaroon ito ng matibay na pundasyon at hindi mabilang na mga sanga kung saan tutubo ang malalago nitong dahon at ang malalaki nitong bunga. Ang binhing aking tinutukoy ay ang kabataan. Ang kanilang kinabukasan ay nakasalalay sa kanilang edukasyon. Sa tulong ng mga magulang, mga kaibigan at lalung-lalo na ng mga guro, lumalago ang kanilang kaalaman sa iba't ibang larangan. Ang mga natutununan ay makatutulong sa kanila hanggang sa kanilang pagtanda. Ang kailangan lang gawin ng kabataan ay buong pusong tanggapin ito sa pamamagitan ng pag-aaral nang mabuti at pagsasabuhay nito. Kung lubos na maiintindihan ng bawat mag-aaral ang tunay na kahalagahan ng edukasyon, maiiwasan sana ang mga karaniwang suliraning hinaharap ng kabataan ngayon gaya ng hindi planadong pagkabuntis, maagang pag-aasawa at pagtigil sa pag-aaral. Ang edukasyon ay isang bagay na hinding-hindi maaagaw ninuman. Ito ay kailangan upang maisakatuparan ang pangarap ng isang bata. Sa pamamagitan nito, siya ay nahuhubog upang magkaroon ng matatag na pundasyon nang sa gayon ay hindi ito manghina ni masira sa pagharap nito sa mga pagsubok at suliranin ng buhay. Sa pamamagitan din ng edukasyon, lumalago ang karunungan ng bata at hindi lamang limitado sa akademiko. Ito rin ay nagiging daan upang ang isang bata ay makapulot ng gintong aral na tatatak sa kanyang buhay. Kung magagamit ng isang bata ang kanyang karunungan nang wasto at lubos, siya ay magiging isang mahalagang bahagi ng kanyang pamilya, ng kanyang lipunan at ng inang bayan. Isa sa magandang proyekto ni Jose Rizal ay ang pagpapatayo ng paaralan dahil naniniwala siya na sa sa pamamagitan ng edukasyon, ito ang magiging daan sa mga kabataan na maiangat sila para sa mas mabuting kinabukasan sapagkat kung may pinag-aralan mas makakahanap ng mas magandang trabaho na tulay rin tungo sa matiwasay at pagkakaroon ng magandang kinabukasan. Di nga ba't ang mga kabataan ang pag-asa ng ating bayan? Kaya dapat lang na magkaroon ng tama at angkop na edukasyon para naman ang pangarap ng ating mga ninuno na mabuting kinabukasan para sa bayan ay makamtan.

14 comments: