Search This Blog

Friday, September 23, 2016

Disiplina at Karangalan - Sanaysay

Disiplina at Karangalan
Maikling Sanaysay : ni: Gregorio V. Bituin Jr.


Sa ikauunlad daw ng bayan, disiplina ang kailangan. Masasalamin natin sa kasabihang ito kung ano ang tinatawag nating disiplina. Marami ang nakakaalam ng kasabihang ito, ngunit kakaunti naman ang tunay na nakakaunawa ng tunay na kahulugan nito. Ang disiplina’y hindi lamang sa pamamagitan ng simpleng pagsunod sa tinig ng ating budhi, kundi sa pagiging marangal at paggawa ng tamang bagay, sa tamang panahon, tamang lugar, tamang paraan, at may tamang layunin, nang hindi nakasasakit ng damdamin ng iba. Bagkus, nakagaganda pa ito ng ugnayan ng isang tao sa kanyang kapwa, pamilya, pamayanan at daigdig. “Madaling magpakatao, mahirap magpakatao.” Ang disiplina ay di lang nakikita sa ganda ng porma, pagiging mayaman at tanyag sa lipunan, bagkus mas higit na dapat bigyang pansin ang paggawa ng kabutihan at kaayusan para sa kapakanan, hindi lang ng sarili, kuni ng iba pang tao. Ikaw kaya, kaibigan, masasabi mo bang disiplinado ang isang tao kung siya’y laging maganda ang bihis, mayaman at kilala sa lipunan samantalang pinababayaan naman niya ang kalikasan at kalagayan ng ibang tao? Ang isang mayaman na nagbibigay ng malaking donasyon sa simbahan ngunit sa masamang paraan niya kinukuha ang kanyang kayamanan ay masasabi nating hindi isang disiplinadong tao dahil siya’y hindi marangal. Mas higit pang marangal sa kanya ang isang pulubing namamalimos sa lansangan. Kung isa kang lingkod ng bayan ngunit nangungurakot ka naman, matatawag ka bang disiplinado at marangal? Hindi pala dapat ihiwalay ang disiplina sa karangalan, kaibigan. Ang isang estudyante ay masasabing disiplinado kung pumapasok siya sa klase sa tamang oras, nagsisikap matuto at matiyaga sa kanyang pag-aaral. Ang pamamasyal at pagliliwaliw ay hindi masama basta’t hindi naaapektuhan ang iyong pag-aaral at iba mo pang gawain dahil bahagi ito ng ating pag-unlad bilang tao. Mahirap naman kung parati kang seryoso sa pag-aaral ngunit hindi mo naman nabibigyan ng panahon ang makapag-relaks, magliwaliw at makihalubilo sa lipunan. Maling konsepto ng disiplina ang nalalaman mo kung hindi mo naman nabibigyan ng kasiyahan ang buhay mo. Basta ba wala kang ginagawang masama at hindi mo pinababayaan ang mga gawain mo. May panahon ka sa pag-aaral kaya gamitin mo nang wasto ang oras na ito para marami ka pang matutunan. Huwag sayangin ang panahon at perang ginagasta para lang makapag-aral ka. Paano tayo magiging disiplinado, kaibigan? May ilang akong maipapayo. Gawin mo ang mabuti ayon sa kakayahan mo at gampanan mo nang mahusay kung ano ang papel mo sa pamayanan. Halimbawa, isa kang working student. Pag oras ng trabaho, magtrabaho ka. Kung oras naman ng pag-aaral, mag-aral kang mabuti. Hindi dapat maging dahilan ang pagiging working student mo para ipasa ka ng iyong guro. Ngunit may mga bagay din minsan na nakalilito tungkol sa disiplina. Halimbawa, isa kang trabahador sa isang pribadong kampanya, at limang minuto na lang, late ka na. Mahigpit pa naman ang amo mo. Eh, patawid ka ngayon ng kalsada ngunit pula ang ilaw sa takdang tawiran. Tumawid ka dahil kailangan mong magmadali. Isa pa’y bihira naman ang dumadaang sasakyan. Disiplinado ka ba o hindi? Kung dadaanin sa batas, mali ka dahil tumawid ka na pula ang ilaw. Ngunit sa praktikal na pananaw, tama pa ring tumawid dahil wala namang dumaraang sasakyan, bukod sa makakahabol ka sa oras, hindi ka pa mapapagalitan ng boss mo. Medyo kumplikado ang disiplinang tinutukoy, ano po? Marahil kaya kumplikado dahil iniisip natin na ang patakaran ay patakaran, ang batas ay batas na hindi maaaring suwayin. At may dalawang patakarang masasabi nating nagbabanggaan sa isang partikular na sitwasyon. Batas sa trapiko (huwag tumawid kapag pula ang ilaw) laban sa batas ng kumpanya (huwag ma-late at baka matanggal sa trabaho). Gayunman, kailangan nating maging disiplinado at sumunod sa mga patakaran lalo na kung ito ang hinihingi ng sitwasyon, at nais nating maging maayos ang lugar na ating ginagalawan, pati na rin ang mga taong ating nakakasalamuha. Kung disiplinado ka, magpakatao ka. At kung nagpapakatao ka, disiplinado ka. Gagawin mo ang tama at marangal. Ipagpatuloy mo ito lalo na kung alam mo namang ikahuhusay ito ng mas nakararaming tao. Tiyak na susuportahan ka ng iba sa mga wasto mong gawain. Makakamit natin ang pinakamarangal na dignidad kung tayo ay may disiplina lalo na kung nauunawaan natin at isinasagawa ang tunay na kahulugan nito. Ang gawaing may malinis, marangal at mabuting hangarin ay nagbibigay-dangal sa isang tao. Higit sa lahat, sa ugali mo masasalamin ang tunay na disiplina, kaibigan at hindi sa panlabas na kaanyuan ng isang tao at ang disiplinang ito ay karangalan, na siyang tanging kayamanan na ng tao, kayamanang hindi nabibili, hindi mananakaw, at ito’y mananatili kailanman! Karangalang higit na kailangan sa katuparan ng hinahangad na kaunlaran. Karangalang higit pa sa kayamanan.

1 comment: