Search This Blog

Friday, September 23, 2016

Disiplina Sa Ikauunlad ng Bayan, Disiplina ang Kailangan - Sanaysay

Disiplina Sa Ikauunlad ng Bayan, Disiplina ang Kailangan
Maikling Sanaysay


Itong linya na ‘to ay umalingawngaw noong kapanahunan ng Martial Law. Linya na mula sa diktador na abusado at mapanlinlang ngunit bilang pangungusap, ito ay makahulugan sa lahat at para ito sa mga kababayan nating hindi disiplinado. Hindi uunlad ang bayan kung ang mga mamamayan ay hindi disiplinado. Kung may kaayusan at respeto sa isa’t-isa, hindi malayong respetuhin na tayo ng mga ibang bansa at tingalain bilang kanilang inspirasyon. Ngunit kung parati tayong hindi maayos at hindi sumusunod sa mga simpleng batas o panuto, hindi tayo magtatagumpay. Pinatunayan ng mga Hapon noong niyanig sila ng Magnitude 9 na lindol noong Marso na kahit nilumpo na sila ng kalamidad, ang pagiging disiplinado ay pinairal pa rin nila. Hindi sila nagnakaw o nag-panic buying sa mga tindahan, sumunod sila sa utos ng kanilang pamahalaan na lumikas na at higit sa lahat, nagrerespeto sila sa isa’t-isa. Isang magandang halimbawa na dapat gayahin at gawing inspirasyon ng mga Pilipino. Paano ba maging disiplinado? Una, sumunod sa mga simpleng panuto o batas. Kung susunod ang lahat, susunod ang kaunlaran. Pangalawa, sa lahat ng pagkakataon, pairalin ang pagiging alerto o mahinahon, halimbawa kung may kalamidad na tumama, huwag mag-panic dahil ang mahalaga ay nailigtas ka, ang mga bagay na naipundar mo, babalik rin yan basta’t magsumikap ka. Pangatlo, respetuhin ang isa’t-isa, kung may respeto kayo sa kapwa mo, ang respetong ipinakita mo ay magbibigay ng gantimpala sa’yo. Pang-apat, huwag mag-isip ng negatibo, isipin mo ang positibong kalalabasan ng mga gawain mo upang maging matagumpay ka sa hinaharap. Kilala ang mga Pilipino bilang hindi disiplinado, ngunit kung gusto natin ng pagbabago, unahin muna natin ang pagiging disiplinado bago maging progresibo.

1 comment: