MINDANAO
Ang Alamat ng Bundok Pinto
(Bahagi ng « The Legend of
Mount Pinto” ng Maguindanao)
Mula sa “The Legends” by
Damiana L. Eugenio
Labis na nakamamangha at
napakahiwaga ang tungkol sa yungib. Ito ay pinanirahan ng mga supernatural na
nilikha tulad ng mga diwata at reyna na pinaniniwalaang lumitaw nuong unang
panahon. Sila ang pinaniniwalaang magagandang nilikha ng diyos na may
napakaraming aria-arian tulad ng iba’t ibang uri ng mga alahas. Mayroon din
silang mga bagay-bagay na yari sa tanso tulad ng mga agong (gongs), mga
kulintang, mga gandingan at iba pang mga bagay-bagay na may kaugnayan o kabilang sa kumpletong mga
instrumentong musikal na yari sa tanso.
Ang mga sinaunang
nanirahan sa nayon ay maingat na nagmatyag at malapitang sinaksihan ang mga
pambihirang gawi at mga kakatwang gawain ng mga kakaibang naninirahan sa
yungib. Napuna ng mga taga-nayon na tuwing maaliwalas na mga gabi ay
nagkakaroon ng pambihirang kasayahan sa bundok.
Ang malamyos na musikang likha ng mga instrumentong musikal ay maririnig
mula sa bunganga ng yungib.
Mapagkikilalang ang musika ay likha ng kagamitang musikal na yagi sa
tanso. Sa katahimikan ng gabi, ang musikang nagmumula sa bundok Pinto ay
nakapagdudulot ng tunay na kasiyahan at kaligayahan sa mga naninirahan malapit
sa bundok. Ang gayong kakaiba at kamangha-manghang nakaaaliw at masasayang
pangyayari ay nagtagal at nagpatuloy ng maraming mga taon.
May pagkakataon pang ang
ilang malalakas ang loob na lalaki ay di pa nasiyahan sa pakikinig lamang ng
nakaaaliw na matamis at masarap pakinggang tugtuging idinudulot sa mga tao ng
mga supernatural na nilikha. Isang gabi, tatlong mapangahas na lalaki ang
sumubok na lumapit sa yungib ng bundok. Sila’y dahan-dahan at tahimik na
gumapang hanggang sa makarating sa pinakamainam na lugar malapit sa bunganga ng
yungib at doo’y nagkubli ng ilang sandali.
Ano ang kanilang nakita?
Sila’y buong kapanabikang nangabigla nang makita ang mga kaibig-ibig tingnang
mga nilalang na tumutugtug gamit ang mga intrumentong musikal na yari sa
magagaang kawayan na makinis ang pagkayari. Sa pinakaloob na bahagi ng yungib,
ang ibang mga reyna ay buong kasiyahang tumutugtog gamit ang mga kulintang, agong, gandingan at iba pang mga
instrumento. Nang maramdaman nilang may mga tao sa di kalayuan, kaagad silang
napatugil sa pagtugtog. Madali nilang
nalamang may tao sa paligid dahil sa kanilang matalas na pang-amoy.
Ang mayuyumi, magaganda
at kabigha-bighaning mga nakababatang diwata at reyna ay biglang naglaho.
Nahintakutan sila sa pagdating ng mga tatlong kalalakihan. Ang mga nakatatandang mga diwata at reyna
lamang ang nanatili roon ngunit di kumikibo at nakamasid lamang. Naumid naman
ang tatlong lalaki at di malaman ang sasabihin ng makita nang harapan ang mga
mga kabigha-bighaning nilalang.
No comments:
Post a Comment