Noong
araw, sa bayan ng Sariwa naninirahan ang lahat ng uri ng gulay. Ditto makikitang naghahabulan sina Labanos at
Mustasa. Nagpapatintero rin sina
Bawang, Sibuyas, Upo, at Patola.
Nagtataguan sina Singkamas, Talong, at Luya habang nagluluksong-baka
sina Kamatis at Kalabasa.
Isang
araw, umusbong ang isang kakaibang gulay.
Siya’y si Ampalaya.
Maputlang-maputla ang kulay ng balat niya at sa kahit anong lasa’y sulat
siyang talaga!
Dahil
dito, unti-unting pumulupot ang mabalahibong inggit sa katawan ni
Ampalaya. Naging bugnutin siya at
mainitin ang ulo.
Lahat
ng gulay na lumalapit sa balag niya ay binubulyawan niya.
“Wag kayong lumapit sa akin! Hindi ko kayo
kailangan! Layas!”
Dahil
ditto, nilayuan tuloy siya ng lahat ng gulay sa bayan ng Sariwa.
Isang
maalinsangan gabi, isang maitim na balak ang namulaklak sa utak ni Ampalaya.
“Kailangang magkaroon din ako ng lasa, kulay,
at ganda tulad ng ibang mga gulay!” bulong ni Ampalaya sa sarili.
Habang
nananaginip ang mga gulay, isinagawa ni Ampalaya ang kaniyang balak.
Dahan-dahan,
gumapang siyang papalapit sa balag ng mga walang kamalay-malay na biktima. Sinunggaban niya ang tamis ni Kalabasa. Isinilid niya sa isang bayong ang asim ni
Kamatis, pati na ang anghang ni Luya.
Nakita rin niyang nakasampay sa bintana ang kaputian ni Labanos. Agad niya itong kinuha. Sinaklot din niya ang lilang balat ni Talong at
ang luntiang pisngi ni Mustasa.
Ipinuslit
din niya ang lutong ni Singkamas, ang manipis na balat ni Sibuyas, ang
malasutlang kutis ni Kamatis, at maging ang gaspang ni Patola.
“Ha! Ha! Ha! Ha! Sa wakas!
Nasa akin na ang lahat
ng lasa, kulay at ganda!
Siguradong kaiingitan
ako ng lahat ng gulay!”
Sabi
ni Ampalaya sa sarili.
Kinabukasan,
umalingasaw ang balita tungkol sa nakawang naganap. Nagtipon-tipon ang lahat ng gulay. Lumuwa ang mga mata ng lahat nang biglang
dumating ang isang di-inaasahang bisita:
Isang dayuhang gulay. Iba’t-iba
ang kulay ng balat niya at kaya pa niyang mag-iba-iba ng lasa! Kahanga-hangang
gulay talaga!
Ngunit
para kay kamatis, kaduda-duda ang pagkagulay ng bisita. Kaya’t kinagabihan, tinipon niya ang mga
kasamang gulay at sama-sama silang nanubok sa balag ng dayuhang gulay.
Kitang-kita
nila ang dayuhang gulay, nakaharap sa salamin, habang isa-isang hinuhubad ang
mga lasa, kulay at ganda mula sa katawan niya.
Nagulat sila nang tumabad sa harap nila ang isang maputlang gulay. Ang bugnuting si Ampalaya!
Isinakdal
sa harap ng kalunti-luntian, kasari-sariwaan, Kasusta-sustansiyang Hukuman ng
mga Gulay si Ampalaya. Dumating sa
paglilitis ang lahat ng gulay sa bayan ng Sariwa. Nandoon din bilang hukom ang mga diwata ng
Araw, Lupa, Tubig, at Hangin.
“Hindi pa nililikha ang gulay na nagtataglay
ng lahat ng lasa, kulay, at ganda ng Kalikasan!” sigaw ng diwata ng Araw.
“Ikaw ay napatunayang nagkasala laban sa
batas ng mga gulay at sa batas ng Kalikasan,” bulong ng diwata ng Lupa.
“A-Ampalaya, ikaw ay parurusahan…” hikab
ng diwata ng Tubig.
“Bilang parusa, lahat ng ninakaw mong lasa,
kulay, at ganda mula sa mga kasama mong gulay ay mapapasaiyo na,” ugong ng
diwata ng Hangin.
“Parusa ba ‘yon? Ano bang klaseng parusa
‘yon?” buska ng bugnuting si Ampalaya.
Pagkaraan
ng paglilitis, nangako ang mga diwatang ibabalik nila ng mga lasa, kulay, at
ganda ng mga gulay na ninakawan ni Ampalaya.
At nang gabing iyon, may kagila-gilalas na nangyari kay Ampalaya.
Nag-away
ang lahat ng lasa, kulay at gandang ninakaw ni Ampalaya sa loob ng katawan
niya! Nang magsuntukan ang puti, luntian, lila, dilaw, at iba pang kulay,
nagmantsa ang madilim na luntian sa kaniyang balat. Ang magsabunutan ang kinis at gaspang,
lumabas ang kaniyang mga kulubot. At
nang magsigawan ang tamis, asim, at anghang, lumitaw naman ang pait.
Mula
noon , naging madilim na
luntian ang kulay ni Ampalaya. Anging
kulubot ang balat niya. At naging mapait
ang lasa niya. Ngayon, kahit
masustansiyang gulay si Ampalaya, marami ang hindi nagkakagusto sa kaniya. Pero alam n’yo, nagsisi na si Ampalaya. Sa susunod n’yo siyang makita sa inyong
pinggan, subukan n’yo siyang tikman at patawarin sa kaniyang mga kasalanan.
No comments:
Post a Comment