Lahing Kayumanggi – Lahing Piling-pili
(Alamat)
Maganda ang kwento ng pagkakalikha ng taong kulay kayumanggi. Ang mga Pilipino ay kabilang sa lahing ito. Maipagmamalaki natin ang lahing kayumanggi, ang lahing piling-pili.
Noong unang panahon, madilim at walang anyo ang daigdig. Nilikha ng Panginoon ang araw upang maging maliwanag ang daigdig sa maghapon. Nilikha Niya ang buwan at mga bituin upang magbigay ng liwanag sa gabi. Ang mga ito’y ililagay Niyang lahat sa langit. Nilikha Niya ang mga dagat, ilog, talon, bundok, at burol. Nilikha din Niya ang mga puno, halaman, ibon at sari-saring isda. Ngunit malungkot pa rin ang Panginioon.
“Kailangang lumikha Ako ng tanong maninirahan sa daigdig. Sila ang magpapaganda at mag-aalaga sa mga bagay na Aking nilikha,” ang sabi ng Panginoon.
Nakita Niya ang makapal na lupa. Dumakot Siya at bumuo ng hugis-tao. Isinalang Niya ito sa isang lutuan.
“Kaytagal naman maluto,” ang sabi ng Panginoon. “Mamamasyal muna Ako.”
Habang pinagmamasdan ng Panginoon ang mga puno at halaman, may naamoy Siyang bagay na nasusunog.
Binalikan ng Panginoon ang Kanyang niluluto. Nakita Niyang sunog at maitim na ang lupang hugis-tao.
Ang unang taong ito ang pinagmulan ng lahing itim. Sa lahing ito kabilang ang mga Negro at mga Ita.
Naging maingat ang Panginoon sa paglikha ng ikalawang tao. Dumakot uli Siya ng lupa. Marami at malaki ang lupang dinakot Niya. Inilagay Niya ito sa lutuan. Binantayan Niya ang pagluluto at hindi Niya ito pinatagal. Kinuha na Niya agad ang lupang hugis-tao.
“Puti? Naku, maputlang-maputla,” ang sabi ng Panginoon.
Ang nalikhang ito ng Panginoon ang pinagmulan ng lahing puti. Ditto napabilang ang mga Amerikano at Europeo.
Ibig ng Panginoon na lumikha ng tao na katamtamang laki; ang kulay ay di puti at di itim. Dumakot Siyang muli ng lupa. Katamtaman lamang ang dami. Maingat Niya itong inilagay sa lutuan. Buong tiyaga Niya itong binantayan.
Kaylaking tuwa ng Panginoon!
Kayumanggi ang kulay ng Kanyang nalikha. Hindi itim… hindi puti… hindi sunog… hindi hilaw…
“Salamat,” ang natutuwang sabi ng Panginoon. “Nakalikha din Ako ng taong may tamang laki at kulay.”
Ang huling nilikhang tao ng Panginoon ang pinagmulan ng lahing kayumanggi. Dito kabilang ang mga Pilipino. Piling-pili ang lahing kayumanggi.
No comments:
Post a Comment