Sinasabing ang puno ng lansones ay karaniwang makikita sa Luzon. Gayunman, walang gaanong pumapansin dito. Isang araw, isang magnanakaw ng kalabaw ang hinahabol ng mga tao. Napagawi ito sa lansonesan at doon nagtago. Sapagkat gutom na gutom na rin ang magnanakaw sa katatakbo, pumitas siya ng lansones at kumain. Nalason siya. Dinatnan siya ng mga taong patay at may bakas pa ng bula sa bibig. Mula noon, pinagkatakutan ang lansones. Walang nangahas kumain nito.
Minsan, isang babaing nakaputi ang dumating. Palakad-lakad ito sa may lansonesan. Pakanta-kanta ang babae kaya marami ang nakatingin sa kanya pero nangangamba namang makipag-usap. Nakita ng lahat na kumuha ng bunga ng lansones ang babae at nagsimulang kumain. Inasahan ng mga nanonood na mamamatay siya pero walang nangyari sa kanya. Kinambatan niya ang mga tao para lumapit. "Alam kong nagugutom kayo, inalisan ko na ito ng lason. Maaari na ninyong kainin." Takot pa rin ang mga tao. Pero inabutan sila ng babae ng lansones. "Makikita ninyong may bakas ng kurot ang prutas. Iyan ang tanda na inalisan ko na ito ng lason. Kumain na kayo." At nawala ang babae.
Sinapantaha ng lahat na isang ada ang babae. Tinikman nilang lahat ang prutas. At naroon nga ang bakas ng kurot, wari’y lalong nagpalinamnam sa lansones.
No comments:
Post a Comment