Search This Blog

Monday, October 13, 2014

Alamat ng Manika

Noong unang araw, hindi pa nakamumulatan ng tao ang mga laruan ginagamit ng bata ngayon. Isa rito ay Manika. Kung mapapansin ninyo. Ito’y kawangis ng mga tao.

Noon, may mag-asawa na nag nanais na magkaroon kahit isang anak lamang. Sa loob ng dalawampung taon pagsasama ay hindi sila tumigil sa paggagamot, pagdasal at pamamanata upang matupad lamang ang kanilang mithiin. Sa pagdaan ng panahon naging malungkutin ang mag-asawa.

Hanggang minsan, hatinggabi na noon ng may marinig na ingit ng sanggol. Hindi sila makatulog dahil walang tigil sa pag iyak ang bata. Kaya’t napagpasiyahan na lumabas at alamin kung ano ang nangyayari sa sanggol. Binaybay nila ang daanan patungo sa dampa.

Nakita nila ang isang babae na halos wala ng buhay at hawak ang bata na noo’y kasisilang pa lamang. Bago pa man malagutan ng hininga ang ina ay ipinagbilin niya ang anak sa mag-asawa. Tuwang-tuwa ang dalawa sapagkat natupad na rin ang kanilang inaasamasam. Ang magkaroon ng sanggol sa kanilang tahanan.

Inaruga nila at minahal nang lubos ang bata. Pinangalanan itong Nika. Sa edad na lima ay napakagandang bata ni Nika. Lahat ng luho tulad ng magagandang damit, masasarap na pagkain at marami pang iba ay ibinigay rito.

Ngunit sa kabila ng kagandahan ng kanyang mukha ay nakatago doon ang kanyang masamang ugali. Maramot siya at tuwina’y nang-aaway ng kapwa bata. Ayaw niyang makalaro ang mahihirap na bata. Kapag nilalapitan siya ng mga bata lalo na yung marurumi ay pinangdidirihan niya ito.

Napansin ng mag-asawa ang masamang ugali ni Nika. Sa kabila ng magandang ipinamulat ng Mag-asawa ay nanatili pa rin si Nika sa masama nitong pag-uugali.

Isang araw na nasa hardin si Nika. Sa tabi niya ang maraming prutas na siya nitong kinakain, nang may isang batang pulubi ang lumapit sa kanya. Humihingi iyon ng kahit anong makakain. Ngunit sa halip na bigyan ito ni Nika ay itinaboy pa niya ito palayo. Hindi pa siya nasiyahan pinukol pa niya ito ng bato, hanggang sa masugatan ang bata.

Ngunit maya-maya’y namangha siya. Unti-unting nagbago ng anyo ang batang pulubi hanggang sa maging magandang Ada. Galit iyon at wika… “Salbahe ka talagang bata parurusahan kita sa iyong masamang gawa. Gagawin kitang isang laruan na makapagbibigay-kasiyahan sa mga batang katulad mo.

Isang iglap ay nabalutan si Nika ng makapal na usok. Nang mapawi ay nahantad ang isang napaka-gandang laruan na kamukha ni Nika.

Kaya’t ng mawala ang Ada, nang dumating ang ina-inahan ni Nika. Nagtaka pa ang babae nang Makita ang laruan na tila bata. Dinampot niya iyon at nagpatuloy sa paghahanap sa anak.

Ngunit gabi na’y hindi pa rin nakikita si Nika, na lingid sa kanilang kaalaman ay siyang laruan na nasa kanila.

Habang naghihintay, napagmasdan ng Mag-asawa ang laruan. Doon nila napansin na hawig ito sa kanilang anak-anakan, kung kaya’t mula noon ay tinawag na lamang nila itong Nika. Hanggang sa kalaunan ay naging “MANIKA” na ang naging katawagan.





No comments:

Post a Comment