Noong unang panahon ay may isang batang napakatigas ng ulo. Hindi siya sumusunod sa utos at payo ng mga magulang. Sa halip ay ang mga ipinagbabawal ng ina ang kanyang ginagawa. Ang pangalan ng bata ay Gardo.
Minsan ay pinagsaing si Gardo ng ina. Pagkaluto ng sinaing ay agad siyang umalis para makipaglaro. Lumabas siya ng bakuran. Lumakad siya nang lumakad hanggang mapansin niyang hindi siya umaalis sa nilalakaran. Inisip na niyang umuwi, ngunit napagod na siya ay hindi pa rin makita ang daan pauwi.
Sa pagod ni Gardo ay napaupo siya sa isang nakahigang puno. Nakatulog siya roon.
Samantala, ang kanyang ina ay hindi na mapakali. Labis na itong nag-aalala. Hinanap niya ang bata. Ipinagtanong niya ang anak sa lahat ng mga taong nakasalubong niya.
"Parang ang anak ninyo ang nakita ko sa kabilang bukid. Paikut-ikot siya sa dalawang puno na parang napaglalaruan ng tiyanak," balita ng isang matanda.
"Kung hindi mo pa rin siya makita ay kumuha ka ng isang bilao. Ipukpok mo sa puno ng hagdan at tawagin mo ng malakas ang kanyang pangalan," payo naman ng isang albularyo.
Sinunod ng ina ni Gardo ang payo ngunit napagod lang siya ay walang dumating na Gardo.
Sa kinaroroonan ay nagulat si Gardo kaya nagising. Nakarinig siya ng malakas na palahaw at iyak ng isang sanggol. Nakahubad ang sanggol at malaki ang tiyan. Nakahiga ito sa isang malaking dahon ng saging. Kinarga ni Gardo ang sanggol at inpinaghele ngunit patuloy ito sa pagiyak. Nainis na si Gardo at akma na niyang papaluin ang sanggol nang bigla itong magbago ng anyo. Ang sanggol ay naging isang matandang lalaki na mahaba ang buhok at balbas.
Ibinagsak ni Gardo ang matanda at kumaripas siya ng takbo. Saka lang nawala ang engkantadong matanda. Takbo nang takbo si Gardo. Ang hindi niya alam ay hindi siya umaalis sa kanyang pwesto. Paikut-ikot lang siya sa puno ng kawayan.
Pagsapit ng takipsilim ay nadapa na sa pagod si Gardo. Gayunman ay pinilit pa rin niyang gumapang pauwi kahit hirap na hirap na siya.
Pauwi na rin noon ang ina ni Gardo mula sa paghahanap sa anak. Nagulat ito nang masalubong si Gardo na gumagapang.
"Naku, anak! Saan ka ba galing? At bakit ka gumagapang? Hindi mo ba kayang maglakad?" sunud-sunod na tanong ng nag-aalalang ina.
"Napaglaruan po ako ng engkanto. Buti na lang at nabigkas ko ang mga salitang Hesus, Maria at Jose. Kaya po ako nakaalis doon," sabi ni Gardo.
"Iyan ang napapala ng batang matigas ang ulo at salbahe. Pinarurusahan ng masasamang espiritu. Mula ngayon ay lagi kang magdarasal para hindi ka mapaglaruan. At lahat ng utos namin ng ama mo ay lagi mong susundin."
"Opo, inay!"
Magmula nga noon ay naging bukambibig ng mga tao ang, "Baka matulad kayo kay Gardong Gapang. Gapang nang gapang."
Dahil dito, ang pook na kinaroroonan ng bukid na napaliligiran ng mga kawayan kung saan nakita si Gardo ay tinawag na Gapan. Sa ngayon, ang Gapan ay isang bayan sa lalawigan ng Nueva Ecija.
No comments:
Post a Comment