Sinasabing may isang bayang hindi nakakilala ng gutom dahil may isang gong o batingaw silang nagkakaloob ng kanilang kahilingan. Nabalitaan ito ng mga tulisan kaya nag-ambisyon silang nakawin ang gong at ilipat ito sa ibang lugar. Sa takot ng mga tao sa pagsalakay ng mga tulisan, ibinaon nila ang gong sa isang lugar na malapit sa gubat.
Sumalakay nga ang mga tulisan. Nakipaglaban ang mga taong-bayan hanggang maitaboy paalis ang mga gustong magnakaw ng kanilang gong. Sa kasawiang-palad, marami-rami rin ang namatay. Kabilang dito ang mga nagbaon ng gong. Samakatwid, walang makapagsabi kung saan nakatago ang gong.
Ilang taon ang lumipas at hindi pa rin nakikita ang gong.Naghihirap na ang mga tao. Isang araw, isang bata ang napadako sa tabi ng gubat at nakakita ng isang punong may bungang hugis batingaw (kahugis ng gong na nawawala). Inakyat ng bata ang puno at tinikman ang bunga. Nasarapan siya kaya nag-uwi pa para sa mga kababayan. Nang makita ng mga kababayan niya ang bunga naghinala silang naroon sa punong iyon ang kanilang gong. Nagpuntahan ang mga tao roon at hinukay ang ugat ng puno. Totoo nga! Sa ilalim niyon nakabaon ang gong na susi ng kanilang kasaganaan. Nakuhang muli ang gong at nagkaroon pa ng punong may matamis na bungang hugis kampana ang mga taong-bayan.
No comments:
Post a Comment