Elegy on the Death of my Brother
Bhutan, September 3, 2010
Isinalin sa Filipino ni Teresita F. Laxima
Hindi pa panahon!
Sa gulang na dalawampu't isa, na punong-puno ng buhay.
Malungkot niyang paglalakbay, ngayo'y hindi na matanaw.
Panganay na anak, taglay ang hindi na mabilang na pangarap.
Sa gitna ng di natupad na pangarap at di naipadamang pag-ibig.
Natapos na ang burol.
Sa gitna ng makulimlim na panahon.
Paniwalaa't dili, may pagkabagabag at panghihinayang.
Ano ang tanging naiwan
Nakakuwadradong mga larawang-guhit, poster at kinunang larawan.
Aklat, talaarawan at mga damit.
Wala nang dapat pang ayusin,
Isang ulilang teheras.
Natapos na, sa pagitan ng mga luha, mapait na kapalaran.
Ang maamong mukha, ang malamyos na tinig.
Ang matinis na halakhak,
Mga ligayang di-malilimot.
Patuloy ang pagdarasal
Kasama ang pagdadalamhati, pagluha at pagsisisi
Upang magkaroon ng kapayapaan ang kanyang walang hanggang pagpapahinga
Mula sa di mabilang na mga taon ng paghihirap
Sa pagtuklas ng karunungan naging mailap,
Sa paghanap ng magbibigay-katuparan sa pinakamimithing edukasyon,
Luha'y natuyo, lakas ay pumanaw.
Ano ang kinahantungan
Ang hiram na buhay, tuluyang nawala!
Pema, ang imortal na pangalan.
Mula sa nilisang nangungulilang tahanan
Walang naiwan, ni imahe, ni anino, ni katawan!
Balana'y nagluksa at nagsisiyukod,
Maging pananim ay kumakaway ng pamamaalam, ang tag-araw tahimik na tumatangis.
Ganoon din ang lahat ng nag-alay ng dakilang pagmamahal,
Ang isang anak ng aking ina, kailanma'y hindi na masisilayan pa
Ang katuparan ng minimithing pangarap!
No comments:
Post a Comment