Search This Blog

Loading...

Friday, June 24, 2016

Elehiya sa Kamatayan ng Aking Kuya

Elegy on the Death of my Brother
Bhutan, September 3, 2010
Isinalin sa Filipino ni Teresita F. Laxima

Hindi pa panahon!
Sa gulang na dalawampu't isa, na punong-puno ng buhay.
Malungkot niyang paglalakbay, ngayo'y hindi na matanaw.
Panganay na anak, taglay ang hindi na mabilang na pangarap.
Sa gitna ng di natupad na pangarap at di naipadamang pag-ibig.
Natapos na ang burol.
Sa gitna ng makulimlim na panahon.
Paniwalaa't dili, may pagkabagabag at panghihinayang.

Ano ang tanging naiwan
Nakakuwadradong mga larawang-guhit, poster at kinunang larawan.
Aklat, talaarawan at mga damit.
Wala nang dapat pang ayusin,
Isang ulilang teheras.
Natapos na, sa pagitan ng mga luha, mapait na kapalaran.
Ang maamong mukha, ang malamyos na tinig.
Ang matinis na halakhak,
Mga ligayang di-malilimot.

Patuloy ang pagdarasal
Kasama ang pagdadalamhati, pagluha at pagsisisi
Upang magkaroon ng kapayapaan ang kanyang walang hanggang pagpapahinga
Mula sa di mabilang na mga taon ng paghihirap
Sa pagtuklas ng karunungan naging mailap,
Sa paghanap ng magbibigay-katuparan sa pinakamimithing edukasyon,
Luha'y natuyo, lakas ay pumanaw.
Ano ang kinahantungan
Ang hiram na buhay, tuluyang nawala!

Pema, ang imortal na pangalan.
Mula sa nilisang nangungulilang tahanan
Walang naiwan, ni imahe, ni anino, ni katawan!
Balana'y nagluksa at nagsisiyukod,
Maging pananim ay kumakaway ng pamamaalam, ang tag-araw tahimik na tumatangis.
Ganoon din ang lahat ng nag-alay ng dakilang pagmamahal,
Ang isang anak ng aking ina, kailanma'y hindi na masisilayan pa
Ang katuparan ng minimithing pangarap!

Elehiya kay Ram

ELEHIYA kay RAM
ni Pat V. Villafuerte

Kung ang kamatayan ay isang mahabang paglalakbay
Di mo na kailangang humakbang pa
Sapagkat simula't simula pa'y pinatay ka na
Ng matitigas na batong naraanan mo
Habang nakamasid lamang
Ang mga batang lansangang nakasama mo
Nang maraming taon.
Silang nangakalahad ang mga kamay
Silang may tangang kahon ng kendi't sigarilyo
Silang may inaamoy na rugby sa madilim na pasilyo.

Sa pagitan ng maraming paghakbang at pagtakbo
Bunga ng maraming huwag at bawal dito
Sa mga oras na nais mong itanong sa Diyos
Ang maraming bakit at paano
Ay nanatili kang mapagkumbaba at tanggaping ikaw'y tao
At tanggapin ang uri ng buhay na kinagisnan mo.
Buhay na hindi mo pinili dahil wala kang mapipili.
Buhay na di mo matanggihan dahil nasa mga palad mo
Ang pagsang-ayon, ang pagtango at pagtanggap
Bilang bagong ama ng lima mong nakababatang kapatid.

Ay, kaylamig ng sementadong mga baytang
Ng gusali ng finance at turismo
Habang pinatnubayan ka ng bilog na buwan
At nagkikislapang mga bituin sa pagtulog mo.
At bukas, at susunod na mga bukas, tulad ng maraming bukas
Iyon at iyon din ang araw na sasalubong sa iyo.
Nakangiti ngunit may pait
Mainit ngunit may hapdi
May kulay ngunit mapusyaw
Paulit-ulit, pabalik-balik
Pabalik-bai, paulit-ulit
Ang siklo ng buhay na kinasadlakan mo.

At isang imbensyon ang iyong nalikha
Kayraming sa iyo ay lubusang humanga.


Mula sa teoryang laba-kusot-banlaw-kula-banat,
Napapaputi mo ang nag-iisang polong puti
Sa tulong ng mga dahon.
Napapaunat mo ang nag-isiang polong puti
Sa ibabaw ng mga halaman.


Napapabango mo ang nag-iisang polong puti
Sa patak ng alcohol.
Laba-kusot-banlaw-kula-banat.
Laba-kusot-banlaw-kula-banat.
Laba-kusot-banlaw-kula-banat.

At habang hinahanap mo ang nawawala mong ama
Upang may mahingan ka ng pambili ng libro
O magsabit ng mga medalya sa dibdib mo
Kayrami naming naging ama-amahan mo.
Habang ang iyong ina'y nag-aalok ng kendi't sigarilyo
Upang may maiapabaon sa iyo
Kayrami naming naging ina-inahan mo.
Habang namimighati ka sa harap ng kapatid mong
Pinaslang sa Aristocrat,
Kayrami naming naging kuya-kuyahan mo.
Habang naghahanap ka ng mga taong kakaibiganin
Upang magbahagi ng iyong karanasan
Kayrami naming naging kaibigan mo.
Sa PNU sumibol ang mga bagong ate mo.
Sa PNU nalikha ang mga bagong kuya mo.
Sa PNU nabuo ang bagong pamilya mo.

Ay, ang uniporme pala'y napapuputi ng mga dahon
At napauunat ng mga halaman;
Ay, ang kalam ng sikmura pala'y napabubusog
Ng pagtakam at pag-idlip;
Ay, ang pagbabasa pala'y may hatid-tulong mula sa poste ng Meralco
Habang nakatayo ka't tangan ang libro;
Ay, ang sakit pala'y napagagaling
Ng magdamag na paglimot;
Ay, ang paliligo pala't paggamit ng banyo
Ay may katumbas na piso;
Ay, ang pangungulila pala'y nahahawi
Ng pag-awit at pagsulat.
Umaawit ka't sumusulat
Sumusulat ka't umaawit.
Habang ang titik na nalilikha'y
Walang himig ng harana
Walang tinig ng kundiman
Walang indayog ng oyayi.

At ang mundo mo'y nabago ng pag-ikot
Ikot pakaliwa, ikot pakanan
Ikot paitaas, ikot paibaba
Ikot papaloob, ikot papalabas
Pangalan mo'y parang bulaklak na humahalimuyak
Simbango ng pabango mong iwiniwisik
Sa katawan mong walang pilat
Binabanggit-banggit saan mang lugar
Sinasambit-sambit ng mga guro't mag-aaral.
Ilang bituin s alangit ang hinangad mong sungkutin
Ilang saranggola sa ulap ang ninais mong maangkin
Kung ang mga bituin sana'y di nagkulang ng kinang at ningning
Sana, kahit kometa'y ilalatag ko't sa mga palad mo'y aking ihahain
Kung ang saranggola sana'y di dinagit ng hangin
Sana guryon itong sabay nating bubuuin.

Ay, wala na.
Tuluyan nang naglaho ang kinang at ningning ng mga bituin.
Tuluyan nang humalik sa lupa ang saranggolang dinagit ng hangin.
Sa paglalakbay mo,
Ang naiwan sa amin ay isang blangkong papel
Di naming matuldukan upang mapasimulan ang isang pagguhit.
Di naming maguhitan upang maitala ang maraming katanungan.
Di namain matanong upang hingan nang kalinawan.
Sana, sa paglalakbay mo'y makahuli ka ng mga sisiw
Sana, sa paglalakbay mo'y may matanggal na piring
Sana, sa paglalakbay mo ay may timbangan kang maaangkin.

At kapag natupad ito
Kaming mga nakasama mo
Kaming mga nagmahal sa iyo
Ay lilikha ng bagong himno ng paglalakbay
Isang himnong ang mga titik ay kalinisan ng puso
Isang himnong may himig ng pananagumpay
Dahil para sa amin,
Ikaw ang himno
May puso kang malinis
Kaya't dito sa lupa'y ganap kang nagtagumpay.
Sa kabilang buhay, ikaw pa rin ang magtatagumpay.