Elehiya Sa Isang Martir
MARCH 15, 2010
BY DENNIS RAYMUNDO
Ikaw, gaya ng ibang bayani,
ay nag-alay ng buhay
sa panawagan ng bayan.
Pero walang lawrel
para sa’yo, isang di iniyakang sundalo.
Sa paninindigang walang dangal.
maglalaho ang lahat
para sa wala.
Habang ika’y nakahimlay dito
na isang kahihiyan
Ang sakripisyo’y di pansin.
Ang mga bata
na kinakahon ng akademya
Kapag ika’y natumba sa labanan,
Hindi nila malalaman.
Sila, na parang masayang ibon
Umaawit, pero hindi para sa’yo
Ni walang bulaklak
walang tinig ng papuri
sila, na balang araw
ay sasama rin sa’yo sa kawalan
Isa ka lamang anino
ng isang maikling buhay,
ng tagsibol na hindi dumating
at ang naratibo mo’y umiikot
na parang tuyong dahon
sa isang maliit na ipo-ipo
Umasim na ang kapayapaan ng kalangitan
Nangitim na ang mukha ng ulap
huminto na ang galit ng ihip ng hangin.
Sila rin ay tinalikuran ka.
Hindi mo ito kasalanan
Hindi nila ito kasalanan
Walang kahit sinong may kasalanan.
Lahat tayo’y may kasalanan.
No comments:
Post a Comment