Search This Blog

Thursday, July 18, 2013

Titser ni Liwayway Arceo

Pamagat: Titser
Awtor: Liwayway A. Arceo
Uri ng Panitikan: Nobela, isang serye mula sa magasing Liwayway noong 1950's
Wika: Pilipino
Taon ng Paglalathala: 1995
Tagapaglimbag: Ateneo de Manila University Press
Protagonista: Amelita Martinez at Mauro
Lugar: Isang pamayanan sa kanayunan
Punto de bista: Ikatlong Persona
Tema: pakikialam ng ina sa pag-aasawa at propesyon ng anak, pag-iibigan ng dalawang guro sa kabila ng kahirapan

Ang nobelang Titser ni Liwayway Arceo ay sumesentro sa buhay ng mag-asawang Amelita at Mauro na kapwa pinili ang propesyon ng pagtuturo. Nakapokus ang naratibo sa mariing di-pagsangayon ni Aling Rosa, ang ina ni Amelita, sa pagsasamahan ng dalawa. Sapagkat ang kanyang apat na anak ay nakapagtapos sa kolehiyo ng may "titulo," tutol si Aling Rosa sa pagkuha ng kursong edukasyon ng kanyang bunso, dala na rin ng kaisipang hindi titulong maituturing ang pagiging "titser", bukod pa sa kakarampot na sweldong nakukuha ng anak. Gayunpaman, nakahanap ng pag-asa si Aling Rosa sa katauhan ni Osmundo, isang binata mula sa pamilya ng mga asendero na sumusuyo kay Amelita. Subalit nabigo muli si Aling Rosa sapagkat iba ang iniibig ng kanyang dalaga, at ito'y walang iba kung hindi si Mauro, isang ring guro sa pampublikong paaralan.

Ang nobelang Titser ni Liwayway Arceo ay sumesentro sa buhay ng mag-asawang Amelita at Mauro na kapwa pinili ang propesyon ng pagtuturo. Nakapokus ang naratibo sa mariing di-pagsangayon ni Aling Rosa, ang ina ni Amelita, sa pagsasamahan ng dalawa. Sapagkat ang kanyang apat na anak ay nakapagtapos sa kolehiyo ng may "titulo," tutol si Aling Rosa sa pagkuha ng kursong edukasyon ng kanyang bunso, dala na rin ng kaisipang hindi titulong maituturing ang pagiging "titser", bukod pa sa kakarampot na sweldong nakukuha ng anak. Gayunpaman, nakahanap ng pag-asa si Aling Rosa sa katauhan ni Osmundo, isang binata mula sa pamilya ng mga asendero na sumusuyo kay Amelita. Subalit nabigo muli si Aling Rosa sapagkat iba ang iniibig ng kanyang dalaga, at ito'y walang iba kung hindi si Mauro, isang ring guro sa pampublikong paaralan.

Nang malaman na ipapakasal siya ni Aling Rosa sa binatang si Osmundo, agad na nagkipagisang dibdib si Amelita kay Mauro. Dahil sa pagkabigo, at dahil na rin sa poot sa bunsong anak, umalis si Aling Rosa sa probinsya at nagbakasyon sa mga anak na nasa Maynila. Bagamat doon ay hindi siya inaaasikaso ng mga anak, labis pa rin ang kanyang kaligayahan dahil sa asensong tinatamasa ng mga ito, at ikinakatwiran na lamang sa sarili na talagang abala ang mga taong mauunlad ang buhay. Samantala, sa probinsya, nagdesisyon rin ang binatang si Osmundo na umalis na sa nayon at magtungo sa Estados Unidos. Ngunit bago mangyari ito ay gumawa siya ng maitim na plano laban sa mga bagong kasal. Inutusan niya ang isa sa mga katiwala na patayin si Mauro. Subalit wala sa kaalaman ni Osmundo na hindi ito ginawa ng kanyang inutusan sapagkat ang anak nito ay minsan ring pinagmalasakitan ng gurong si Mauro.

Nasa ikapitong buwan pa lamang ng pagdadalantao si Amelita nang ipinanganak ang kanilang anak na si Rosalida. Dahil kulang sa buwan ang bata ay kailangan nitong manatili sa ospital. Nalaman ito ni Aling Rosa at agad na binisita ang anak, sa kabila ng hinanakit. Kahit ganito ang sitwasyon, hindi pa rin tumitigil ang ina ni Amelita sa pagsasaring ukol sa mahirap na pamumuhay ng mag-asawa. Ipinamumukha pa rin niya ang matinding pagtutol sa manugang na si Mauro.

Lumipas ang ilang taon. Lumaki si Rosalida na isang mabait at matalinong bata. Isang araw ay nagbalik si Osmundo sa probinsya, at nagkaroon ng malaking pagdiriwang para sa kanyang pagdating. Doon muling nagkatagpo sina Mauro at Osmundo, subalit kinalimutan na ng dalawa ang nakaraan. Taliwas naman dito ang nadaramang pangamba ni Amelita sa pagbabalik ng masugid na panliligaw. Nararamdaman nitong may plano itong masama laban sa kanyang pamilya.

Hindi pa rin nawawala ang pag-ibig ni Osmundo kay Amelita, kahit na may asawa't anak pa ito. Nagkaroon ng pagkakataong makilala niya si Rosalida, at naging magaan ang loob nito sa bata. Isang araw ay naisipang ipasyal ni Osmundo si Rosalida sa kanyang hasyenda. Wala ito sa kaalaman nina Mauro at Amelita, at labis na nag-alala ang mag-asawa. Buong akala nila'y si Rosalida ang paghihigantihan ni Osmundo ngunit di naglaon ay nagbalik rin ang bata, ipinagmamalaki pa ang kabaitang ginawa ni Osmundo. Di nagtagal, napagkuro na rin ni Osmundo na tuluyan ng tumira sa ibang bansa at kalimutan ang minamahal na si Amelita.

Nagkaroon ng malubhang karamdaman si Aling Rosa. Hinanap niya ang kanyang mga anak ngunit wala ni isa mang dumating maliban kay Amelita na matiyagang nag-asikaso sa kanya. Pawang gamot at padalang pera lamang ang ipinaabot ng apat na anak. At doon natauhan ang matanda sa kanyang pagkakamali.

~~~~~~

Malinaw na ipinakita ng nobela ang agam-agam na kinakaharap ng bawat guro. Ano ang dapat piliin, ang makapaglingkod sa pamayanan kapalit ng isang kahig, isang tukang pamumuhay, o ang makatikim ng karangyaan kapalit ng pagtalikod sa propesyong nais na tahakin? Ang karakter ni Aling Rosa ang nagsilbing tagapag-tibay sa agam-agam na ito. Siya ang nagpamukha kay Amelita at Mauro ng magiging kapalit ng pagiging ideal ng mag-asawa: ang paghihikahos sa aspetong pinansyal, ang pagiging "Sampu, sampera."

Ang nobela ni Arceo, bagama't halos animnapung taon na ang nakaraan mula sa pagkakalathala nito, ay maliwanag pa ring sumasalamin sa kalagayan ng mga titser sa kasalukuyang panahon. Sila ang nagsisilbing tagapaghubog ng kaisipan ng susunod na henerasyon, ngunit sila'y binibigyan lamang na maliit na pahalaga. Isang patunay nito ang laganap pa ring paggigiit ng mga guro para sa mas mataas na sahod, na kung pagbigyan man ng pansin ng gobyerno'y di pa rin sapat para sa trabahong kanilang ginagawa.


Marahil luma na sa atin ang kasabihang, "kung ayaw mong maghirap, huwag kang magtitser." At ang kalumaan nito siguro ang naging dahilan kung bakit tinatanggap na lamang natin itong isang masakit na katotohanan na walang solusyon. "Ang pagtuturo'y isang bokasyon, hindi propesyon," wika nga. Ang kaisipang ito na rin marahil ang dahilan kung bakit pinipili ng ibang mga guro sa kasalukuyan ang magtrabaho sa ibang bansa kaysa sa sariling bayan: una'y nagagawa nila ang gusto nilang gawin, at ikalawa’y nagagawa nila ito ng may natatanggap na pagpapahalaga at pribilehiyo. Sa lipunang ito,marahil kailangan na nating buwagin ang kaisipang kailangang magsakripisyo ng mga guro. Marahil kailangan na nating bigyan ng mataas na pagtingin at kabayaran ang pagsisilbing ginagawa ng mga titser ng lipunan. Sila ang tagapaghulma ng mga susunod na "tituladong" mamamayang tinitingala ni Aling Rosa. Sila ang gagawa ng mga bagong "Dr.", "Atty.", "Engr.", "PhD" at iba pa. Bakit kailangan nilang maghirap pinansyal?

No comments:

Post a Comment