ANG AMA – maikling kuwento mula sa
Singapore
Salin ni Mauro R. Avena
Magkahalo lagi ang takot at
pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala
ng isang lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng
ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa'y inuuwi ng
ama - malaking supot ng mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang
totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay
napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo
sa tira ang mga bata na kangina pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng
ina na mabigyan ng kaniya-kaniyang parte ang lahat - kahit ito'y sansubo lang
ng masarap na pagkain , sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang
mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.
Anim lahat ang mga bata.
Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse;
matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati
sa lahat ng bagay kung wala ang ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit.
May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos
at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng
marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan.
Natatandaan ng mga bata ang
isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad nito -
sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado,
at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang
ina nila'y masayang nakiupo sa kanila't kumain ng kaunti.
Pero hindi na naulit ang
masayang okasyong ito, at ngayo'y hindi nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang
katunaya'y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing
lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo'y umaasa pa rin sila, at
kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ng ama, naninipat ang mga matang titingnan
nila kung may brown na supot na nakabitin sa tali sa mga daliri nito. Kung
umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang
mga bata'y magsisiksikan, takot na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa
ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang
mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng
mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi
at mata niyon ay mamamaga, kaya't mahihiya itong lumabas upang maglaba sa
malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang
maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at
ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas na pag-ungol mula sa kanilang ama
at sila'y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.
Kapag umuuwi ang ama ng mas
gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata
si Mui Mui. Ang dahila'y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na
parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay
mahilig magtuklap ng langib sa galis na nagkalat sa kanyang mga binti, na
nag-iiwan ng mapula-pulang mga paste, gayong pauli-ulit siyang pinagbabawalan
ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at
matinis, iyon ay tunatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa
isang sulok ng bahay, namamaluktot ng pahiga sa banig kasama ang ibang mga
bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kanya ang pinakamatandang lalaki at
babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman siya sa pagod
na boses; pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng beer na
nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui.
Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa
nerbiyos ng ama at ito'y nakakabulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon
huminto, ito'y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon ng buong lakas.
Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito,
sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang kabuwisitan.
Noong gabing umuwi ang ama
na masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa kanyang trabaho sa lagarian,
si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahaabang halinghing at di mapatahan ng
dalawang pinakamatandang bata gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang
anu-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik
sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na
naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina
ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.
Pero pagkaraan ng dalawang
araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay
inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo doon
sa tabi ng gulod. Ilan sa taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay
dumating upang makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay
doble ang kanilang pakikiramay dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho.
Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga palad
ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang
balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay madaling nakarating sa
kanyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na noon di'y
nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng kanyang asawa at mga anak.
Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay, kalakip ang
munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes sa lalaki mismo).
Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi
bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay napaiyak at
kinailangang muling libangin.
Ngayo'y naging napakalawak
ang kanyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na
ipinaglalamay ang wala-sa-panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa
kanyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata,
kaya't madalamhati siyang nagtatawag, "Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong
anak!" Nakita niya ito sa libingan sa tabi ng gulod - payat, maputla, at
napakaliit - at ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang
mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin
ng mga kapit-bahay, na ang iba'y lumayo na may luha sa mga mata at
bubulong-bulong, "Maaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na
mahal niya ang bata".
Tinuyo ng nagdadalamhating
ama ang kanyang mga luha at saka tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon,
magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng
kanyang amo sa asawa (na kiming iniabot naman ito agad sa kanya, tulad ng
nararapat). Binilang niya ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya
gagastahin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng
bahay. Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan
nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na
uuwi itong dalang muli ang mga bote ng beer.
Pagkalipas ng isang oras,
bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa
loob. Inilapag nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa
kanilang nakita, pero iyon ba'y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti.
Mayroong supot ng ubas at isang kahon yata ng biskwit;. Nagtaka ang mga bata
kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki'y biskwit;
nakakita na siyang maraming kahon tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan.
Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi, 'yong katulad ng minsa'y
ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira doon sa malaking bahay na pinaglalabhan
ng nanay. Ang kambal ay nagkasiya sa pangdidilat at pagngisi sa pananabik;
masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya't nagtalo at nanghula ang mga
bata. Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama. Inip silang lumabas
ito ng kanyang kwarto.
Di nagtagal ay lumabas ito,
nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na
nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman.
Kinuha nito ang malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na
mawala sa mata ang yaman na wari'y kanila na sana, nagbulingan ang dalawang
pinakamatanda nang matiyak na hindi sila maririnig ng ama. "Tingnan natin
kung saan siya pupunta." Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay
sumunod nang malayu-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita
sila nito at sisigawang bumalik sa baha, pero ngayo'y nasa isang bagay lamang
ang isip nito at hindi man lang sila napuna.
Dumating
ito sa libingan sa tabing-gulod. Kahuhukay pa lamang ng puntod na kaniyang
hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot na dahan-dahang inilapag
sa puntod, habang pahikbing nagsalita, "Pinakamamahal kong anak, walang
maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana'y tanggapin mo."
Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasid sa pinagkukublihang
mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay
nagbabantang mapunit anumang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang
ama. Naiwan sa katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang
inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking
bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas nagsalu-salo sila tulad sa
isang piging na alam nilang di nila mararanasang muli.
No comments:
Post a Comment