Tunay na napakaganda ng sinabi ng pinakamatalino. Base sa palakpakan ng ibang tao, hiyawan at papuri. Nakakasiguro na ng magandang kinabukasan. Maraming parangal na nakasabit sa leeg. Magaling, ikinalulugod sya ng kanyang mga magulang.
Ako habang prenteng nakaupo, nakatingin lang sa entabladong iyon, iniisip kong ako ang naroon at nagtatalumpati.
Pag akyat ko pa lamang ng entablado. Malakas ang tawanan ng nakararami. Ang hagikhikan ng aking mga kasama. Bakit? Kasi ako ang pinakamahina sa klase. Walang kakabakabang nagsalita ako sa harap nila.
"Anim dagdagan mo ng apat at dagdagan pa ng apat. Labing apat lahat, tama.. labing apat na taon akong namuhay sa mundong ito. Row 4 noong elementarya. Sa tuwing may darating na bisita, nasa kasuluksulukan ng silid. Ang mga matatalino ang nasa unahan. Anong ibig sabihin? Bukod sa bobo, ano pa bang maaari kong isipin? Ikinahihiya? Bahala na kayo mag isip nyan. Lagi kong inaalala noon, palakol na nakasulat ng kulay pula, takot akong umuwi ng bahay dahil sigurado pingot na naman ang aabutin sa magulang.
Mataas na paaralan. Nasa kahulihang section. Bakit? Alam nyo na siguro. Kami ang mahihina ang utak. Ang latak. Alam ba ng matatalino ang pakiramdam ng binabalewala ng eskwelahan, ng ibang guro, at ng ibang organisasyon? Sa iba kong mga kasama, siguro balewala, pero sa akin at sa iba? Wala sa amin ang tsansa noon. Kayo na ang star section.
At ngayon ngang kolehiyo, ilang units din ang ibinagsak ko. Pasang awa ang tinanggap ng aking pagsisikap na hindi nakaabot sa standard ng propesor. Oo, sermon ang inabot ko sa nagpaaral sa akin, muntikan ng makick out sa unebersidad na ito. Alam ba ng ninyo ang pakiramdam ng isang tulad ko, kung paano sasabihin sa magulang? Ang kaba at ang takot? Hindi diba?... Oo, aminado naman akong kasalanan ko naman. Inaamin ko din na mahina akong umintindi sa mga pinagsasabi ng guro. Pero sa isip ko, kasalanan ba ang kumuha ng pagususulit ng patas? Mas kasalanan siguro ang mandaya sa pagsusulit.. ang nakakuha ng mataas na marka sa paghihiraman ng papel. Sa totoo lamang, hindi naman ako bobo, siguro lang kung ipapaliwanag lang sa akin sa paraang naiintindihan ko ang bawat pagtuturo, baka ilampaso ko ang mukha ng pinakamatalino dito. Hindi ko sinisisi ang aking maga guro. Pero tingnan nyo din sana ang aspetong ito. Iwasan sana ang magkumapra. Kadalasan naka focus kayo sa husay ng estudyanteng pinakamatalino.
Ako ang bobo sa klase, nagsasalita sa inyong harapan. Wala akong pakialam kung tawanan nyo ako.. Para sa mga katulad kong magtatapos ngayon, ano pa mang ang rason kung bakit puro palakol ang ating grado, kapabayaan man sa pag aaral o hindi, pakinggan nyong lahat ang sasabihin ko. Hindi nila nakikita sa ating mga mahihina sa klase na sa kabila ng mga mabababang marka ng ating classcard, ng kahihiyan idinulot, ng pagtawa ng ating mga kaklase, ng sermon ng ating mga magulang, nanatili pa rin tayo sa unibersidad na ito, bakit? Dahil nananatili sa atin ang pag asa, hindi natin hinayaang mawala ang pangarap na matapos ang karerang inumpisahan. Mas mahirap na pagsubok ang sa atin ay dumaan kumpara sa mga may dunong. Ito ang iniintay natin. Wala man tayong karangalan, pero hawak na din naman natin ang ating inaasam. Hindi ko na iniisip kung anong kinabukasan meron ang pinakamatalino.. Sigurado na iyan.. Pero sa atin, ano nga bang meron pagkatapos nito.? Tulad ng nangyari ngayon, makakamit din natin ang tagumpay, wag nating aalisin sa ating mga sarili ang pagsisikap, ang pag-asa.. Subok na tayo sa pagharap sa problema."
"Huy ang lalim ng iniisip mo ah, ikaw na, tinawag na ang pangalan mo"
"Ha ako na ba?"
No comments:
Post a Comment