Buod ng Canal de la Reina
ni: Liwayway A. Arceo
Bawat isa sa atin ay may kaniya-kaniyang pananagutan at responsibilidad sa mga bagay na ipinagkaloob at ipinaubaya sa atin. Ang pananakop ng mga iba’t ibang banyagang bansa sa Pilipinas at kung paano ito nasupil ng ating mga bayani ay naitala na sa bawat sulok ng ating kasaysayan subalit hanggang sa kasalukuya’y hindi pa rin ito natutuldukan. Sa paksang ito umiikot ang kwento ng nobelang Canal de la Reina ng nobelistang si Liwayway A. Arceo. Ginagalugad nito ang iba’t ibang paraan ng mga karaniwang tao sa Maynila upang mabuhay at makatawid mula sa kahirapan. Inihambing ang ating kasaysayan sa nagdarahop na mamamayan na nakatira sa gilid ng ilog ng Canal de la Reina.
Dahil sa mahabang panahon na pagpapabaya, naging mahirap na para kay Caridad na mabawi ang lupang pinagsibulan ng kanyang kabataan mula sa isang tila buwitre na si Nyora Tentay na may kakayahang gawing katotohanan ang kasinungalingan, makatwiran ang baluktot, kabutihan ang panggagamit at salapi ang buhay.
Sa pagbabalik ni Caridad, isang nakapanlulumong tanawin ang tumambad sa kanya. Ang kanyang mga dalisay na ala-ala noong kabataan ay siya na ngayong nakalubog sa putik at nababalot ng masangsang na amoy. Ang karumihan at kasangsangan nito ay bumabalot hanggang sa ating lipunan- lipunan na minsang naging hitik sa bulaklak at malayang inilantad ng mga mamamayan nito ang kanilang karapatan, mahirap man o mayaman. Ani nga ni Caridad nang may larawang muling nabuhay sa kanyang gunita, “Ang ganda ng kawayan d’yan, parang preskung-presko at malayang-malaya ang hangin ngunit pihong labandera na ang nakatira ngayon d’yan.” Ganito na nga ba kalaki ang pagbabago ng ating bansa? Unti-unti na ngang nangangamatay ang mga magagandang tanawin dahil sa sibilisasyon, globalisasyon at kawalang disiplina ng bawat mamamayan nito at di rin magtatagal ang kasangsangan ay babalutin pati ang ating kaluluwa at pag-iisip. Unti-unti nating hinhukay ang sariling libingan ng ating bayan kung tulad ni Ingga ay patuloy tayong magpapaalipin at magpapatakot ‘di lamang sa mga dayuhan kundi pati na rin sa mapagmalabis na kapwa nating mga Pilipino na mayroong kapangyarihang paikutin ang buhay ng mga nakabababa.
Napalitaw ni Arceo ang kulay at dilim ng buhay sa likod ng mga payak na pangyayari sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tauhan sa nobela. Ang mapag-arugang damdamin ng isang ina ay nagbigay diin sa karakter ni Caridad at Gracia sa magkaibang paraan. Ang una ay ang pagiging maunawaing maybahay ni Salvador at maaalalahaning ina nina Leni at Junior. Ang pangalawa nama’y ay ang pagiging matatag sa kabila ng kawalan ng katuwang sa pag-aaruga ng kanyang nag-iisang anak na si Geronimo. Kapwa naging biktima ng kasakiman ni Nyora Tentay ngunit parehong nakipagtunggali at hindi yumukod sa kalakaran ng lipunan. Si Caridad ay buong –tapang na nanindigan na bawiin ang lupang kinamkam ni Nyora Tentay subalit nagpakita pa rin ng kabutihan sa matanda nang ito ay nasiraan ng ulo. Habang si Gracia nama’y ibinalik ang naranasang kapaitan sa mag- inang sina Nyora Tentay at Victor ngunit ang pag-ibig pa din para sa huli ang namayani sa kanyang puso. Sila ang dalawang mukha ng mga Pilipino, hindi tiyak ang paroroonan ngunit tulad ng ilog ng Canal de la Reina sila’y patuloy na nakikipagsapalaran at nakikibaka sa kabila ng mga basurang nagpapasikip at nagpapahirap sa kanilang pag-agos sa buhay.
Ginamit ni Arceo ang tubig at pagbaha bilang siyang simbolo ng pagdalisay ng kaluluwa at ng natutuyong pamayanan nang sa gayo’y maaninag na ang panibagong simula at pag-asa. Kung tayong lahat ay magiging gaya ni Junior na napupuno ng pag-asa at pag-ibig para sa bayan, tiyak na maibabalik natin ang dating ganda at halimuyak ng ating “Canal de la Reina”. Sama-sama nating pagtibayin ang pundasyon at haligi ng bantayog ng pag-asa ng hinaharap, gaya nga ng sabi ni Jun: “Itatayo natin dito ang isang simbolo ng pagtindig ng isang bagong pamayanan na malaya. Malaya sa isang manunupil, tulad ni Nyora Tentay na larawan ng panunupil ng isang nasa kapangyarihan. Malaya ang isipan sa paghahayag ng tunay na damdamin.” Kailangang mabigyan natin ng kahulugan ang lupang ito, hindi lang lupang sinilangan natin o ng ating mg ninuno, kundi isang simbolo ng pagkagising at pagbabago tungo sa kaunlaran.
hehe xd
ReplyDelete