Isang Kuwento "Pahayag"
Ni Emilio Jacinto
Isa iyong gabing madilim. Wala isa mang bituing nakatanglaw sa madilim
na langit ng kagimbal-gimbal na gabing iyon. Nakayukayok at sapupo ng
dalawang palad ang mukha, naghihi-mutok ang isang kabataan.
Ang
tahanang katatagpuan sa naturang kabataan ay natatanglawan ng isang
tinghoy, na kukurap-kurap at ang liwanag ay nanga-nganib nang kusang
panawan ng buhay.
Sa yugtong
halos isuko na ng kabataan ang sarili sa matinding poot at sa pag-iisip
na kahila-hilakbot at palagiang- gumigiyagis sa kanyang puso, na waring
nakabaon sa kaibuturan ngunit sapilitan nang ibinubulalas ng dibdib, sa
yugtong ito niya naramdaman ang isang mabining haplos sa isa niyang
balikat at naulinigan ang isang mahinang tinig, matamis at malungkot, na
nag-uusisa:
"Bakit ka lumuluha? Anong kirot o dalita ang dumudurog sa iyong puso at yumuyurak at humahamak sa iyong kabataan at lakas?"
Nag-angat siya ng ulo at natigib sa panggigilalas: may kapiling siya at
halos apat na hakbang ang lapit, at nabanaagan niya ang isang anino na
waring nababalot ng maputing ulap ang kabuuan.
"Ay, mahabaging
anino! Ang mga pighati ko'y walang lunas, walang katighawan. Maaaring
kung isiwalat ko sa iyo ay sabihin mo o isipin mong walang anumang
halaga. Bakit kailangan mong lumitaw ngayon upang antalahin ang aking
paghibik?"
"Hanggang kailan," sagot ng anino, "ang kamangmangan
at ang katunggakan ay magging sanhi ng mga hirap at pasakit ng mga tao
at ng mga bayan?
"Hanggang kailan kayo makasusunod magbangon
pabalikwas sa kabulagan ng pag-unawa tungo sa tugatog ng katwiran at
adhika? Hanggang kailan ninyo ako hindi makikilala at hanggang kailan
kayo magtitiwalang umasa na kahit wala sa aking piling ay maaa-ring
matamo ang tunay at wagas na ligaya tungo sa kapayapaan ng
sangkalupaan."
"Sino ka samakatwid na nagmamay-ari ng kagila-gilalas na kapangyarihan at kahanga-hangang lumitaw at nag-aalay?"
"Ay, sa aba ko! Diyata't hindi mo pa ako nakikilala hanggang ngayon?
Ngunit htndi ako magtataka, sapagkat mahigit nang tatlong daang taon
magmula nang dalawin ko ang tinatahanan mong lupain at kusain ng iyong
mga kababayan na sumampalataya sa mga huwad na idolo ng relihiyon at ng
mga tao, ng mga kapwa mo nilikha, at kung kaya naglaho sa myong mga
gunita ang pagkakilala sa akin...
"Nais mo bang malaman kung sino ako? Kung gayo'y makinig:
Ako ay ang Simula ng mga bagay na higit na dakila, higit na maganda at
higit na kapuri-puri, marangal at iniingatan, na maaaring matamo ng
sangkatauhan. Nang dahil sa akin ay nalaglag ang mga ulong may korona;
nang dahil sa akin ay nawasak ang mga trono at napalitan at nadurog ang
mga koronang ginto; nang dahil sa aking adhikain ay nabigo at namatay
ang siga ng "Santa Inkisisyon" na ginamit ng mga prayle para busabusin
ang libo at libong mamamayan; nang dahil sa adhikain ko'y napagkakaisa
ang mga tao at kinalilumutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at
walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat; nang dahil sa
akin ay natimawa ang mga alipin at nahango mula sa lusak ng pagkalugami
at kalapastanganan; at napugto ang kayabangan at kayamuan ng kanilang
mababangis na panginoon;
Kailangan ako sa bawat naisin at
lasapin ng mga bayan at sa ilalim ng aking kalinga may ginhawa at biyaya
at kasaganaan ang lahat, katulad ng idinulot ko sa Hapon, Amerika, at
ibangpook; nang dahil sa akin ay umiimbulog ang diwa upang siyasatin at
tuklasin ang mga hiwaga ng siyensiya; saan mang pinaghaharian ko ay
napaparam ang mga pighati at nakasisinghap nang daglian ang dibdib na
nalulunod sapang-aalipin at kabangisan.
No comments:
Post a Comment