Search This Blog

Monday, November 27, 2017

Si Karlo at Kaloy ang Prinsipe ng mga Kalabaw

Si Karlo at Kaloy ang Prinsipe ng mga Kalabaw
Kwentong Bayan

Noong unang panahon may isang kaharian ng mga kalabaw, si haring kalasyaw kalabaw ang namumuno dito.  Meron syang dalawang anak, ang kambal na si prinsipe karlo at prinsipe kaloy, si prinsepe Karlo ay matapang, matipuno at malakas ang loob, kaya nyang ipagtanggol ang buong kaharian.   Si prinsipe Kaloy naman ay matulungin, simple at mapagpakumbaba, kaya naman malapit sya sa mga kalabaw.
“Simula ng ako’y maglingkod, sinikap ko na, na maging isang mabuting hari, lagi kong iniisip ang kabutihan ng nasasakupan ko, may pagkain ba sila, may tirahan, maayos ba ang kanilang kalagayan, alam ng mga nasasakupan ko yan, kaya naman malapit sila sa akin, ipinatawag ko kayo dahil may mahalaga akong sasabihin, alam nyo mga anak, tumatanda na ako at nahihirapan na ring mamuno gusto kung isa sa inyo ang pumalit sa akin dahil alam kung ipagpapatuloy nyo ang mga nasimulan ko at para malaman ko kung sino ang karapat-dapat, kinakailangan na dumaan kayo sa isang pagsubok” ang wika ng hari.
“Pagsubok?” ano po iyon?
“Narito ang dalawang paso may nakatanim na buto dyan iuwi nyo ito at alagaan subalit may ilang kondisyon, una, minsan lang sa isang lingo ito didiligan sa pamamagitan ng paglubog ng paso sa balon, na matatagpuan sa may burol sa labas ng palasyo.  Pangalawa, ang pagdidilig ay gagawin lamang sa gabi at pangatlo, paarawan nyo ito ng isang lingo bago ilubog ulit sa balon, pagkatapos ng anim na buwan, bumalik kayo sa akin, nagkakaintindihan ba tayo?”
“opo, mahal na amang hari”
Makalipas ang ilang lingo.
“oh anong nangyari sa tanim mo? Tanong ni Karlo
“ewan ko ba, nagtampo yata, buti ka pa tumubo na ang tanim mo, samantalang ako kahit anino ng dahon wala, binabati kita Karlo, marahil ay ikaw na ang papalit kay ama” wika ni Kaloy.
Isang araw napansin ni haring Kalasyaw na malungkot si Kaloy.
“oh kumusta na?” wika ng hari
“wala pa rin pong tumutubo eh.”
“hayaan mo lang ganon talaga, may mga halamang mabagal tumubo, yong iba naman ay mabilis basta gawin mo lamang ang ipinapagawa ko wag kang mawawalan ng pag-asa baka bukas ay meron ng tutubo dyan.”
Makalipas ang anim na buwan.  “Dumating na ang takdang panahon, ano na ang balita sa mga ibinigay ko sa inyong paso?”
“mahal kong amang hari, tingnan mo ang aking halaman, madami ng dahon at malagong malago” wika ni Karlo.
“naku mahal kong ama, nakakahiya man pero minalas po ako hindi po tumubo ang aking halaman ginawa ko naman po ang lahat diniligan ko pinaarawan ko lahat po ng sinabi nyo sinunod ko, kaya lang nagtampo wala talagang nangyari.” Sabi ni Kaloy.
“base sa ipinakita nyo sa akin, napatunayan ko kung sino sa inyo ang karapat-dapat, sya ang pinili ko dahil sya ay mapagkakatiwalaan at dahil sa kanyang katapatan maipagpapatuloy nya ang mga nasimulan ko na at ikaw yan Kaloy.  Ang tubig sa balon ay mababaw lang hindi sapat ang lalim nito upang madiligan ang buto sa loob ng paso, sa gabi ko ipinagawa ito upang hindi nyo makita na hindi nababasa ang loob ng paso kaya kung totoong sinunod nyo, hindi talaga tutubo ang halaman dahil hindi ito nadidiligan, dahil dito ikaw Kaloy ang nakapasa sa pagsubok at dahil dyan ikaw ang susunod na magiging hari ng mga kalabaw.  At ikaw naman Karlo, nawa’y natuto ka sa pagsubok na ito.”
“Patawad po amang hari, inakala ko pong matutuwa kayo sa akin pag napalago ko ang halaman, kaya nong napansin kong hindi tumutubo ang buto, diniligan ko ito minsan sa isang araw, patawad po uli amang hari.  Binabati kita Kaloy, ikaw ang nararapat na mamuno sa ating kaharian.” Wika ni Karlo.
“Maraming salamat Karlo”
At sa ilalim ng pamumuno ni haring Kaloy ay mas napaunlad nya at napagyaman ang kaharian ng mga kalabaw.



No comments:

Post a Comment