Search This Blog

Tuesday, January 5, 2016

Pagiging Makatao

Mga Katangian ng Pilipino na Makatao

Maraming katangian ang mga Pilipino na dapat ipagmalaki. Ang mga sumusunod ay deskripsyon kung paano at kailan nila ipinakikita ang mga katangian na ito:

Pagtitiwala sa Panginoon

Isang magandang katangian ng mga Pilipino ang pagtitiwala sa Panginoon. Karamihan sa kanilang mga mag-anak ay matapat sa pananampalataya. Naniniwala silang may isang Panginoong pumapatnubay sa lahat ng kanilang gawain. Batid din nilang tumutulong Siya sa mga taong tumutulong sa kanilang sarili.

 Pagiging Magalang

 Isang magandang pag-uugali ng mga Pilipino ang paghalik sa kamay o pisngi at pagmamano sa matatanda. Isang paraan ito ng paggalang. Karaniwang ginagawa ito ng mga bata matapos magdasal ng orasyon, pagkagaling sa simbahan, bago umalis ng bahay, kapag may dumadating o bumisitang kamag-anak o matanda, at kapag nakita at nasalubong nila ang kanilang ninong at ninang.

Ipinakikita rin ang paggalang ng mga batang Pilipino tuwing nakikipag-usap sila sa matanda.  Gumagamit sila ng po at opo at magalang na pananalita at pagbati gaya ng "Salamat po" at "Magandang hapon po." Gumagamit din sila ng magagalang na pantawag sa matatanda gaya ng kuya, ate, manong, manang, lolo, lola at iba pa.

 Pagtutulungan

 Nagsisimula ang pagtutulungan sa sariling tahanan. Nagtutulung-tulong ang mga kasapi ng mag-anak sa mga gawain dito. nagtutulungan din ang baway isa sa magkakapitbahay upang maisaayos at mapaunlad ang kanilang pamayanan. Iyan ay likas na katangian ng isang Pilipino.

Ang karaniwang tawagan sa pagtutulungang ito ay bayanihan. Tumatawag ang magkakapit-bahay ng bayanihan kapag may malaking gawain isasagawa sa maikling panahon. Nagtutulungan ang bawa't isa upang maging magaan ang isang mahirap na gawain. Kalimitang ginagawa ito tuwing panahon ng pagtatanim at pag-aani at sa paglilipat ng isang bahay sa ibang lugar.

 Mabuting Pagtanggap at Pakikitungo

Kilala ang mga Pilipino sa mabuti at magiliw na pagtanggap. ibig nilang masiyahan at maging maginhawa ang kanilang mga panauhin. nagsisilbi sila ng pinakamasarap na pagkaing kanilang makakaya at naghahanda ng maayos na tulugan para sa mga bisita. Nagbibigay pa sila kung minsan ng mga regalo kapag paalis na ang kanilang mga panauhin.

 Pagsama-sama ng Pamilya

Karamihan sa mga mag-anak na Pilipino ay may maganda at malapit na pagsasama-sama. Nagtutulungan ang bawat kasapi sa pagsasagawa ng mga gawaing-bahay. Madalas dumadalaw sa magulang ang nag-asawang anak kapag ito'y naninirahan sa ibang lugar. Nagsasama-sama pa ang mag-anak tuwing may "family reunion" kung Pasko at iba pang pagdiriwang o okasyon. Iyan ang nagpapakita kung paano nagkakaisa ang mga mag-anak na Pilipino.


Inaalagaan at minamahal ng bawat miyembro ng mag-anak ang matandang kasapi nito. Tungkulin ng bawat Pilipino na magsilbi sa kanyang matatandang magulang, mga lolo't lola, at kamag-anak hanggang sila'y nabubuhay. Iyan ang paraan ng pagpapakita ng magandang pagtingin sa matatanda.

No comments:

Post a Comment