Maguayen
( Mitolohiya ng
Pilipinas : Bersiyon ng Visayas )
Ilang daang libong taon na ang
nakakaraan, wala pang kalupaan sa mundo at tanging karagatan lang at malawak na
himpapawid ang makikita dito. Sa ilalim ng karagatan ay ang kaharian ng
napakagandang Bathalang si Maguayen, kasama niya ang kanyang anak na babae na
si Lidagat. Sa likod naman ng mga ulap, ang kaharian ng magiting na Bathalang
si Kaptan at ang anak niyang lalaki na si Lihangin. Isang kasalan ang naganap
ng umabot sa hustong gulang ang dalawang anak ng mga bathala ayon na din sa
kanilang kasunduan, di naglaon ay nagkaroon ng tatlong anak na lalaki at isang
babae sila Lihangin at Lidagat. Ang panganay nila ay si Likalibutan; matapang,
malakas at malaking nilalang na ang katawan ay gawa sa mga lupa at malalaking
bato. Ang ikalawa ay si Liadlaw; gawa sa ginto ang katawan, masayahin,
masunurin at gustong gusto niya na napapasaya niya ang mga magulang at kapatid.
Ang ikatlo ay si Libulan; taglay ang katangian ng isang tingga, mahina ang
pangangatawan, tahimik at mahiyain. Ang huli ay ang nag iisang anak na babae na
si Lisuga; maganda, mabait at nagniningning dahil sa gawa ang katawan sa purong
pilak. Masayang masaya sa kanilang mga anak sila Lihangin at Lidagat.
Ibinigay kay Likalibutan ang
pamamahala sa kaharian ng hangin ng pumanaw ang kanilang ama na si Lihangin,
hindi nagtagal ay sinundan ni Lidagat ang kanyang kabiyak. Ilang taon makalipas
ang pagpanaw ng mga magulang, dumalaw si Panlinugun; ang Bathala ng kailaliman,
kay Likalibutan, kasama niya si Burigadang Pada Sinaklang Bulawan; ang Bathala
ng kasakiman. Ipinagmalaki ni Likalibutan ang kanyang taglay na kapangyarihan
sa dalawa, ngunit sinabi nila na higit na mas malakas ang taglay na
kapangyarihan ni Kaptan na ama ng kanilang ama kung ihahambing sa kanya. Dahil
sa kagustuhan na madagdagan pa ang kanyang kapangyarihan at sa pangbubuyo ng
dalawa pang Bathala, nagplano sila kung paano makakapunta sa Kaitaasang
Kaharian, sinabi nila Panlinugun at Burigadang Pada Sinaklang Bulawan na may
kakilala si Saraganka Bagyo; ang bathala ng mga bagyo, na makakatulong sa
kanya. Pinilit niya na tulungan siya ng kanyang dalawang kapatid na lalaki. Sa
una ay ayaw pumayag ni Liadlaw sa plano ng kapatid na pagsugod sa Kaitaasang
Kaharian kung nasaan si Kaptan at ang Kataastaasang Bathala na si Tungkong
Langit. Sa huli ay napapayag na din siya dahil ayaw niyang magalit sa kanya ang
nakakatandang kapatid, napapayag din nila si Libulan dahil din sa takot sa
galit ni Likalibutan. Pinuntahan nila si Saraganka Bagyo ng magkasundo silang
tatlo, naabutan nila ang Bathala na naglalaro at gumagawa ng isang malaking
bagyo kasama si Ribong Linti; ang Bathala ng kulog, itinuro sila ng mga ito kay
Barangaw; ang bathala ng bahaghari, hindi nila sinabi ang tunay na pakay ng
pagpunta sa Kaitaasang Kaharian gaya ng bilin ng dalawang Bathala na nangbuyo
sa kanila. Iginawa sila ni Barangaw ng isang tulay na gawa sa bahaghari, at
tinungo na ng tatlong magkakapatid ang Kaitaasang Kaharian.
Isang napakalaking pinto na gawa sa
makapal na bakal ang bumungad sa kanila, sinira ito ni Likalibutan sa
pamamagitan ng pagpapakawala ng tatlong malalaking buhawi, papasok na sila sa
loob ngunit isang matalim na kidlat ang tumama sa lalakaran nila. Naglalagablab
ang mga mata ni Kaptan sa galit dahil sa pagkakasira ng kanyang pinto, nangatog
ang tuhod nila Liadlaw at Libulan ng maramdaman na nasa likuran na nila ang
galit na Bathala. Nagpakawala ng limang buhawi at inihip ni Likalibutan ang
pinakamalakas na hangin na ikinatalsik ni Kaptan sa kawalan, humugot pa ito ng
isang malaking bato sa katawan at inihagis sa Bathala. Binasag niya sa
pamamagitan ng kanyang kamao ang batong inihagis ng kanyang apo, lalo niyang
ikinagalit ng malaman mismo sa apo ang dahilan ng pag punta, hinding hindi niya
mapapalampas ang ganitong kalapastanganan sa kanya, pinatamaan niya ang tatlong
apo ng mga matatalim na kidlat, sa sobrang bilis ng pangyayari hindi na
nagawang makaiwas ng magkakapatid. Natunaw at nagkorteng bilog ang mga tingga
at gintong katawan nila Libulan at Liadlaw, nabasag naman sa malalaki at
maliliit na parte ang batuhang katawan ni Likalibutan at nahulog sa karagatan.
Galit na binaba ni Kaptan si Maguayen at pinagbintangan na siya ang nag utos sa
ginawang pag salakay ng tatlo sa kanya, pilit itinaggi ito ng magandang bathala
at sinabing wala siyang kinalaman tungkol dito. Napadaan naman si Lisuga sa
kinaroroonan nila Kaptan at Maguayen, balak niyang itanong sa dalawang Bathala
kung nakita nila ang kanyang mga kapatid, ngunit nakita niya ang mga galit na
galit na mata ni Kaptan na nakatitig sa kanya at bigla isang matalim na kidlat
ang tumama sa kanya. Nakita nila na nagkadurog durog sa maliliit na piraso ang
katawan na purong pilak ni Lisuga, hindi makapaniwala si Kaptan sa nagawa ,
nadala siya ng sobrang galit at nilamon ang kanyang pang husga, huli na ng
bumalik sa katinuan ang kanyang isip. Ikinalingkot ng dalawang bathala ang
trahedyang naganap, hindi na nila mababalik ang buhay ng kanilang mga apo kaya
bilang paghingi ng tawad binigyan nila ng liwananag ang mga wala ng buhay na
katawan ng mga apo. Ang ginintuang katawan ni Liadlaw ang ginawang araw at
naging buwan naman ang katawan ni Libulan, mga bituwin naman sa langit ang nagkadurog
durog na katawan ng kaawa-awang si Lisuga. Wala silang ibinigay na liwanag sa
katawan ni Likalibutan, ito ay bilang parusa sa kasakiman nito pero ang mga
nalaglag na katawan nito sa karagatan ay magiging kalupaan na siyang titirhan
ng mga tao na kanilang lilikhain.
Binigyan ni Kaptan si Maguayen ng
buto upang itanim sa isa sa mga isla, makalipas ang ilang panahon tumubo ang
isang halaman na kawayan at sa mga sanga nito lumabas ang isang lalaki na
pinangalanan na Sikalak, Sikabay naman ang sa babae. Sila ang mga unang
magulang ng mga tao, ang unang anak nila ay si Libo, ang sumunod ay babae na si
Saman. Si Pandaguan ang pinakabatang anak nila ay maalam o matalino at ang
unang bagay na kanyang inimbento ay isang panghuli ng isda. Isang pating ang
unang isda na nahuli niya, labis niyang hinangaan ang kanyang nahuli at sa laki
nito inakala niya na isa itong Bathala, kaya ng dalhin niya ito sa kanila
inutusan niya ang mga tao dito na sambahin ito, kaya naman araw araw tuwing
umaga at hapon ay iniikutan ng mga tao ang dambuhalang pating habang
kinakantahan at dinadasalan. Ikinagalit ni Kaptan ang ganitong gawain, bumuka
ang kalangitan at karagatan at lumabas ang dalawang Bathala, iniutos nila kay
Pandaguan na itapon ang pating sa dagat at sila lang ang tanging dapat
sambahin. Natakot ang lahat ngunit hindi si Pandaguan, naibulong niya sa sarili
na ang pating ay kasing laki at nakakatakot tulad ng mga Bathala ngunit nagawa
niya itong mahuli at mapatay, siguro maaari din niya itong magawa sa isa sa mga
Bathalang nasa harapan nila ngayon at tiyak na sasambahin siya ng mga kanyang
kasama. Narinig ito ng magiting na bathalang si Kaptan at nagalit, isang
matalim na kidlat sana ang kanyang pakakawalan ngunit siya ay natigil ng
hawakan ni Maguayen ang kanyang kamay, naalala niya ang pagkamatay ng kanilang
mga apo dahil sa hindi niya napigilan ang sarili pero hindi dapat palampasin
ulit ang ganitong kalapastanganan. Kaya pinatamaan niya si Pandaguan ng isang
mahinang kidlat upang hindi mapatay ngunit sapat ng parusa sa kalapastanganan,
pinarusahan din nila ang ibang mga tao at ikinalat sa ibat ibang isla, ang iba
ay dinala sa hilaga kung saan inalis ng sobrang lamig ang kanilang mga
pakiramdam, ang iba naman ay dinala sa timog kung saan sa sobrang init ay hinapo
ang kanilang mga katawan, ang iba ay dinala sa silangan kung saan ang lupain ay
walang mapagkukunan ng pagkain kaya napilitan silang kumain ng putik.
Tatlumpung araw ang nakalipas ay nagbalik ang lakas ni Pandaguan at muling
nakatayo pero ang katawan nito ay nasunog dahil sa kidlat ni Kaptan, naging
kulot din ang kanyang mga buhok dahil sa pagkasunog at siya ang naging unang
angkan ng tribo ng mga negrito.
No comments:
Post a Comment