Search This Blog

Tuesday, September 10, 2013

Kahulugan sa Tagalog

 Kahulugan sa Tagalog

Ampaw - (Ingles: rice puff o corn puff) ay ang pagkaing pinaputok at magkakadikit na mga butil ng mga naluto na bigas o mais. Kabilang dito ang kilalang papkorn, ang ampaw na mais.

Gusi – antigong banga ng kayamanan

Turban - ang pugong o turban ay isang uri ng sumbrero na isinusuot ng mga kalalakihan. Yari ito sa telang ipinupulot o ibinibilot sa paligid ng ulo. Kilala rin ito bilang gora na nakasuot sa ulo ng isang Muslim o taong Bombay. Kilala rin ito bilang putong at turbante.

Lakan – ito ay isang sinaunang katawagan sa mga maharlikang Pilipino bago ang panahon ng Kastila sa isla ng Luzon, na kung saan, ito ay nangangahulugan ng pinakamahalagang pinuno.

Lakambini – natatanging binibini sa isang lugar / paraluman / musa / diwata.

Taghoy - upang ipahayag ang kalungkutan para sa o tungkol sa isang bagay o tao.

Tinghoy - isang uri ng lampara noong unang panahon.

Mosque – sambahan ng mga muslim.

Sakat - isang somblerong dayame nang mga katutubong pilipino

Babang – luksa  / Pabanua - Ito ay isang pagdiriwang makalipas ang ika-isang taon ng pagkawala ng isang  kaanak, pamilyang namayapa o sumakabilang buhay

Kuwentong Bayan - ay mga sanaysay hinggil sa mga likhang-isip na mga tauhan na kumakatawan sa mga uri ng mamamayan sa isang tiyak na pook o rehiyon ng isang bansa o lupain.

Muog - Matibay na tanggulan, kuta ng mga tagapagtangol

Kunsensya / Konsensya - Mabait na paghatol mula sa mabuting asal at gawi o pamantayan.

Amihan - hangin mula sa Silangan

Habagat - hangin mula sa Kanluran

Salatan - hangin mula sa Timog

Kanaway - hangin mula sa Hilaga


Katangian, Klima, Hanapbuhay, Produkto, Pagdiriwang sa Rehiyon ng Bicol


Katangian, Klima, Hanapbuhay, Produkto, Pagdiriwang sa Rehiyon ng Bicol

1. Kabuuang katangian ng rehiyon ng Bicol

Kabikulan
Ang Bicol ay isang rehiyon ng Pilipinas na matatagpuan sa timog Luzon. Tinatatawag din itong Rehiyon V. Bikolano at Bikolana ang tawag sa mga tao rito.
Ang mga lalawigan na bumubuo sa rehiyon ay ang mga sumusunod:
Albay
Camarines Norte
Camarines Sur
Catanduanes
Masbate
Sorsogon
Ang Rehiyon V ay isang tangway. Makikita sa mapa na halos napapalibutan ito ng tubig. Dahil dito, ang mga pamayanang malapit sa tubig ay umaasa nang malaki sa pangingisda.
May mga yamang mineral din ang rehiyong ito. Ang paracale sa Camarines Norte ay pangunahing tagapagmina ng ginto at tanso. Minimina rin sa ibang bahagi ng rehiyon angmarmol, pilak, bakal, karbon, chromite, manganese at abaka. Mayaman din ito sa mga magagandang tanawin tulad ng Bulkang Mayon ng Albay.

2. Katangian ng bawat lalawigan sa bicol

Nasa anyong peninsula ang apat na lalawigan; subalit ang Catanduanes at Masbate ay parehong pulo.
Nakaharap sa Karagatang Pasipiko

3. Topograpiya at klima sa bicol

Kilala ang Rehiyon V sa tawag na Tangway ng Bicol. Makitid na lupain ito sa dulong Timog-silangan ng Luzon na halos napaliligiran ng tubig. Liku-liko ang mga baybayin nito kaya mainam sa pangingisda at paglalayag. Angkop itong pagtayuan ng mga pantalan o daungan tulad sa Tabaco,Albay

May mga kapatagan at lambak ding matatagpuan dito. Mataba ang lupain ng rehiyon ng Bicol dahil maraming bulkan ditotulad ng bundok sa Pilipinas,ang bundok ng Isarog sa Camarines Sur, at Bundok Bulusan sa Sorsogon.

Ang lokasyon ng Bicol ay may malaking epekto sa uri ng klimang nararanasan ng rehin ng Bicol.Ito ay nasa dakong silangan at nakaharap sa Pacific Ocean na pinanggagalingan ng mga bagyong dumarating sa Pilpinas.

Hindi dumarans ng tag-init
Umuulan buong taon
Nasa landas ng malakas na bagyo
Maraming bulkan at bundok
Marami lawa sa rehiyon

4. Hanapbuhay at produkto sa bicol

Pagsasaka: Abaka, niyog, palay, mais, kape, gulay, pinya at pag-aalaga ng hayop
Pangingisda: Lamang tubig
Paggawa: Tsinelas, pamaypay, basket, alpombra, banig, sinturon, palamuti at bag.
Pagmimina: karbon, ginto, bakal, manganese, chromite
Pagtotroso
Cottage industries
Paghahabi

5. Mga pagdiriwang sa bicol

ALBAY
February 21-28 (Bicol Arts Festival) – Legaspi City
First Saturday of March (Our Lady of Salvation) – Pio Duran
March 24 (foundation day) – Tabaco City
May 1-31 (Karangahan Albay Festival) – Legaspi City
May 18-25 (Sarungbanggi Summer Festival) – Sto. Domingo
May 27 (Sta. Florentina) – Rapu-Rapu
June 18-24 (Tabak Festival) – Tabaco City )
June 20-29 (Kaugman Festival, Sts. Peter and Paul) – Polangui
June 24 (St. John the Baptist) – Camalig
July 22-25 (Libon Paroy Festival, St. James the Greater) – Libon
August 11 (Our Lady of Salvation) – Daraga
Third Saturday of August (Our Lady of Salvation) – Bacacay
Third Sunday of August (Pilgrimage to Joroan) – Tiwi
August 8 (St. Dominic Guzman) – Sto. Domingo
August 15 (Our Lady of the Assumption) – Guinobatan
Third Saturday of August (Our Lady of Salvation) – Bacacay
August 29 (St. John the Baptist) – Jovellar
September 28-29 (Himoloan Festival, St. Michael the Archangel) – Oas
October 21-24 (Great Sibidan Festival) – Legaspi City and Tabaco City
October 25-31 (Ibalong Festival) – Legaspi City
December 18 (Bicol Pastores) – Legaspi City
December 26 (St. Stephen the Protomartyr) – Ligao City
Black Saturday (Kadagatan Festival) – Bacacay

CAMARINES NORTE
January 6 (Huli White) – Vinzons
January 27-February 2 (Pabirik Festival) – Paracale
March 3 (Bantayog Festival, provincial foundation day) – Daet
Last Friday of April (St. Vincent Ferrer) – San Vicente
May 10-13 (Palong Festival, Black Nazarene) – Capalonga
June 13 (St. Anthony of Padua) – Mercedes
June 15-22 (Piñasan - Pineapple Festival) – Daet
June 21 (Foundation Day, Tambuli Festival) – Sta. Elena
August 1-8 (Mercedes Fishtival) – Mercedes
August 4-8 (Kadagatan Fishtival) – Mercedes
September 1-8 (Busig-on Festival) – Labo
Last Week of September (Peñafrancia Festival) – Daet
September 28 (Vinzons Day) – Daet and Vinzons
October 1-7 (Mambulawan Festival) – Jose Panganiban
October 4 (Paruyan Festival) – Talisay
October 24 (Rahugan Festival) – Basud
November 8 (Boyoboy Festival) – San Lorenzo Ruiz

CAMARINES SUR
January 4 (Inorogan Festival) – Iriga City
February 6 (St. Peter the Baptist) – Lupi
February 11 (Tinagba Festival, Our Lady of Lourdes) – Iriga City
February 15 (Karanowan Fishtival) – Bato
February 18 (Pintakasi Festival, Our Lady of Perpetual Help) – Balatan
April 26-28 (Partido Baybayon Festival) – Sagnay
May 1 (Sts. Philip and James the Apostles) – Lagonoy
May 3 (Alinsangan Boa-Boahan Folk Festival, Holy Cross) – Nabua
May 8 (St. Michael the Archangel) – Pamplona
May 8 (St. Michael the Archangel) – Caramoan
May 11 (St. Philip and St. James) – Minalabac
Second Week of May (Kaogma Festival) – Naga City
May 17 (St. Paschal Baylon) – Tinambac
May 19 (St. Joseph the Worker) – San Jose
May 19 (St. Joseph the Worker) – Milaor
May 20 (St. Bernardine of Siena) – Cabusao
May 22 (St. Rita of Cascia) – Del Gallego
May 30 (Most Holy Trinity) – Ragay
June 12-13 (St. Anthony of Padua) – Siruma
June 13 (St. Anthony of Padua) – Iriga City
June 13 (St. Anthony of Padua) – Presentacion
June 13 (St. Anthony of Padua) – Camaligan
July 22 (St. Mary Magdalene) – Bula
June 24 (St. John the Baptist) – Sipocot
June 24 (St. John the Baptist) – Goa
July 25 (St. James the Apostle) – Libmanan
July 26 (St. Anne) – Magarao
June 27 (St. Michael the Archangel) – Garchitorena
August 8 (St. Dominic Guzman) – Gainza
August 12 (St. Claire of Assisi) – Tigaon
August 15 (Our Lady of the Assumption) – Canaman
August 19 (St. Bernard Abbot) – Ocampo
August 24 (St. Bartholomew the Apostle) – Baao
August 30 (St. Rose of Lima) – Pasacao
September 3 (foundation day) – Iriga City
September 7-8 (Our Lady of Porteria) – Calabanga
Third Weekend of September (Penafrancia Festival) – Naga City
October 4 (St. Francis of Assisi, Nakabuhi Festival) – Buhi
October 4 (St. Raphael the Archangel) –Pili
October 5 (foundation anniversary) – Del Gallego
October 7 (Our Lady of the Holy Rosary) – Bombon
November 30 (St. Andrew the Apostle) – Sagnay
December 1-3 (Pagkamundag Festival) – Balatan
First Sunday after Pentecost (Holy Trinity) – Bato
Friday after Good Friday (St. Vincent Ferrer) – Bula

CATANDUANES
May 8 (St. Michael the Archangel) - San Miguel
May 15 (St. Isidore the Farmer) – Gigmoto
June 13 (St. Anthony of Padua) - Bagamanoc
June 24 (St. John the Baptist) - Bato
June 24 (St. John the Baptist) - Caramoran
July 25 (St. James the Great) - Panganiban
July 31 (St. Ignatius Loyola) - Pandan
August 10 (St. Lawrence Martyr) - Baras
August 11 (Our Lady of Salvation) – Baras
August 15 (Our Lady of the Assumption) - Viga
September 1 (Foundation Day) – Caramoran
October 22-27 (Catandungan Festival, provincial foundation day) – Virac
November 30 (St. Andrew, the Apostle) - San Andres
December 8 (Our Lady of the Immaculate Conception) – Virac
December 16-25 (Kagharong Festival) – Virac

MASBATE
February 23 (Himag-ulaw Festival, Our Lady of Remedies) - Placer
March 3 (St. Bernard Abbot) - Mandaon
March 12 (St. Isidore the Farmer) - Cawayan
April 28 (Holy Spirit) - Cataingan
May 1-3 (Dayaw Dalan Festival, Sto. Cristo de Burgos) - San Jacinto
May 10 (Our Lady of the Immaculate Conception) - Batuan
May 15 (St. Isidore the Farmer) - Claveria
May 15 (St. Joseph) - Milagros
May 17 (St. Paschal Baylon) – San Pascual
May 17 (Holy Infant Jesus) - San Fernando
May 23 (Holy Name of Jesus) - Palanas
May 25 (St. Michael the Archangel) - Monreal
June 11-12 (Pagdayao Festival, St. Anthony of Padua) - Masbate City
June 19 (St. Joseph) - Dimasalang
June 29 (Sts. Peter and Paul) - Uson
August 16 (St. Roche) - Pio V. Corpuz
August 23 (St. Roche) – Esperanza
September 10 (St. Nicholas of Tolentino) - Mobo
October 12 (Our Lady of the Pillar) - Baleno
October 24 (St. Raphael the Archangel) - Aroroy
December 8 (Our Lady of the Immaculate Conception) - Balud

SORSOGON
January 28-29 (Arribada Festival) – Donsol
May 15-16 (Holy Child) – Matnog
May 19 (St. Joseph the Worker) - Barcelona
May 19 (St. Joseph the Worker) - Donsol
May 30-31 (Padaraw, Our Lady of the Immaculate Conception) - Bulan
June 11-12 (St. Anthony of Padua) - Gubat
June 12-13 (St. Anthony of Padua) - Juban
June 24 (St. John the Baptist) - Castilla
June 20-29 (Pili Festival, Sts. Peter and Paul) - Sorsogon City
July 16 (Our Lady of Mt. Carmel) - Magallanes
July 22 (St. Mary Magdalene) - Sta. Magdalena
July 24-25 (St. James the Greater) - Bulusan
August 10 (St. Lawrence Martyr) - Prieto Diaz
September 28-29 (St. Michael the Archangel) - Irosin
October 7 (Our Lady of the Holy Rosary) - Casiguran
October 10-17 (Kasanggayan Festival) – Sorsogon City
October 26-29 (Gugurang Festival) – Donsol
Second Week of October (Parau Festival, (Our Lady of the Pillar) - Pilar

6. Magagandang tanawin sa rehiyon ng bicol

Bulkang Mayon
Tiwi Hot Spring
Tangway ng Bicol
Bundok Isarog
Bundok Iraga
Lawa ng buhi
Lawa ng Dansot
Lawa ng Lubusan
Ilog ng Bocol
Puraran beach
Busay falls
Calabidongan cave
Bulusan lake
Hayop-hayopan cave

7. Mga natatanging Pilipino mula sa rehiyon ng bicol.

Bogs Adornado
Roderick Paulate
Eddie Garcia
Butchukoy
Eddie Ilarde
Jose Sumalde
Gregorio Honasan
Imelda Papin.
Jessie Robredo
Senator Aytona
undersecretary of Justice - Ramon Fernandez
Justice of the Supreme Court - Irene Cortez
Nora Aunor
Chiz Escudero

Monday, September 9, 2013

Pag-ibig sa Tinubuang Lupa - Andress Bonifacio

Pag-ibig sa Tinubuang Lupa
ni Andres Bonifacio
 Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagka-dalisay at pagka-dakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin ng isip
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng isang katauhan ito’y namamasid.

Banal na pag-ibig pag ikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbit taong gubat, maralita’t mangmang
nagiging dakila at iginagalang.

Pagpuring lubos ang nagiging hangad
sa bayan ng taong may dangal na ingat,
umawit, tumula, kumatha’t sumulat,
kalakhan din nila’y isinisiwalat.

Walang mahalagang hindi inihandog
ng pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, tiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

Bakit? Ano itong sakdal nang laki
na hinahandugan ng buong pag kasi
na sa lalong mahal kapangyayari
at ginugugulan ng buhay na iwi.

Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan,
siya’y ina’t tangi na kinamulatan
ng kawili-wiling liwanag ng araw
na nagbibigay init sa lunong katawan.

Sa kanya’y utang ang unang pagtanggol
ng simoy ng hanging nagbigay lunas,
sa inis na puso na sisinghap-singhap,
sa balong malalim ng siphayo’t hirap.

Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan
ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal
mula sa masaya’t gasong kasanggulan.
hanggang sa katawan ay mapasa-libingan.

Ang na nga kapanahon ng aliw,
ang inaasahang araw na darating
ng pagka-timawa ng mga alipin,
liban pa ba sa bayan tatanghalin?

At ang balang kahoy at ang balang sanga
na parang niya’t gubat na kaaya-aya
sukat ang makita’t sasa-ala-ala
ang ina’t ang giliw lampas sa saya.

Tubig niyang malinaw sa anak’y bulog
bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agos
na nakaa-aliw sa pusong may lungkot.

Sa kaba ng abang mawalay sa Bayan!
gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
walang ala-ala’t inaasam-asam
kundi ang makita’ng lupang tinubuan.

Pati na’ng magdusa’t sampung kamatayan
waring masarap kung dahil sa Bayan
at lalong maghirap, O! himalang bagay,
lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.

Kung ang bayang ito’y nasa panganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Datapwa kung bayan ng ka-Tagalogan
ay nilalapastangan at niyuyurakan
katwiran, puri niya’t kamahalan
ng sama ng lilong ibang bayan.

Di gaano kaya ang paghinagpis
ng pusong Tagalog sa puring nalait
at aling kaluoban na lalong tahimik
ang di pupukawin sa paghihimagsik?

Saan magbubuhat ang paghihinay
sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
kung wala ring ibang kasasadlakan
kundi ang lugami sa ka-alipinan?

Kung ang pagka-baon niya’t pagka-busabos
sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
supil ng pang-hampas tanikalang gapos
at luha na lamang ang pinaa-agos

Sa kanyang anyo’y sino ang tutunghay
na di-aakayin sa gawang magdamdam
pusong naglilipak sa pagka-sukaban
na hindi gumagalang dugo at buhay.

Mangyari kayang ito’y masulyap
ng mga Tagalog at hindi lumingap
sa naghihingalong Inang nasa yapak
ng kasuklam-suklam na Castilang hamak.

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog,
nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
bayan ay inaapi, bakit di kumikilos?
at natitilihang ito’y mapanuod.

Hayo na nga kayo, kayong ngang buhay
sa pag-asang lubos na kaginhawahan
at walang tinamo kundi kapaitan,
kaya nga’t ibigin ang naaabang bayan.

Kayong antayan na sa kapapasakit
ng dakilang hangad sa batis ng dibdib
muling pabalungit tunay na pag-ibig
kusang ibulalas sa bayang piniit.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
kahoy niyaring buhay na nilant sukat
ng bala-balakit makapal na hirap
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

Kayong mga pusong kusang (pugal)
ng dagat at bagsik ng ganid na asal,
ngayon magbangon’t baya’y itanghal
agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging (lasap)
kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas
sapagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig
hanggang sa mga dugo’y ubusang itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay (mailit)

ito’y kapalaran at tunay na langit.

Wednesday, August 21, 2013

Pagkaing pangkaisipan


Pagkaing pangkaisipan – Isang sapantaha (idea) o paksa na pagninilayan na nagbibigay-sigla sa ating kaisipan.

Hal:
     1. Walang anumang kagandahang-loob, gaano man kaliit, ang nasasayang.

     2. Ang kagandahang loob ay di nasasayang, gaano man kaliit.


"No act of kindness, no matter how small, is ever wasted."
Aesop (620-560 BC)
The Lion and the Mouse



Wednesday, August 14, 2013

Salawikain

Salawikain

Ang mga salawikaing Pilipino ay mga matatandang kasabihan na ginagamit batay sa katutubong karunungan o kalinangan, mga kaisipan na nagmula sa buhay nga mga tao sa Pilipinas.

Ginagamit ang salawikain upang maipahiwatig ang karunungan o kaalamang natutunan mula sa mga naging karanasan ng mga ninuno, bilang isang paraan upang di makasakit ng damdamin mula sa tagapagpayo.

Makikita ang karagdagang kaalaman sa Tagalog Wikipedia

Mga Kasabihan at Salawikain (Tagalog Proverbs)

Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.
Ang buhay ay parang gulong, minsang nasa ibabaw, minsang nasa ilalim.
Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makakarating sa paroroonan. -
Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, ay mahigit pa sa mabaho at malansang isda
Ang kalusugan ay kayamanan.
Ang karukhaan ay hindi hadlang sa pagtatagumpay.
Ang matapat na kaibigan, tunay na maaasahan.
Ang pag-aasawa ay hindi biro, 'di tulad ng kanin, Iluluwa kung mapaso
Ang palay ay parisan, habang nagkakalaman ay lalong nagpupugay.
Ang sakit ng kalingkigan, dama ng buong katawan.
Ang taong nagigipit, sa patalim man ay kumakapit.
Ang tulog na hipon , tinatangay ng agos.
Ang umaayaw ay di nagwawagi, ang nagwawagi ay di umaayaw.
Huli man daw at magaling, naihahabol din.
Kapag and dagat ay tahimik, asahan mo at malalim.
Kung ano ang itinanim,  siya rin ang aanihin.
Kung ano ang puno, siya rin ang bunga.
Kung hindi ukol, hindi bubukol.
Kung may isinuksok, may dudukutin.
Kung sino ang pumutak, siya ang nanganak.
Madaling sabihin, mahirap gawain..
Magkulang ka na sa iyong magulang, huwang lang sa iyong biyenan.
Magsama-sama at malakas, magwatak-watak at babagsak.
Maraming salita, kulang sa gawa.
Masakit ang katotohanan.
May tainga ang lupa, may pakpak ang balita.
Naghangad ng kagitna, isang salop ang nawala.
Nasa tao ang gawa,  nasa Diyos ang awa.
Pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.
Pagmakitid ang kumot, magtiis kang mamaluktot.
Pulutin ang mabuti, ang masama ay iwaksi.
Ubos-ubos biyaya, pagkatapos nakatunganga.
Walang lumura sa langit na di sa kanyang mukha nagbalik.
Walang palayok na walang kasukat na tungtong.

Mga salitain o kawikaan (idiom)

ahas----taksil; traidor
alilang-kanin---utusang walang batad, pakain lang, pabahay at pakain ngunit walang suweldo.
anak-dalita---mahirap
Bahag ang buntot - takot
balik-harap---mabuti ang pakikitungo sa harap ngunit taksil sa likuran.
balitang-kutsero---balitang hindi totoo o hindi mapanghahawakan.
Bantay-salakay---taong nagbabait-baitan
basa ang papel---bistado na
bukal sa loob---taos puso tapat
Bukas ang palad - mapagbigay
bungang-tulog---panaginip
busilak ang puso---malinis ang kalooban
butas ang bulsa---walang pera
buwaya sa katihan---ususera, nagpapautang na malaki ang tubo
di madapuang langaw---maganda ang bihis
di makabasag-pinggan---mahinhin
Di maliparan ng uwak - malawak
haligi ng tahanan---ama
hampaslupa---lagalag, busabos
ilaw na tahanan---ina
isang kahig, isangtuka---kakarampot na kita na hindi makasapat sa ibang pangangailangan
itaga sa bato---tandaan
itim na tupa---masamang anak
kabiyak ng dibdib---asawa
kakaning-itik---walang gaanong halaga, hindi maipagpaparangalan
kalapating mababa ang lipad---babaing nagbibili ng aliw, babaing puta
kapit-tuko---mahigpit ang hawak
Katas ng pawis - mula sa pinaghirapan
Kayod-marino - masipag
kidlat sa bilis---napakabilis
kilos-pagong---makupad,mabagal
Kumakalam ang tiyan - gutom
luha ng buwaya---hindi totoong nag-dadalamhati, pakitang taong pananangis
maaliwalas ang mukha---masayahin,taong palangiti
maamong kordero---mabait na tao
mabigat ang dugo---di-makagiliwan
magdilang-anghel---magkatotoo sana
mahabang dulang---kasalan
Mahangin ang ulo----mayabang
mahina ang loob---duwag
maitim ang budhi---tuso, masama ang ugali
makapal ang bulsa---mapera
makapal ang palad---masipag
makitid ang isip---mahinang umunawa, walang gaanong nalalaman
malakas ang loob---matapang
Malalim ang bulsa - kuripot
malawak ang isip---madaling umunawa, maraming nalalaman
malikot ang kamay---kumukuha ng hindi kanya kawatan
Mapait na kahapon - nakalulungkot na nakaraan
mapurol ang utak---bobo
masama ang loob---nagdaramdam
Mataas ang lipad - mayabang
matalas ang tainga---madaling makarinig o makaulinig
Matalas ang ulo - marunong
matalas ang ulo---matalino
Matalim ang dila - masakit magsalita
May gatas pa sa abi - bata pa
May nunal sa paa - gala
nagbibilang ng poste---walang trabaho
nagmumurang kamatis---matandang lalaking nag-aayos binata,matandang babae nag-aayos dalaga
nakahiga sa salapi---mayaman
namamangka sa dalawang ilog---salawahan
naniningalang-pugad---nanliligaw
pagiisang dibdib---kasal
pagputi ng uwak---walang maaasahan, walang kahihinatnan
Pusong mamon- maramdamin
pusong-bakal---hindi marunong magpatawad
Putok sa buho - anak sa labas
Salubong ang kilay - galit
sira ang tuktok---gago, luko-luko
Sumusulak ang dugo - galit na galit
Suntok sa buwan - baka sakali
Tagilid ang bangka - talunan
takaw-tulog---mahilig matulog
Tengang kawali - nagbibingi-bingihan
tinik sa lalamunan---hadlang sa layunin
tulak ng bibig---salita lamang, di tunay sa loob
Walang tiyaga, walang nilaga

Sunday, August 11, 2013

Paghahalaman, kabutihang dulot at salik.


Paghahalaman

Ang paghahalaman ay isang uri ng gawain, sining ng pagpapayabong  o pagpapalago ng halaman, maaari itong gawin sa malawak na lupain o sa maliit na puwang o lugar sa bakuran.  Kadalasang ginagawa ang paghahalaman sa hardin na nasa harapan, tagilira o palibot na bahagi ng tahanan, maaari din naman itong makita sa bubong, balkonahe, sa mga kahon o paso.  Karaniwan din itong ginagawa sa mga pampublikong lugar tulad ng liwasang bayan, parke, paliparan, pantalan, o mga pampublikong pamilihan.
Ginagamit na gabay sa paghahalaman ang isang talaarawang panghalamanan.

Kabutihang dulot ng paghahalaman
1.       Nagbibigay lilim o masisilungan
2.       Nagbibigay ng sariwang hangin
3.       Pwedeng pag kakitaan
4.       Pampalipas ng oras
5.       Pwedeng maging libangan
6.       Nakakatulong upang hindi gumuho ang lupa

Salik na dapat isaalang-alang sa paghahalaman
1.       Kamang taniman
2.       Mga kagamitang panghardin
3.       Pandilig na tubig
4.       Pataba
5.       At sikat ng araw

Wednesday, August 7, 2013

Sa Tabi ng Dagat ni Ildefonso Santos

Sa Tabi ng Dagat
ni Ildefonso Santos

Manaog ka, Irog at kata’y lalakad
Maglulunoy katang
Payapang-payapa sa tabi ng dagat;
Di na kailangang
Sapinan pa ang paang binalat-sibuyas,
Ang daliring garing
Sa sakong na wari’y kinuyom na rosas!

Manunulay kata
Habang maaga pa, sa isang pilapil
Na nalalatagan
Ng damong may luha ng mga butuin;
Patiyad na tayo
Ay maghahabulang simbilis ng hangin,
Ngunit walang ingay,
Hanggang sumapit sa tiping buhangin.

Pagdating sa tubig,
Mapapaurong kang parang nangingimi,
Gaganyakin kata
Sa nangaroong mga lamang-kati;
Doon ay may tahong
Talaba’t halaang kabigha-bighani,
Hindi kaya natin
Mapuno ang buslo bago tumanghali?

Pagdarapit-hapon
Kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
Ugatan ang paa
At sunog ang balat sa sikat ng araw…
Talagang ganoon;
Sa dagat man, Irog, ng kaligayahan,
Lahat, pati puso
Ay naaagnas ding marahang-marahan.

Tuesday, August 6, 2013

Walang Panginoon ni Deogracias Rosario

WALANG PANGINOON
ni Deogracias Rosario

Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isiniksik niya ang kanyang ulo kahi't saan. Saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipinapasak sa mga butas ng kanyang tainga. Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayon man, kahi't saan siya magsiksik, kahi't saan siya magtago, kahi't na anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.

"Tapos na ba?" Tapos... ang sunud-sunod namang itinutugon ng kanyang ina na paniwalang-paniwala hindi nga niya naririnig ang malungkot na animas.

"Ngunit, Marcos…" ang baling uli ng matandang babae sa anak. "Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya'y nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Una-una'y ang iyong ama, ikalawa'y ang kapatid mong panganay, ikatlo'y ang kapatid mong bunso, saka… saka si Anita." Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.

Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinapangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galling sa pagkapikit kaya't nanlabo pa't walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at mag-aapoy.

Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subali't sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may pangungusap, may nagsasalita.

"Dahil din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw," ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang huwag ipahalata sa ina ang pagkuyom ng kanyang damdamin.

Akala ng ina'y nahuhulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagka't hindi pa natatagalang namatay si Anita. Ang magandang anak ni Don Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pag-iimpok na ginagawa upang maging isang ulirang anakpawis ay ukol kay Anita. At siya'y namatay! Naramdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ay kanyang ibig libangin. Ito ay nais niyang aliwin. Kung maaari sana'y mabunutan niya ng tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak.

"Lumakad ka na Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila, o, baka kailanganin ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara," ang sabi ng ina. "Walang pagsalang masasayahan ka roon."

"Si Inang naman," ang naibulalas na lamang ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasasabi nang malakas. Sa kanyang sarili'y naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ang pagkamatay ni Anita, palibhasa'y lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na nangyari sa pagkamatay nito.
Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat, ang nasasabi niya uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan, na ipinapalagay niyang kaluluwa ni Anita, "disi'y hindi ako itataboy sa kasayahan."

Pinag-uusapan pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran sapagka't mabuti ang lagay ng tanim nilang palay nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating taglay ang utos ng hukumang sila'y pinaaalis sa kanilang lupang kinatatayuan. Sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.

"Inang, matalim ba ang itak ko?" ang unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman.

"Anak ko!" ang palahaw na pananangis ng matandang babae, sabay lapit sa leeg ng anak. "Bakit ka mag-iisip nang gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?"
Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag ng kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.

Ang sabi'y talagang sa kanunu-nunuan ng kanyang ama ang naturang lupa. Walang sino mang sumisingil sa kanila ng buwis at walang sinumang nakikialam sa anumang maging bunga ng kanilang mga tanim, maging mais o tubo, o kaya'y maging anuman sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.

Subali't nang bata pa ang kanyang ama ay may nagsukat ng lupa sa sinsabing kanila. Palibhasa'y wala silang maibabayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis doon.

Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila'y isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit nagtatagal, unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa maylupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, gaya ng takipan at talinduwa.

Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya'y namatay din sa paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat, nalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagka't natutop ng ama nakipagtagpo minsan sa kanya sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan.

Saka ngayo'y paalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan?

Si Anita ay lihim na naging kasintahan ni Marcos, mahigit nang isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila, si Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang damo sa ilog.

Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskuwelahan na silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Nguni't gayon man, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagaka't sa pag-anib niya sa mga samahang pambayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa ni Marcos, kahi't manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbasa rin siya ng nobela at ibang akdang natutuhan niya sa wikang Tagalog o kaya'y salinwikang nito.

Lalo na nang magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang baling araw ay maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa'y bukod sa naniniwala siya sa kasabihan, "Ang lahat ng tao, kahi't hindi magkakakulay ay sadyang magkakapantay," tinatanggap din niya ang palasak ng kawikaang "Ang katapat ng langit ay pusalian." Dahil diyan kaya kahi't bahagya ay hindi siya nag-atubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.
At naiibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog ata sa pamamagitan ng langoy na hampas-tikin ay inabot niya si Anita na kumakamot sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin ng kaliwa niyang bisiig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang dalawa niyang paa sa ilalim kaya't pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagsikad ng dalawa niyang paa ay nakasapit sila sa pampang.

"Marcos, matagal na naman kitang iniibig," ang pagtatapat ni Anita sa binata, makaraan ang may ilang buwan buhat nang siya'y mailigtas.

Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang gayong ang sabi ay ari ng kanilang ninuno at binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon. At saka silang mag-ina ay itinataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan.

Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niya ang kanyang mga kuko.

Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang nalagutan ng hinihinga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalaman na may sakit kundi si Anita. Dahil sa pagkatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti ng ayon sa nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.

Buhat noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng balita. At nang tangkain niyang dumalaw minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaaring maging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya ay mawawala.

Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinaman na lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan, pag-agaw ng lupa sa kanila. At saka noo'y pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya'y nalagutan ng hiningang siya ang tinatawag. Saka nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo ng kanilang pawis na mag-anak.

Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon, lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging maluwag nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng may-lupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya'y maaari pa siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapwat nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaalis sila roon, talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa'y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.

"Huminahon ka anak ko," ang sabi ng kanyang ina. "Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo."

Hindi niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati'y sinakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at hinampas niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang ang ngumatngat sa kanyang puso. Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang palay nila'y magbungang mabuti? Saka ngayo'y pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay.

Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig mang pagdiliman ang isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, ang alaala naman ng kanyang ina'y walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig at ayaw niyang pabayaan ang kanyang ina; ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay nito, bago malagutan ng hininga ang kanyang ama.

Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan kung sila'y magsasarili: "Tutungo sa hilaga at kukuha ng homestad. Kakasundo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don Teong, kailangang magkaroon din ako ng gayak paris niya."

Kabalintunaan man ang sinabi ng anak ay hindi na nag-usisa ang ina palibhasa'y nababatid niyang sa dibdib ng binata ay may isang halimaw na natutulog na hindi dapat gambalain upang huwag magising. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon ang buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon ang ginagawa, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda.

"Marcos," sabi ng matanda. "Dalawang lingo na lamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong… kung may magiging sukli man lamang tayo sa ating ani ngayon?"

"Huwag ka pong mabahala, Inang," sabi ng mabait na anak. "Nalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan."

Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man may nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak.

"Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran?" Tinutukoy niya ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos.

Maaaring magpakahinahon si Marcos, subali't ang huling kapasiyahan ni Don Teong ay namukaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit…

Nagunita niya ang sinabi ni Rizal. "Walang mang-aalipin kung walang magpapaalipin." Napailing siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong – takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga leeg na manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagbubuwis pa.

"Kailangang maputol ang kalupitang ito!" Ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahang ginawa ni Marcos.
"Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?" ang tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.

"Inihahanda ko po iyon sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Teong," ang nakatawang sagot ng anak. "Kung tayo po'y nakaalis na rito, tayo'y magiging malaya," ang tila wala sa loob na tugon ng anak.
Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hanggahan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at ang suwiter, saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito'y umuungol na ang alingawngaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung dumating siya'y dinaratnan niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking kandila.

"Salamat, anak ko, at dumating ka," ang sasabihin na lamang ng matanda. "Akala ko'y napahamak ka na."
Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong ito at ang kanilang panginoon, ay hindi makapagpigil ang isa't isa. Nalalaman din ng matandang babae na laging may dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat nang magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalaala ang pag-alis-alis ni Marcos.

Subalit isang hapon, samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may sinumpang galit sapagka't bigla na lamang sinibad ang matanda at nasapol ang kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay sinalo naman ng kabilang sungay.

Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan, wasak ang suwiter sa katawan at saka ang pulinas. Kumilos agad ang maykapangyarihan upang gumawa ng kailangan pagsisiyasat subali't ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animo'y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala.

Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa'y nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop.

Si Marcos ay nakatingin din sa orasan nang gabing yaon. Tatlong minuto na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw, hindi siya nababahala.

Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang marinig ito. Sa halip na idalangin, ang kaluluwa ng mga namatay, ang naisip niya'y ang matapang niyang kalabaw.

"Mapalad na hayop na walang panginoon," ang kanyang naibulong.

Monday, August 5, 2013

Banyaga ni Liwayway Arceo

Banyaga
ni Liwayway Arceo

Mula nang dumating is Fely kangina ay hindi miminsang narinig niya ang tanong na iyon na tila ngayon lamang siya nakita. Gayong umuuwi siya dalawang ulit sa isang taon - kung Araw ng mga Patay at kung Pasko. O napakadalang nga iyon, bulong niya sa sarili. At maging sa mga sandaling ito na wala nang kumukibo sa tumitingin sa kanya ay iyon din ang katanungang wari ay nababsa niya sa bawat mukha, sa bawat tingin, sa bawat matimping ngiting may lakip na lihim na sulyap.

At mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibang sa kanyang likuran. Hinahagod ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang kanyang buhok

Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang ipinambasa sa buhok niya bago iyon sinuklay. Nandidilat si Nana Ibang nang ulitin ang tanong.
"Serbesa ba 'kama, bata ka, ha?"

Nguniti siya kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo nito, idinigtong niya ang paliwanag. "Hindi masama'ng amoy, Nana."
Ngayon, sa kanyang pandinig ay hindi nakaila sa kanya ang pagtuon ng tingin nito sa kanyang suot. Sa leeg ng kanyang terno na halos ay nakasabit lamang sa gilid ng kanyang balikat at tila nanunuksong pinipigil ang pagsungaw ng kanyang malusog na dibdib. Sa kanyang baywang na lalong pinalantik ng lapat na lapat na saya. Sa laylayan naito na may gilit upang makahakbang siya.
"Ibang-iba na ngan ngayon ang...lahat!" at nauulinigan niya ang buntung-hiningang kumawala sa dibdib ng matandang ale.

Napangiti siya. Alam niyang iyonm din ang sasabihin ng kanyang ina kung nakabuhayan siya. Pati ang kanyang ama na hindi naging maligoy minsan man, sa pagkakaalam niya, sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang sabi ng kanyang Kuya Mente. At ang apat niyang pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita siya kanginang naka-toreador na itim at kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya ng kanyang mga kanayon, mula ulong may taling bandanna, sa kanyang salaming may kulay, hanggang sa kanyang mag mapulang kuko sa paa na nakasungaw sa step-in na bukas ang nguso.

"Sino kaya'ng magmamana sa mga pamangkin mo?" tanong ngayon ng kanyang Nana Ibang. "Ang panganay sana ng Kua mo...matalino..."
"Sinabi ko naman sa Inso...ibigay na sa 'kin papapag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisan naman ako. Ang hirap sa kanila...ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang gusto ni Inang...noon...kung natakot ako sa iyakan..." Tumigil siya sa pagsasalita. Alam niyang hindi maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang naghihimagsik sa kanyang dibdib.

"Tigas nga naming iyakan nang lumawas ka..." ayon ni Nana Ibang.
"Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba 'ko sa timpalak na 'yon kung hindi ako nakasisigurong kaya ko ang eksamen?" Malinaw sa isip ang nakaraan.
Hindi sumagot si Nana Ibang. Naramdaman niyang may dumaping panyolito sa kanyang batok. "Pinapawisan ka an, e. Ano bang oras ang sabi no Duardo na susunduin ka?"

"Alas-tres daw. Hanggang ngayon ba'y gano'n dito?" at napangiti siya. "Ang alas-tres, e, alas-singko? Alas-kuwatro na, a! Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na rito ang kotse ko. Ako na ang magmamaneho. Sa Amerika..."
"Naiinip ka na ba/" agaw ni Nana Ibang sa kanyang sinabi.
"Hindi sa naiinip, e. Dapat ay nasa oras ng salitaan. Bakit ay gusto kong makabalik din ngayon sa Maynila."
"Ano? K-kahit gabi?"

Napatawa si Fely. "Kung sa Amerika...nakapunta ako at nakabalik nang nag-iisa, sa Maynila pa? Ilang taon ba 'kong wala sa Pilipinas? Ang totoo..."
Boglang nauntol ang kanyang pagsasalita nang marinig niya ang mahinang tatat ni Aling Ibang. At nang tumingin siya rito ay nakita niya ang malungkot na mukha nito. At biglang-bigla, dumaan sa kanyang gunita ang naging anyo nito nang makita siya kangina.

Ang pinipigil na paghanga at pagtataka sa kanyang anyo. Ang walang malamang gawing pagsalubong sa kanya. At nang siya ay ipaghain ay hindi siya isinabay sa kanyang mga pamangkin. Ibinukod si ng hain, matapos mailabas ang isang maputi at malinis na mantel. Hindi siya pinalabas sa batalan nang sabihin niyang maghuhugas siya ng kamay. Ipinagpasok siya ng palanggana ng tubig, kasunod ang isa niyang pamangking sa pangaln at larawan lalo niyang kilala sapagkat patuloy ang kanyang sustento rito buwan-buwan. Iba ang may dala ng platitong kinalalagyan ng sabong mabangong alam niyang ngayon lamang binili. Nakasampay sa isang bisig nito ang isang tuwalyang amay moras. At napansin niyang nagkatinginan ang kanyang mga kaharap nang sabihin niyang magkakamay siya.

"Ayan naman ang kubyertos...pilak 'yan!" hiyang-hiyang sabi ng kanyang hipag. " 'Yan ang uwi mo...noon...hindi nga namin ginagamit..."
Napatawa siya. "Kinikutsara ba naman ang alimango?"
Nagsisi siya pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang lalong nahapis ang mukha ng kanyang Nana Ibang. Abot ang paghingi nito ng paumanhin. Kung hindi ka ba nagbago ng loob, di sana'y nilitson ang biik sa silong, kasi, sabi...hindi ka darating...

Wala nga siyang balak na dumalo sa parangal. Ngunit naisip niya - ngayon lamang gagawin ang gayon sa kanilang nayon. Sa ikalimampung taon ng Plaridel High School. Waring hindi niyan matatanggihan ang karangalang iniuukol sa kanya ng Samahan ng mga Nagtapos sa kanilang paaralan. Waring naglalaro sa kanyang isipan ang mga titik ng liham ng pangulo ng samahan. Parangal sa unang babaing hukom na nagtapos sa kanila.

Napakislot pa si Fely nang marinig ang busina ng isag tumigil na sasakayan sa harapan ng bahay. Alam na niya ang kahulugan niyon. Dumating na ang sundo upang ihatid siya sa bayan, sa gusali ng paaralan. Hindi muna niya isinuot ang kanyang sapatos na mataas at payat ang takong.
"Sa kotse n," ang sabi niya kay Nana Ibang. Ang hindi niya masabi: Baka ako masilat...baka ako hindi makapanaog sa hagdang kawayan.
Ngunit sa kanyang pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos ay naunahan siya ng matanda. Kasunod niya ito na bitbit ang kanyang sapatos. Sa paligid ng kotse ay maraming matang nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay hawak ng isang lalaki, na nang mapagsino niya ay bahagya siyang napatigil. Napamaang.

"Ako nga si Duardo!"
Pinigil niya ang buntung-hiningang ibig kumawala sa kanyang dibdib. Nang makaupo na siya ay iniabot ni Nana Ibang ang kanyang sapatos. Yumuko ito at dinampot naman ang tsinelas ba hinubad niya. Isinara ni Duardo ang pinto ng kotse at sa tabi ng tsuper ito naupo.
"Bakit hindi ka rito?" tanong niya. Masasal ang kaba ng kanyang dibdib. "May presidente ba ng samahan na ganyan?"

"A...e..." Hindi kinakailangang makita niyang nakaharao si Duardo. Napansin niya sa pagsasalita nito ang panginginig ng mga labi. 'A-alangan...na 'ata..."
Nawala ang ngiti ni Fely. Sumikbo ang kanyang dibdib. Si Duardo ang tanging lalaking naging malapit sa kanya. Noon. Ngayon, nalaman niyang guro ito sa paaralang kanilang pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng Samahan ng mga Nagtapos.
"Natutuwa kami at nagpaunlak ka..." walang anu-ano'y sabi ni Duardo, "Dalawampu't dalawang taon na..."


"Huwag mo nang sasabihin ang taon!" biglang sabi ni Fely, lakip ang bahagyang tawa. "Tumatanda ako."

"Hindi ka nagbabago,' sabi ni Duardo. "Parang mas...mas...bata ka ngayon. Sayang...hindi ka makikita ni Menang..."

"Menang?" napaangat ang likod ni Fely.

"Kaklase natin...sa apat na grado," paliwanag ni Duardo. "Kami ang..." at napahagikhik ito. "Kamakalawa lang isinilang ang aming pang-anim...'

"Congratulations!" pilit na pilit ang kanyang pagngiti. Tila siya biglang naalinsanganan. Tila siya inip na inip sa pagtakbo ng sasakyan.

"Magugulat ka sa eskuwela natin ngayon," patuloy ni Duardo nang hindi na siya kumibo. "Ibang-iba kaysa...noon..."

"Piho nga," patianod niya. "Hindi naman kasi 'ko nagagawi sa bayan tuwing uuwi ako. Lagi pa 'kong nagmamadali..."

"Pumirmi na nga rin kami sa bayan kaya hindi naman tayo nagkikita..."

Bagung-bago sa kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw niya ang kanyang mukha sa bintana ng sasakyan ay nakita ang mga nakamasid sa kanya. Isinuot niya ang kanyang salaming may kulay. Tila hindi niya matatagalan ang nakalarawan sa mukha ng mga sumasalubong sa kanya. Pagtataka, paghanga, pagkasungyaw. Aywan niya kung alin.

At nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong nagtimunig ang kahungkagang nadarama sa kanyang mga mata. Tila hindi na niya nakikilala at hindi na rin siya makilala pa ng pook na binalikan niya.

Sunday, August 4, 2013

Mabangis na Lungsod

Mabangis na Lungsod
Ni Efren R. Abueg

1. Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong sa araw-araw ay may bagong lunas na walang bisa. Ngunit ang gabi ay waring maninipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.

2. Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawang taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroon, kundi dahil sa naroroon, katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang gabi— at ang Quiapo.

3. Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y mailaw at maingay. Huwag lamang matitinag ang simbahan at huwag lamang mababawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.

4. Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket sa suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga nasa hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglaglag ng singko o diyes sa maruruming palad.

5. Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan. Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan. Nagsawa na ang kanyang mga bisig sa kalalahad ng kamay, ngunit ang mga sentimong kumakalansing sa kanyang bulsa ay wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kanyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad sa kanyang katawan.

6. “Mama…Ale, palimos na po.”

7. Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay ay hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay nagpapahalata ng pagmamadali ng pag-iwas.

8. “Singko po lamang, Ale…hindi pa po ako nanananghali!”

9. Kung may pumapansin man sa panawagan ng Adong, ang nakikita naman niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay ‘yan ng mga magulang para maisugal,” madalas naririnig ni Adong. Nasaktan siya sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kanya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.

10. At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinapahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghingi sa kanya nito ng piso, sa lahat. Walang bawas.

11. “May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito’y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.

12. At ang mga kamay ni Adong ay manginginig pa habang inilalagay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga sentimong matagal ding kumalansing sa kanyang bulsa, ngunit kailan man ay hindi nakarating sa kanyang bituka.

13. “Maawa na po kayo, Mama…Ale…gutom na gutom na ako!”

14. Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao’y bantad na sa pagpapalimos ng maraming pulubi. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ang karukhaan.

15. Ang kampana ay tumugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga tao, papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa kanyang kinaroroonan.

16. “Malapit nang dumating si Bruno…” ani Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na maaaring makarinig

17. Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kanyang mga laman at nagpatindig sa kanyang balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kanyang harap ang tao—malamig walang awa, walang pakiramdam—nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kanyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa’t waring umuuntag sa kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.

18. Ilang singkong bagol ang nalaglag sa kanyang palad, hindi inilagay kundi inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga bagol sa kanyang bulsa. Lumikha iyon ng bahaw na tunog nang tumama sa iba pang sentimong nasa kanyang palad at sa kaabalahan niya’y hindi niya napansing kakaunti na ang taong lumalabas mula sa simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang-bahala, ang mga hakbang ng pagmamadaling pag-iwas.

19. “Adong…ayun na si Bruno,” narinig niyang wika ni Aling Ebeng.

20. Tinanaw ni Adong ang inginuso sa kanya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan. Ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang bulsa. Dinama niya ang mga bagol. Malamig. At ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kangina pa ay mamatay. Mahigpit niyang kinulong sa kanyang palad ang mga bagol.

21. “Diyan na kayo, Aling Ebeng…sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!” mabilis niyang sinabi sa matanda.

22. “Ano? Naloloko ka ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Makita ka ni Bruno!”

23. Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglakad, sa simula’y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglakad. At akala niya’y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita. Sumandal siya sa poste ng ilaw-dabitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos sa paghihimagsik, ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa nakatunghay na simbahan, na kabangisang sa mula’t mula pa’y nakilala niya at kinasuklaman. At iyon ay matagal din niyang pinakalansing.

24. “Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag.

25. Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kanyang paglaya. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kanyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkaroon ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba, at sa kabangisan.

26. “Bitawan mo ako, Bruno! Bitawan mo ako!” naisigaw na lamang ni Adong.

27. Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya ang malulupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kanya.

Saan Patungo ang Langay-langayan?

SAAN PATUNGO ANG LANGAY-LANGAYAN?

ni B. S. Medina, Jr.

Iisa lamang ang aking mithi. Ang makalaya sa kaalipinan. Pagkat alipin ako.

Alipin ako ng aking sariling pagananasang guminhawa at lumigaya ngunit nababakla ang daigdig na sa wari'y lumalaki, at ako'y naiiwan tila butil ng buhanging makapuwing ma'y di makasugat. Alipin ako ng sariling nangangambang di makarating sa paroroonan (ngunit saan?) gangga-binlid na sarili. Alipin ako ng aking sariling nagnananasang makatawid sa dagat ng pakikitalad na payapa kung minsan ngunit kadalasa'y maalimpuyo. Alipin ako ng sariling pagkat luwad ay makaluwad, pagkat ako'y sa tao ang puso, diwa at kaluluwa. (Ngunit hindi ba ako'y likha ng Diyos? At sa kanya iniwangis? Nasaan ang pagkawangis na iyon? Nasaan ang aking pagka-Diyos?)

Ito ang aking mithi: Paglaya.

At ako'y nagtatanong: Ano ang paglaya?

Ang paglaya'y ang pagkakilala sa sariling kakayahang mabuhay sa daigdig ng kawalang-katiyakan, ang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng buhay (na di lagging katuwaan, ngunit di rin naman laging kapighatian). Ang paglaya'y ang pagkakilala sa maraming suliranin sa buhay at ang pagkatulong malutas ang mga ito. Ang paglaya'y ang pagkaunawa sa puu-puong kahulugan ng damdamin ng tao. Ang paglaya'y ito: ang pagkaunawa sa sarili at sa daigdig. Ngunit paano ko mauunawaan ang aking sarili?

Sa salamin, ang larawan ko'y mistulang ako: naroon din ang buhok na dating malago, ngayo'y manipis, ang mukhang hawas na may guhit na ng hapis at kahapon, ang katawang dating matipuno'y mahagway ngayon. At sa kamalayan ay naghuhumiyaw na tanong: Sino ka? Nakikilala mo ba ang iyong sarili? Hindi! Oo! Nakikilala ko ang aking sarili sa kanyang hubad na larawan, ngunit di ko lubusang natatalos ang tunay na kalooban, pagkat hanggang ngayo'y gapos pa ako ng kahangalan, bigti pa rin ako ng karuwagan, alipin pa rin ako ng kasalanan. Wala sa akin ang pagkaunawa sa aking sarili, lubha pa sa kaninuman: ako'y hindi malaya at ngayon, akong dating maraming makamit, akong dating maraming nais marating, akong dating maraming mithiin sa buhay, ay may iisang pagnanais na lamang - ang makalaya sa kaalipinan.

Hinahanap ko ang kalayaan, sa kapatagan, sa kabundukan, sa bayan, sa ilang na pook, sa lahat ng dako ng daigdig; sa hilaga, sa kanluran, sa timog, sa silangan; nariyan sa alinman diyan ang kalayaang hinahanap ko. Alam ko: Ang kalayaan ay nasa lahat ng dako. Ito'y tila hanging malayang malalanghap (ngunit may pumipigil sa aking paglanghap): ito'y tila hanging malayang madarama (ngunit mukha ko'y namamanhid). Paano ang malayang paglanghap ang malayang pagdama, paano?

Sa salamin ay naroon ako.

Ako'y lalaking tinukso ng pagkakasala sa pamamagitan ng nilikhang sa tadyang ko nanggaling. Bakit nangyari ito, sa akin ang buong Paraiso; walang hapis, pawang ligaya. At nang ito'y naganap, nawala ang ligaya, nahalili'y hapis. At ako'y napahiya sa sarili, unang-una. Tumingala ako. Sa kabughawan, sa bunton ng mga ulap, hinanap ko ang Maykapal, ngunit wala siya. Inulilig ko ang kanyang tinig, ngunit biningi ako ng katahimikan. Nasaan ka, Diyos ko? Bigla-biglang sinaklot ng pangamba at agam-agam ang aking katauhan. Mawawala na sa akin ang mga biyayang kaloob ng Maykapal. At nang bumaba ang Serafin, batid kong tuluyan nang nawaglit para sa akin ang Paraiso: Hindi na ako malaya: pagkat alipin na ako ng aking sariling pagkasala.

Sapul noon ay hinanap ko ang kalayaan.

Buhat sa Paraiso, ako at ang aking katambal ay may tataluntuning landas sa paghanap ng kalayaan ng dating kaginhawaan at kaligayahan, ngunit saan? Di ba tanging Paraiso lamang ang katatagpuan ng walang-katapusang ligaya? Sa kabughawan ng langit ay naroon ang nagsasalimbayang mga langay-langayan. Nakikita ko ang langkay-langkay na mga ibon sa kanilang paglipad. Ngunit saan patungo ang langay-langayan? At ako, kasama ang sa aki'y nagbuhay, katulad ng langay-langayan, ay saan patungo? Saan masusumpungan ang ligaya at ginhawa, ang kalayaang sa wari'y tuluyan nang nawaglit? 

Ito ang natitiyak ko: habang may buhay , ako'y ako rin: ang tao. At saka ito: ang patutunguhan ko'y walang katiyakan, pagkat inilulunsad ko ngayonang aking daong sa dagat ng pakikitalad; pagkat sa akin at sa kasama ko ay pinid (matutuluyan kayang pinid?) ang Paraiso. 

Ang daigdig ay totoong malawak: hindi masundan ng aking paningin ang haba't luwang nito. Batid ko na kung makalalagos ang aking paningin sa tinutuntungan kong lupa'y hindi maaabot ng tingin ang lalim nito. Sinlawak ng kalupaan ang karagatan. Ang dagat ay tubig. Sinasabing ang tubig ay kristal na napananalaminan. Marahil sa pagiging kristal nito'y makikita ko ang pusod ng dagat, makikita ko ang kagandahang itinatago niyon. Subalit hindi: ang dagat ay singhiwaga ng lupa. Sumalok ka ng tubig, magagawa mo't masasalat ang kanyang kanipisan, ngunit sa kabila nito'y hindi mo makikita kung ano ang inililihim sa ilalim. 

At nauunawaan ko. Mahiwaga ang daigdig, at ako, kasama ang sa aki'y nagbuhat, ay maglalakbay sa dagat ng pakiktalad nang may isang mahalagang bagay na nababatid: kahiwagaan. Kaya marahil hindi ko maware ang sarili: kaya marahil hindi ko nakilala ang tunay kong kaakuhan, pagkat nababalot ng hiwaga ang Tao. 

Maganda ang sikat ng araw. Nadama naming ang init. Sumalab sa balat. Sumilong kami sa ilalim ng malalabay na sanga ng unang punong aming natagpuan. Saka lamang kami nakadama ng bahagyang ginhawa. Ngunit pagod na kami. Masakit ang aming mga paa. May galos at paltos na ang aming mga talampakan. Nakadama na kami ng sakit. Wala na nga kami sa Paraiso: doon, ang nayayapaka'y alpombrang malambot, maginhawa. Wala na, wala na kami sa Paraiso. At ngayong tumatagal ang aming inilalagi sa labas na iyon ay nakadarama na kami ng uhaw. Nanunuyo ang aming lalamunan. Patuloy ang paggiti ng saganang pawis. At kumakalam na ang aming sikmura. Ngunit anong hiwaga! Ang punong kinatitigilan namin ay may bungang nakabitin. ("Huwag ninyong kakainin ito." Walang gayong tinig kaming naririnig. Gaya noong makalimot kami.) iniabot ko yaon: ngunit mataas ang sanga, hindi kayang lundagin. Kailangan kong akyatin ang puno. Ito ang pakikitalad, ito ang pakikipamuhay, ito ang kaalipinan. Pagkat alipin na ako ng aking sarili. Ng daigdig, ng buhay. Hindi na ako malaya.
Noon nagbagu-bago ang anyo ng araw - naroong sumilip, sumikat, kumubli. At nagbagu-bago ang kulay ng langit - naroong bughaw, abuhin, itim. At noon nagbagu-bago ang hampas ng hangin - naroong mayumi, masungit, mabangis. Ang mga ito'y tanda ng kawalan ng katiyakan ng anumang bagay sa daigdig. Ito ang kahiwagaang bumabalot sa lahat ng nilikha. 

Noon ko nadama ang puu-puong damdamin. Mga damdaming kay hirap unawain: ito ay kaalipinang pinagdurusahan ng sarili. Gayundin ang nadarama ng katambal ko. Sinimulan naming pagtuwangan ang pakikipagsapalaran, gumawa kami ng masisilungan laban sa init at lamig, laban sa sungit ng panahon at kalikasan. Gumawa kami ng damit laban sa init at lamig, sa panahon at kalikasan. Ngunit ano itong pakikipagtunggali sa kalikasan? Di ba't sa kalikasan kami nabubuhay? (Ito, ito ang kahiwagaang bumabalot sa katotohanan - nagbibigay-kulay, nagbibigay-ganda, nagbibigay-halaga. Pagkat hindi ba kapag may hiwagang nais liripin, kumikilos ang mga tao, nagpupunyagi? Ang pagsisikap na ito ang pintig ng buhay na lumilikha ng kulay, ganda, at halaga.). 

Akong Tao at ang katambal na sa tadyang ko nanggaling ay magkasama habang may buhay sa daigdig. Magkasama kami sa pakikipagtunggali. Pagkat siya rin ang kasama ko sa Paraiso. (Noo'y pawing ligaya!) Ngayon ay hindi ko matingnan ang katawan ng aking katambal. Hindi ko na matitigang matagal ang hubog niyon, pagkat nagdadalang-hiya ako. Ngunit may nadarama akong kakaibang damdamin, hindi yaong pag-ibig na mapagkupkop, malambing, magiliw, kundi mabangis, mapilit, maalab. Gayundin marahil ang nadama ng aking katambal. Kasabay ng damdaming iyon ang kamalayang dadalawa lamang kami sa daigdig ("Hayo at magsupling!") kailangan naming ng kasama. Nasaan ka, manlilikha! Nasaan ka, Diyos! Narito! Narito! Nasa aking sarili: ako ang manlilikha, ngunit sa aba ko, hindi ako ang Diyos! Ito ba ang bahagi ng pagka-Diyos sa akin? Ang damdaming nadarama ko? Ito na ang pag-ibig sa kanyang lalong makabuluhang katuturan: maalab, mapilit, mabangis!
Ang ikalawang salin ay sa damdaming iyon nagbuhat. Sa ganyan ding damdamin magbubuhat ang iba pang salin. Ang lahat at lahat ay sa damdaming iyan magbubuhat. At ako, na Tao, at siya na katambal ko, ay nagsupling: supling at supling: salin at salin. Ito ang kahiwagaan ng paglikha sa Tao: kayraming kawangis, kahawig: kayraming kawangis ng Diyos, kayrami niyang binigyan ng bahagi ng kanyang pagka-Diyos. Hindi mapupuwing ang katotohanang itong napasaakin: ang pag-ibig ay bahagi ng Diyos na isinapi sa Tao. 

Kayraming tao sa daigdig. Kayrami kong kawangis, kayrami kong kawangis, kayrami kong larawan. Dumarami ang sakay ng daong naming nakalutang sa dagat ng pakikitalad at saka nahasik ang iba-ibang damdaming taglay ang hiwaga ng pakikipamuhay. Ang katapat ng pag-ibig ay nabigyang-tiis, naging poot, at saka nag-usbong ang pakikipagkaisa o pagbukod, pakikipagtalik or pakikipagalit. Sumibol ang pakikipag-unawaang naging pakikipag-digmaan. 

Ito ang hininga ng buhay: ang pagtigil sa daigdig na ito ay isang malaking pakikipaghamok, buhat sa Paraiso'y napalutang na ako, kasama ang sa aki'y nanggaling, sa dagat ng pakikitalad. Ngunit ano itong pakikipaghamok - pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig? Ito'y pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig. Nababatid ko, sapagkat nadarama ko rin ang iba-ibang damdaming nasaksihan kong nagpagalaw, nagpakilos, sa aking mga supling sa lahat at lahat. Sa Tao. 

At habang umiinog ang araw - sumisilip, sumisikat, kumukubli ay nadarama ko ang pagbabago: nasaksihan ko, naririnig ko, nalalanghap ko. Ang mga pagbabagong lalo't laong naglalayo sa akin sa Paraiso. Nawawala, nawawala nang tuluyan wari ang Paraiso, at ako'y tila ganap nang magiging alipin ng aking sariling nagkasala (ulit-ulit kong sinasabi: Diyos ko, Diyos ko, subalit ang taghoy ay walang tinig.). 

Nagbabago na rin ang tanawin. Marami nang gusaling naitayo: bato, kahoy, putik. Ang kapatagan ay pinarikit ng mga halamang tanim ng mga Tao. Ang kagubatan ay unti-unting nahahawan. Subalit Diyos ko, ako man ay nagbabago; nawawala ang dating lakas - tumatakas, tumatakas. Ngunit kailangang maikulong ko sa aking kalamnan ang lakas upang tumibay ang katawan ko sa pakikitunggali sa buhay. 
Marami-marami na ang aking mga supling: marami na ang tao. Lumalawak ang sakop ng tao. Ang mga pook-pook ay sumisikip: sa malas ay lumiliit ang kalupaan ngunit kabalintunaan, lumalaki, lumalaki ang daigdig, pagkat nabibigayan niya ng lunan ang lahat. (Ito ang kahiwagaan ng daigdig: may puwang sa kanyang kaliitan ang lahat na parami nang parami: lumalaki, lumalaki ang daigdig at akong Tao ay naiiwang tila butil ng buhanging makapuwing ma'y di makasugat: pagkat alipin. Ang tinig ko'y walang lakas pagkat wala akong laya, taghoy ko'y walang tinig.
Sumilang ang mga bayan-bayanan. Nakalikha ang mga tao ng mga wika at paraan sa pagsulat, natutuhan ng mga supling ko ang mga makipag-unawaan sa isa't isa sa pamamagitan ng salita (sari-saring salita) at sulat (sari-saring sulat). Subalit dahil din sa pagkakaibang ito'y ng-uugat ang di-pagkakaunawaang pagkat nawawala ang tatak ng pagkakaisa. Isa pa ring kabalintunaan: bumuo ng salita upang magkaunawaan, ngunit siyang salita ring dahilan ng di-pagkakaunawaan. Bakit ganito? Pagkat sumipot ang pagkakani-kaniya, sumibol ang pagkamakasarili. Ito'y mga tanda ng pagkagapi, ng pagkatalo, ng sarili: napaalipin nang lubos ang tao sa sariling nagkasala, hindi, hindi nga ako malaya!
Nagkaroon ng sariling ari-arian ang tao. May mga kasangkapang tanging kanila, walang makakagalaw. Gaya rin ng karapatang kumilos, lumakad, manahanan, mabuhay na hindi dapat sansalain. Ito'y ipagtatanggol hanggang sa magtigis ng dugo at kumitil ng buhay! May mga kagamitang kanya: iilang malapit sa puso lamang ang makagagalaw. Dito nagbinhi ang inggit at pag-iimbot, pagkat may mga taong nagnanais na magkamit ng ari ng iba. Kung may mga supling akong mapanarili, mayroon pa ring naging mapagkamkam. 
Sa salamin ay minasdan ko ang aking larawan, pagkalipas ng maramin-maraming panahon. Nahahapis ako, may pilak na ang aking buhok.

Friday, August 2, 2013

Teoryang Pampanitikan

Teoryang Klasismo/Klasisismo
Ang layunin ng panitikan ay maglahad ng mga pangyayaring payak, ukol sa pagkakaiba ng estado sa buhay ng dalawang nag-iibigan, karaniwan ang daloy ng mga pangyayari, matipid at piling-pili sa paggamit ng mga salita at laging nagtatapos nang may kaayusan.

Teoryang Humanismo
Ang layunin ng panitikan ay ipakita na ang tao ang sentro ng mundo; ay binibigyang-tuon ang kalakasan at mabubuting katangian ng tao gaya ng talino, talento atbp

Ang teoryang Humanismo ay isang pag-aaral sa pananaw ukol sa paniniwala at/o prinsipyong tao. Ito ay isang terminolohiyang kadalasang ginagamit kung naglalarawan ng isang kwento, nobela, etc., kung itatanong kung anong uri nito depende sa tema.

Maaaring ang kahulugan nito ay isang makasaysayang kilusan na naganap noong Renaissance o Panahon ng Pagkamulat

Ang pokus ng teoryang humanismo ay ang tao. Naniniwala ang mga humanista na ang tao ang sukatan ng lahat ng bagay kung kaya't mahalagang maipagkaloob sa kanya ang kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin at kalayaan sa pagpapasya. Gaya ng ipinahahayag ni Protagoras, "Ang tao ang sentro ng daigdig, ang sukatan ng lahat ng bagay at ang panginoon ng kanyang kapalaran."

Ninanais ng tao na sa kanyang pakikiraan sa daigdig na ito ay may bakas siyang maiiwan upang ang kanyang buhay ay magkaroon ng kabuluhan at malinaw na pagkilala sa isang di maikukubling kasaysayan.

Teoryang Naturalismo
Ang akdang pampanitikan sa teoryang naturalismo ay naglalarawan ng kasamaan ng tao sa daigdig na higit na maganda ang marumi at karumal-dumal na pangyayari. Nabibigyang pansin din sa teoryang ito ang mga saloobin, damdamin, kilos at gawi ng mga tauhan.

binibigyang-diin sa teoryang ito,ang namana at pisikal na katangiang likas ng tao kaysa katangiang moral o rasyunal.

Ang mga akdang nagbibigay-diin sa teoryang ito ay nagpapakita ng mga pangyayaring nakatutulong ang mga piling salita at mga pahayag upang pangibabawin ito.Ipinakikita rin ang epekto ng kapangitan ng kalagayan sa mga tauhan nito.Ito'y isa sa mga namamayagpag sa Kasalukuyan.

Teoryang Imahismo
Ang layunin ng panitikan ay gumamit ng mga imahen na higit na maghahayag sa mga damdamin, kaisipan, ideya, saloobin at iba pang nais na ibahagi ng may-adka na higit na madaling maunawaan kaysa gumamit lamang ng karaniwang salita. Sa halip na paglalarawan at tuwirang maglalahad ng mga imahen na layong ilantad ang totoong kaisipan ng pahayag sa loob ng panitikan.

Teoryang Realismo
Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang mga karanasan at nasaksisan ng may-akda sa kanyang lipunan. Samakatuwid, ang panitikan ay hango sa totoong buhay ngunit hindi tuwirang totoo sapagkat isinaalang-alang ng may-akda ang kasiningan at pagkaefektibo ng kanyang sinulat. .


Teoryang Feminismo
Ang layunin ng panitikan ay magpakilala ng mga kalakasan at kakayahang pambabae at iangat ang pagtingin ng lipunan sa mga kababaihan. Madaling matukoy kung ang isang panitikan ay feminismo sapagkat babae o sagisag babae ang pangunahing tauhan ay ipimayagpag ang mabubuti at magagandang katangian ng tauhan.

Teoryang Arkitaypal
Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang mga mahahalagang bahagi ng akda sa pamamagitan ng mga simbolo. Ngunit hindi basta-basta masusuri ang mga simbolismo sa akda. Pinakamainam na alamin muna ang kabuuang konsepto at tema ng panitikan sapagkat ang mga simbolismong napapaloob sa akda ay magkaugnay sa isa't isa. Ang lahat ng simbolismo ay naaayon sa tema at konseptong ipinapakilala ng may-akda sa mga mambabasa.

Teoryang Formalismo/Formalistiko
Ang layunin ng panitikan ay iparating sa mambabasa ang nais niyang ipaabot gamit ang kanyang tuwirang panitikan. Samakatuwid, kung ano ang sinasabi ng may-akda sa kanyang panitikan ang siyang nais niyang ipaabot sa mambabasa - walang labis at walang kulang. Walang simbolismo at hindi humihingi ng higit na malalimang pagsusuri't pang-unawa.

Teoryang Saykolohikal/Sikolohikal
Ang layunin ng panitikan ay ipaliwanag sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga salig (factor) sa pagbuo ng naturang behavior (pag-uugali, paniniwala, pananaw, pagkatao) sa isang tauhan sa kanyang akda. Ipinakikita sa akda na ang tao ay nagbabago o nagkakaroon ng panibagong behavior dahil may nag-udyok na mabago o mabuo ito.

Teoryang Eksistensyalismo
Ang layunin ng panitikan ay ipakita na may kalayaan ang tao na pumili o magdesisyon para sa kanyang sarili na siyang pinakasentro ng kanyang pananatili sa mundo (human existence).

Teoryang Romantisismo
Ang layunin ng teoryang ito ay ipamalas ang iba't ibang paraan ng tao o sumasagisag sa tao sa pag-aalay ng kanyang pag-ibig sa kapwa, bansa at mundong kinalakhan. Ipinakikita rin sa akda na gagawin at gagawin ng isang nilalang ang lahat upang maipaalam lamang ang kanyang pag-ibig sa tao o bayang napupusuan.

Teoryang Markismo/Marxismo
Ang layunin ng teoryang ito ay ipakita na ang tao o sumasagisag sa tao ay may sariling kakayahan na umangat buhat sa pagdurusang dulot ng pang-ekononiyang kahirapan at suliraning panlipunan at pampulitika. Ang mga paraan ng pag-ahon mula sa kalugmukan sa adka ay nagsisilbing modelo para sa mga mambabasa.

Teoryang Sosyolohikal
Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang kalagayan at suliraning panlipunan ng lipunang kinabibilangan ng may-akda. Naipakikita rito ang pamaraan ng mga tauhan sa pagsugpo sa suliranin o kalagayan ng lipunan na nagsisilbing gabay sa mga mambabasa sa magpuksa sa mga katulad na suliranin.

Teoryang Moralistiko
Ang layunin ng panitikan ay ilahad ang iba't ibang pamantayang sumusukat sa moralidad ng isang tao - ang pamantayan ng tama at mali. Inilalahad din nito ang mga pilosopiya o proposisyong nagsasaad sa pagkatama o kamalian ng isang kilos o ugali ayon sa pamantayang itinakda ng lipunan. Sa madaling sabi, ang moralidad ay napagkakasunduan ayon na rin sa kaantasan nito.

Teoryang Bayograpikal
Ang layunin ng panitikan ay ipamalas ang karanasan o kasagsagan sa buhay ng may-akda. Ipinahihiwatig sa mga akdang bayograpikal ang mga bahagi sa buhay ng may-akda na siya niyang pinakamasaya, pinakamahirap, pinakamalungkot at lahat ng mga "pinaka" na inaasahang magsilbing katuwang ng mambabasa sa kanyang karanasan sa mundo.

Teoryang Queer
Ang layunin ng panitikan ay iangat at pagpantayin sa paningin ng lipunan sa mga homosexual. Kung ang mga babae ay may feminismo ang mga homosexual naman ay queer.

Teoryang Historikal
Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang karanasan ng isang lipi ng tao na siyang masasalamin sa kasaysayan au bahagi ng kanyang pagkahubog. Nais din nitong ipakita na ang kasaysayan ay bahagi ng buhay ng tao at ng mundo.

Teoryang Kultural
Ang layunin ng panitikan ay ipakilala ang kultura ng may-akda sa mga hindi nakakaalam. Ibinabahagi ng may-akda ang mga kaugalian, paniniwala at tradisyon minana at ipasa sa mga sunod na salinlahi. Ipinakikita rin dito na bawat lipi ay natatangi.

Teoryang Feminismo-Markismo
Ang layunin ng panitikan ay ilantad ang iba't ibang paraan ng kababaihan sa pagtugon sa suliraning kanyang kinakaharap. Isang halimbawa nito ay ang pagkilala sa prostitusyon bilang tuwirang tugon sa suliraning dinaranas sa halip na ito'y kasamaan at suliranin ng lipunan.

Teoryang Dekonstraksyon
Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang iba't ibang aspekto na bumubuo sa tao at mundo. Pinaniniwalaan kasi ng ilang mga pilosopo at manunulat na walang iisang pananaw ang nag-udyok sa may-akda na sumulat kundi ang pinaghalu-halong pananaw na ang nais iparating ay ang kabuuan ng pagtao at mundo.

Monday, July 22, 2013

2013 SONA of PNoy

PNoy's 4th State Of The Nation Address


SONA 2013 Transcript: State of the Nation Address of President Benigno S. Aquino III to the Congress of the Philippines, delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Quezon City, on July 22, 2013

SONA 2013 Transcript

Marami pong salamat. Maupo ho tayong lahat.

Bise Presidente Jejomar Binay; Senate President Franklin M. Drilon; Speaker Feliciano Belmonte Jr.; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Senado at Kamara de Representante; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga miyembro ng Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan:

Isang magandang hapon po sa inyong lahat.

Ito po ang aking ikaapat na SONA; dalawa na lamang ang natitira. Halos apat na taon na nga po ang lumipas nang una akong nilapitan ng ilang kampo upang hikayating tumakbo sa pagkapangulo. Ang sabi nila: Alam naming hindi masosolusyonan sa isang tulog, sa isang taon, o kahit pa sa anim na taong termino ng isang Presidente ang lahat ng problema ng bansa. Pero simulan mo lang, at tiyak, kasama mo kaming mag-aaruga nito.

Noon pa man, mulat po ako sa tindi ng mga problemang aking kakaharapin. Mula sa pagiging kandidato, o Presidente na, o kahit ba matapos nang makababa sa puwesto, hindi biro ang peligrong kakambal ng trabahong ito. Malawakang transpormasyon ng lipunan ang aking hangarin, at mulat akong marami akong kailangang banggain para matupad ito. Pero hindi po ako pinalaki ng aking mga magulang para tumiklop lamang sa mga hamon. Hindi ko mahaharap ang aking sarili kung tinanggihan ko ang pagkakataong bawasan ang pagdurusang hindi naman dapat dinaraanan ng Pilipino.

Tumugon nga po tayo sa panawagan, at ang mga kasama natin noong una, nadagdagan pa. Sa paniniwala ko nga po, kung tama ang aking ginagawa, lalo pang dadami ang ating magiging kasangga. Nito ngang nakaraang Mayo, tinanong ko kayo, “Boss, tama ba ang direksyon natin?” Ang tugon ninyo: “Tama, at pabilisin pa natin ang transpormasyon ng lipunan.” Humiling ako ng mga kakamping makikisagwan sa iisang direksyon, at ibinigay ninyo ito. Ang totoo nga po, hindi lang mayorya, hindi lang siyam sa labindalawa, kundi siyam sa sampung pinakamataas na puwesto na senador ay mga taong inilapit ko sa inyo.  Sa aking pakiwari, malinaw po ang mensahe nitong huling halalan: tama, ituloy natin, damihan pa natin ang 8,581 na sitiong napailawan; dagdagan pa natin ang 28,398 na pamilyang dati’y informal settler, ngunit ngayon ay mayroon na o magkakaroon na ng disenteng tirahan; palaguin pa natin ang di bababa sa 40 bilyong piso kada taong dagdag ng perang napupunta sa edukasyon, kalusugan, serbisyong panlipunan, at marami pang iba, dahil sa tama at mas masugid na pagkolekta ng buwis; dama namin ang marami pang ibang patunay na talagang nagbabago ang lipunan. Lalo nga po akong nabuhayan sa ipinarating ninyong mensahe; malinaw po talagang hindi ako nag-iisa sa pagpasan ng mga responsibilidad.  Paano ba naman pong hindi lalakas ang aking loob, kung pati ang mga tulad ni Ginoong Niño Aguirre ay nakikihubog sa ating kinabukasan? Isipin po ninyo, hindi na nga makalakad dahil sa kapansanan, pilit pa rin niyang inakyat ang presintong nasa ikaapat na palapag ng gusali, para lang makaboto at makiambag sa tunay na pagbabago ng lipunan. Salamat, Ginoong Aguirre.

Hindi nga po nauubos ang mga Pilipinong handang makiambag, na siyang ugat ng pagbabagong tinatamasa natin ngayon. Ang stratehiya: Sagarin ang oportunidad para sa lahat, lalo na para sa mga mas nangangailangan. Hindi natin pakay maghintay ng trickle down; hindi puwedeng baka sakali o tsamba lang silang daratnan ng mga biyaya ng kaunlaran. Ito pong tinatawag nating inclusive growth—itong malawakang kaunlaran—ang mismong prinsipyong bukal ng bawat inisyatiba, bawat kilos, bawat desisyon ng inyong gobyerno. Ang maiiwan na lamang ay ang ayaw sumama, dahil hindi sinamantala ang pagkakataon.

Ang atin pong batayang prinsipyo: Malawakang pagkakataon ang susi sa malawakan at pangmatagalang kaunlaran. Huwag po sana nating kalimutan na ang pagkakataon ay punla lamang. Kailangan itong diligin ng sipag, alagaan ng determinasyon, at payabungin ng dedikasyon. Tingnan nga lang po natin ang mga TESDA-DOLE scholars. Sa 500,521 na napagtapos na natin dito, tinatayang anim sa bawat sampu ang nagtatrabaho na. Noong araw po, ayon sa pag-aaral ng DBM noong 2006 hanggang 2008, ang nakakahanap ng trabaho sa mga napagtapos ng TESDA: 28.5 percent lamang. Noong lumipas na taon naman po: sa IT-BPO program, 70.9 percent ang employment rate ng ating mga nagtapos sa TESDA. Sa electronics and semiconductor program naman, umabot sa 85 percent na mga nagtapos noong 2012 ang nagkatrabaho. Malinaw po: Kayo mismo ang huhubog, kayo mismo ang magdidikta kung hinog at matamis ang bungang kolektibo nating pipitasin, o kung magiging bulok at katiting ang kahihinatnan ng mga pagkakataong bumubukas sa kabanatang ito ng ating kasaysayan.

Isa-isahin po natin. Ang layuning palawakin ang saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program: natupad. Ang dinatnan nating mahigit 700,000 kabahayang benepisyaryo ng programa noong 2010, umabot na sa halos apat na milyon na kabahayan sa ating pong administrasyon.

Mayroon pa po: Galing sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, mas malaki ng tinatayang 40 porsyento ang sinasahod ng mga naka-graduate ng high school, kumpara sa mga elementarya lang ang tinapos. Di po ba makatuwirang sagarin na natin ang tulong na ibinibigay natin sa mga pamilya, upang makumpleto na ng mga batang benepisyaryo ang high school, at sa gayon ay maisagad na rin ang benepisyo ng programang ito? Kaya nga po, sa susunod na taon, magiging saklaw na ng programa ang mga pamilyang may kabataang abot sa 18 taong gulang, upang hanggang sa high school ay makapagtapos na sila.

Sa edukasyon naman po: ang layunin nating itaas ang kalidad ng kaalamang natututuhan ng kabataan, upang matapos mag-aral ay mapanghawakan nila ang mga oportunidad na bumubukas sa ating lipunan: natupad po. Nabura na ang minana nating kakulangan sa libro at upuan, at kung magpapatuloy nga po ang pagpapakitang-gilas ni Kalihim Brother Armin Luistro, [Applause] pati po ang kakulangan sa silid-aralan ay mabubura na rin sa taong ito. Ang magandang balita pa: May kakayahan na tayong paghandaan ang magiging pangangailangan dahil sa K to 12 program.

Hindi po biro ang dinatnang mga problema ni Brother Armin sa DepEd. Isipin po ninyo, kada isang textbook, pinepresyuhan dati ng 58 pesos; nang siya na ang namumuno, bumaba ang presyo ng eksaktong libro sa 30 pesos. Paano po kaya kung dati pa nagbayad ng tamang halaga para sa mga aklat na ito? Kung natipid natin ang diperensyang 28 pesos, at may limang textbook ang bawat sa isang tinatayang 20.7 million na estudyante sa ating public school system, ang katumbas nito: halos 2.9 billion pesos.  Kaya po sana nitong pondohan ang plano nating pagpapaayos at rehabilitasyon ng nasa 9,502 na silid-aralan.

Kung nagkulang sa lakas ng loob si Brother Armin, puwede namang ipamana na lang sa susunod sa kanya ang kultura ng pagwawalang-bahala sa kanyang ahensya. Puwede naman din pong ipamana na lang ang mga backlog; ipasa na lang sa susunod ang lolobong pagkukulang dahil sa dumaraming mga enrolee kada taon. Pero itong si Brother Armin, imbes na makuntento, imbes na sabihing, “Puwede na ‘yan, tapos na ang trabaho ko,” gagawa pa siya ng mas maraming upuan at classroom, at bibili ng mas maraming libro, upang siguruhing pati ang para sa susunod na mga taon ay mapunuan na rin.

Ang pagpapalakas naman sa sektor ng agrikultura: natupad din. Isipin po ninyo, ayon sa NFA: Noong 2010, nag-angkat ang bansa ng mahigit dalawang milyong metriko tonelada ng bigas. Noong 2011, bumaba ito sa 855,000 metric tons. Noong 2012: 500,000 metric tons na lang. At ngayong 2013: Ang pinakasagad na nating aangkatin, kasama na ang pribadong sektor, ay ang minimum access volume na 350,000 metric tons.  Nakapaloob na po dito ang 187,000 metric tons sa reserbang buffer stock sakaling magsunud-sunod ang bagyo; malamang, dahil on-target pa rin tayo sa rice self-sufficiency, hindi na rin kailangan pang mag-angkat ng pribadong sektor. Dagdag pa po diyan, nagsimula na tayong mag-export ng matataas na uri ng bigas. Ang layo na po talaga natin doon sa panahong sinasabing hindi raw natin kayang pakainin ang ating sarili.

Datos na rin po ang pruweba: lumago ng 3.3 percent ang sektor na ito sa unang tatlong buwan ng 2013. Triple po ang itinaas nito mula sa 1.1 percent growth noong parehong panahon ng 2012. Kaya naman, patuloy po tayong nagpupunla ng mga inisyatibang pihadong magbubunga ng higit na kaunlaran sa ating mga magsasaka.

Halimbawa po, sa niyog. Ayon sa pagsusuri noong 2009, isa sa mga pinakamahirap na sektor sa bansa ang coconut farmers. Ang proseso ng pagsasaka nito: Pagkatanim, pitong taong hihintaying mamunga ang niyog, pero pagkatapos, dalawang henerasyon ang wala nang ibang kailangang gawin kundi mamitas na lang nang mamitas. May potensyal po tayong palakihin ang kita ng sektor na ito kung maglalatag tayo ng kulturang mas nang-eengganyo ng sipag at pagiging produktibo. Ang tugon: intercropping.

Tutulong ang gobyernong magpalakas sa iyong niyogan, kapalit ng obligasyong magpunla ng iba’t ibang binhi sa pagitan ng mga hilera ng niyog. Mas dadalas ang ani ng magsasaka, at depende sa kanilang itatanim, lalaki ang kanilang kita. Kung sa niyog lang, sa bawat ektarya, nasa 20,000 piso po kada taon ang kinikita ng magsasaka. Kung dadagdagan ito ng kape, maaaring pumalo ng 172,400 pesos ang kita; kung saging, aabot sa 102,325 pesos ang maaaring kitain, samantalang 89,000 pesos naman sa cacao. Ang laking diperensya, di po ba?

Nasimulan na po nating ilatag ang mga inisyatiba para rito: Nitong 2012, umabot na sa 5,500 hectares ng lupain ang ginagamit natin para sa intercropping sa 90 lokasyon sa bansa. Saklaw po nito ang 10,000 sa ating mga magsasaka. Ang target naman natin ngayong 2013: dagdag pang 434 sites para sa coconut intercropping.

Itinitimon na rin po natin tungo sa mas produktibong pampang ang ating mga mangingisda. Isipin po ninyo: Pumalo sa 193.65 billion pesos ang ambag ng industriya ng pangingisda sa ating ekonomiya nitong 2012, pero sa kabila nito, 41 porsyento pa rin sa ating mga mangingisda ang maralita nang huli itong sukatin noong 2009. Sila ang nanghuhuli ng isda, pero ang natitira para sa kanilang pamilya, tinik na lang.

Kaya nga po: Nariyan ang maraming inisyatiba ng pamahalaan upang tulungang makaalpas sa lambat ng kahirapan ang ating mga mangingisda. Halimbawa nga po ang para sa Bataraza sa lalawigan ng Palawan. Sagana ang katubigan sa paligid nito. Pero dahil hindi mapaabot sa mga merkado nang sariwa ang isda, ginagawa na lamang itong tuyo. Sayang naman po, kasi sa bawat tatlong kilo ng lapu-lapu, isang kilo lang ang tuyong nagagawa. Paano kung mapahaba ang pagkasariwa ng isda dahil sa cold storage facility? Pupunta ka sa merkado nang sagad pa rin ang presyo ng huli mo. Parehong sikap sa paghuli, pero ang makukuha mo, tamang halaga. Kaya nga po, kasado na ang cold storage facility para sa Bataraza.  Kasabay po nito, nagtatayo na rin tayo ng mga bagong pantalan sa mga stratehikong lugar upang mapalago pa ang produksyon at kita. Ipinapaayos natin ang mga kalsada, tulay, at iba pang imprastruktura, pati na ang serbisyo para sa ating mga mangingisda.

Mahigpit din pong binabantayan ng DILG, BFAR, at Coast Guard ang pangingisda nang walang habas; ang hiling ko nga pong ambag sa ating mga mangingisda: Pagpahingahin natin ang mga dagat. Hinihikayat ko po kayong sumama sa pangangalaga ng inyong kabuhayan; nakikita naman po ninyo: Ang oportunidad, inilalapit na sa inyo ng estado, pero ang resulta, syempre, nasa kamay ninyo.

Kung may isa man pong paksang paboritong ikabit sa pangalan ko, ito ay ang Hacienda Luisita. Nais ko lang pong iulat na noong Pebrero, alinsunod sa utos ng Korte Suprema, nakumpleto na ng Department of Agrarian Reform ang listahan ng mga kuwalipikadong benepisyaryo na mabibigyan ng lupa sa Luisita.  Ayon rin po kay Kalihim Gil de los Reyes, sinimulan na noong nakalipas na linggo ang pagtutukoy ng bawat loteng makukuha ng mga benepisyaryo, at magsisimula nang ipagkaloob ang mga titulo sa Setyembre nitong taong ito.

Para naman po sa iba pang malalawak na lupain: Matagal na nating inatasan ang DAR, DENR, LRA, at Land Bank na bumuo ng balangkas kung paanong mapapabilis ang pagproseso sa pagbabahagi ng lupain. Ipapaalala ko lang po: Tamang datos ang unang hakbang sa maayos na implementasyon ng CARPER. Pero nagmana po tayo ng isang depektibong land records system. Kaya simula pa lang po, nagtrabaho na ang DOJ, LRA, DENR, at DAR para ayusin ang sistemang ito, at nasa punto na tayo ngayon kung kailan kaya nating siguruhin: Sa susunod na taon, naihain na ang lahat ng mga notice of coverage para sa mga lupaing saklaw ng komprehensibong repormang agraryo.

Malinaw po: Ang estado, itinayo para paglingkuran kayo. Kung may problema sa kalusugan, dapat kumakalinga ang gobyerno; sa panahon ng sakuna, nariyan din dapat ito para magbigay-lingap. Ano po ba ang ginagawa natin sa mga larangang ito?

Sa kalusugan, ang layunin nating masaklaw ng PhilHealth ang mas marami pa nating kababayan: natupad na rin po. Dumating tayong 62 percent ng Pilipino ang naka-enrol sa programa; ngayon, nasa 81 percent na ito. Ang natitira nga pong wala sa talaan ay ang mga hinahanap pa, kabilang na po ang informal sector at mga katutubo. Inaasahan po natin ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan upang maisali na natin sa sistema ang lahat ng ating mamamayan.

Hindi lang po mga enrolee ng PhilHealth ang lumalawak, kundi pati ang mga benepisyong maaaring makuha mula rito. Noong nakaraang taon, inilunsad natin ang Z Benefit Package. At nitong Pebrero naman po, pinalawak pa ito ng Expanded Z Benefit Package. Mas mahaba na po ang listahan ng mga karamdamang libreng maipapagamot ng mahihirap nating kababayan sa mga pampublikong ospital. Noong isang taon, nakasama na ang breast cancer, prostate cancer, at acute leukemia; ngayon, kasama na rin ang iba pang sakit tulad ng coronary bypass, at ng pagtatama ng mga butas at maling posisyon ng mga ugat sa puso.

Masasayang lang po ang ganitong benepisyo kung naghihingalo naman ang kalagayan ng ating mga pagamutan, at kung hindi naman ito mapuntahan ng mga nasa kanayunan. Kaya nga po todo buhos tayo ng budget sa imprastrukturang pangkalusugan: Nitong nakaraang tatlong taon, umabot sa 33 bilyong piso ang nailaan natin para sa pagpapatayo, pagpapaunlad, at rehabilitasyon ng 4,518 na ospital, rural health units, at barangay health stations sa buong bansa.  Halimbawa na po rito ang Region 1 Medical Center sa Dagupan, na nakapagsagawa na ng limang kidney transplant ngayong taon; ang Bicol Regional Teaching and Training Hospital sa Legazpi, Vicente Sotto Medical Center sa Cebu, at Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro, na ayon kay Secretary Ike Ona ay may kakayahan na ngayong magsagawa ng open heart surgery dahil sa mga bagong pasilidad at kagamitan.  Nariyan din po ang Davao Regional Hospital sa Tagum City—ang una nating cancer center sa labas ng Kamaynilaan.

Para naman po sa paghahanda sa kalamidad: Ang layunin nating magpanday ng mga mekanismo upang mailayo sa peligro ang Pilipino: natupad na rin po. Nariyan po ang epektibong serbisyong bunsod ng pagsasanib-puwersa ng Geohazard Mapping and Assessment Program at Project NOAH naman ng DOST. Nitong nakaraang taon, natapos na natin ang multihazard mapping ng dalawampu’t walong pinakapeligrosong lugar sa bansa. Susunod na po rito ang para sa Greater Metro Manila Area na target nating kumpletuhin pagdating ng 2014. Handa na rin po ang geohazard maps para sa 496 na lungsod at munisipyo. Ang natitira pong 1,138 na sasaklaw sa bawat sulok ng bansa ay makukumpleto bago matapos ang 2015. Dagdag pa po, mas matalas at detalyado na ang mga mapa, kaya mas eksakto na ring natutukoy ang mga mapanganib na lugar.

Buhat naman ng inilunsad ang Project NOAH noong nakaraang taon, nakapag-deploy na tayo ng 525 automated water level monitoring stations at automated rain gauges sa 18 major river basins sa atin pong bansa. Tuloy-tuloy din ang pamamahagi natin ng mga modernong kagamitan tulad ng Doppler radars, tsunami detectors, at alerting sirens.

Subalit hindi po sapat ang basta pagbibigay lang ng makabagong gamit at teknolohiya. Sinasanay din natin ang mga makakatanggap nito kung paanong intindihin, gamitin, at palaganapin ang impormasyon. Kapag masama ang panahon, hindi na lamang bilis ng hangin ang kanilang basehan; alam na rin nila kung gaano karaming tubig ang bubuhos, at nakakapagbigay sila ng tama at napapanahong babala sa komunidad upang makapaghanda.

Inaayos na rin po natin ang problema sa madalas na pagbaha sa Kamaynilaan. Biruin po ninyo: Noong Ondoy, tinatayang 3,600 cubic meters per second ang tubig na dumaloy mula sa Sierra Madre. Pero ang kapasidad ng dadaanan nito, nasa tinatayang 1,000 cubic meters per second lang. Saan naman po pupunta ang diperensyang 2,600 cubic meters kada segundo? Ito po ang bugso ng tubig na nagpapaapaw sa mga mababang lugar at nagiging baha.

Di po ba’t narinig na ng marami sa atin: “Waterways are inalienable.” Ibig sabihin: Ang daanan ng tubig, para sa tubig lang. Ang problema nga po, kulang na nga ang dadaanan ng tubig, may mga gusali pang naghahadlang sa mga estero, at binabarahan pa ito ng basura ng mga tumitira sa paligid. Para po solusyunan ito, nakikipag-ugnayan tayo sa mga LGU upang maayos na mailipat ang mga informal settlers. Inihahanda na rin po ng legal team sa pamumuno ni Secretary Leila de Lima ang mga kaso laban sa nagtayo ng mga gusali na sumara o humaharang sa mga daanan ng tubig.

Hindi po tayo makukuntento sa sisihan. Ang ating pong aksyon: 6.2 billion pesos para maiwasan ang pagbaha sa Kamaynilaan. Bahagi nito ang pagtatayo sa Blumentritt Interceptor Catchment area; 3.3 kilometers po ang haba ng buong proyekto, at oras na makumpleto, kaya nitong sumalo ng tubig na katumbas ng tinatayang labing-apat na Olympic-size swimming pool. Kaya kung may bubuhos man pong tubig, mayroon na itong pupuntahan, at hindi na kailangang nasa ibabaw ng lansangan.  Nasimulan na po ang proyektong ito noong Marso; layunin nating matapos ito sa susunod na taon.

Ginagampanan po ng gobyerno ang kanyang obligasyon. Tanungin din po sana natin ang ating sarili: Ano ang inaambag ko sa solusyon? Kung may magtapon sa ilog, sitahin mo sana; kung may magtayo ng building sa estero, isumbong mo na. Lalo po tayong malulubog sa problema kung magkikibit-balikat lang po tayo.

Lumisan man ang bagyo, di naman humuhupa ang pagsisikap nating maibalik sa normal ang buhay ng mga pamilyang nasalanta ng mga nagdaang kalamidad. Sa pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor, nasa 9,377 na kabahayan na po ang naipatayo para sa mga sinalanta ng bagyong Sendong. May karagdagan pang 4,374 na tahanang maipapatayo ng gobyerno bago matapos ang susunod na taon.  Humihingi po tayo ng pag-unawa kung medyo nagtagal ito, dahil na rin sa masalimuot na proseso ng land acquisition; katunayan nga po, kung maaayos ang usapin sa iba pang lupain, may dagdag pang 2,719 na kabahayan ang maipapatayo natin.

Target naman po nating maipagkaloob ang kabuuang 53,106 na kabahayan para sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyong Pablo. Nasimulan na po natin ang pamamahagi ng mga bagong bahay nitong Mayo. Tatapusin po natin ang 17,609 na kabahayan bago matapos ang taon, at oras na makumpleto na rin ang natitira pang 35,447 sa 2014, ang mga pamilyang tinamaan ng dahas ng kalikasan ay makakasilong na muli sa ilalim ng sariling bubong.

Tungkol din po sa pabahay, para naman sa ating unipormadong hanay: ang 21,800 na housing unit para sa pulis at kasundaluhan—natupad na, noong isang taon pa. Sa Phase II naman ng proyekto, naitayo na rin po ang halos 26,050 sa target na 31,200, na makukumpleto na sa susunod na buwan para naman sa Phase II.

Bukod sa pabahay, may mga programang pangkabuhayan din tayong binubuo para sa ating mga kawal. Ang ilang libong ektaryang lupain sa tatlong kampo-militar, partikular na sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, sa Camp Kibaritan sa Bukidnon, at sa Camp Peralta sa Capiz, ay paglulunsaran ng dagdag na pagkakakitaan ng mga sundalo, gaya ng plantasyon ng kawayan, kape, cacao, at palm oil.  Kung dati, nakatutok lamang sa tanggulan ang mga kawal, ngayon maski retirado ay may pagkakataong maging bahagi ng paglago ng ating ekonomiya.

Subalit hindi dito nagtatapos ang paghahanap ng solusyon sa mga minana nating problema sa pambansang tanggulan. Isipin po ninyo: noong 1986, mayroon daw tayong 250,000 na pulis at sundalo para sa mahigit 55 million Filipinos. Ngayon po, mayroon pa rin tayong tinatayang 250,000 na pulis at sundalo, na nagbabantay sa 95 milyong Pilipino. Halos dumoble ang populasyon natin, pero hindi nagbago ang bilang ng nagbabantay sa atin.

Tiyak pong may mga nagsasabi na diyan: “Problema ba ito? E di magdagdag kayo ng pulis at sundalo. Makakalikha pa kayo ng trabaho.” Sana nga po ganyan lang kadali at kasimple ang solusyon. Tingnan po muna natin: Sa karaniwang pension scheme, maghuhulog ng kontribusyon ang miyembro at nag-eempleyo. Ito ang puhunang palalaguin, at dito magmumula ang pensyon sa pagreretiro ng miyembro. Pero ano po ba ang situwasyon sa pensyon ng AFP at PNP? Walang naghuhulog, pero may kailangang bayaran. Dagdag pa rito, naka-index sa sahod ng mga aktibong sundalo at pulis ang pensyon ng retirado. Ibig sabihin, kapag lumaki ang sahod ng nasa serbisyo, lalaki rin ang pensyon ng mga retirado o ng mga pamilyang tumatanggap pa nito. Taun-taon, dumarami ang mga nagreretiro, kaya natural, pataas din nang pataas ang obligasyon. Ang masaklap, pambansang budget ang sumasalo nito: Noong 2012, 54.48 billion pesos ang inilaan para sa pensyon ng sundalo at kapulisan. Ngayong taon, 61.29 billion, at aabot po ito sa 80.64 billion sa 2016. Lolobo pa ito nang lolobo, kaya’t liliit naman nang liliit ang pondo para sa iba pang serbisyong panlipunan. Paano naman po tayo magdadagdag pa ng pulis at sundalo kung ganito ang konteksto?

Kailangan ng sistemang tutugon sa obligasyon ng lipunan sa ating mga sundalo’t kapulisan; malamang po, GSIS ang hihilingan natin ng tulong para rito. Pinag-aaralan na rin po ang posibilidad na gamitin ang mga reclaimed area para makakalap ng pondong ipapasok sa papandaying solusyon. Hindi rin naman po natin puwedeng biglain ang pagtugon sa kabuuan ng ating mga pangangailangan, kaya’t mas masinsin pang pagsusuri ang gagawin natin upang makalikha ng isang patas, pangmatagalan, at malinaw na mekanismo para sa mga pensyon ng mga pulis at sundalo. Nananawagan po ako sa Kongreso: Pag-aralan po nating muli ang PD 1638 at RA 8551 upang maiangkop sa panahon at sa pambansang pangangailangan ang pensyon at benepisyo ng ating pulis at kasundaluhan.

Kaparehong paninindigan rin po ang nakikita nating solusyon sa nakaambang problema sa pensyon sa SSS. Isipin po ninyo: mula 1980, 21 times nang nagkaroon ng across-the-board pension increase—ulitin ko lang po yun, 21 times—pero ang masaklap po, dalawang beses pa lang pong tumaas ang contribution rate. Ang resulta: Tinatayang 1.1 trillion pesos na ang unfunded liability ng SSS base sa pag-aaral na isinagawa nitong 2011. Inaasahang tataas ito ng 8 porsyento kada taon, at mauubos ang pondo 28 years from now. Kapag nangyari ito, walang ibang malulugi kundi ang susunod na salinlahi ng Pilipino.

Naniniwala po tayong panahon na para amyendahan ang SSS Pension Scheme. Kailangan nating tambalan ng inisyatibang mag-impok nang sapat ang pagluluwal natin ng pera. Kung magdadagdag lamang tayo ng 0.6 percent sa contribution rate, 141 billion pesos na agad ang maibabawas sa unfunded liability ng SSS. Kung ngayon na tayo magsisimulang mamuhunan sa kinabukasan, wala nang problemang ipapamana sa mga susunod sa atin.

Sa kapulisan naman po, ang layunin nating magbigay ng lakas upang magampanan nila ang kanilang tungkulin: natupad rin natin. Simula ngayong 2013, 30,000 sa mga pulis ang babalik sa pagpupulis, dahil kukuha tayo ng mga civilian personnel para gawin ang mga tungkuling administratibo. Sayang naman po ang kakayahan at abilidad ng ating mga kawal at pulis kung ikukulong lamang natin sila sa apat na sulok ng opisina.

Sa pagpasok rin po ng buwang ito, inumpisahan nang ipamahagi ang mga bagong unit ng 9mm Glock 17 pistols sa ating mga pulis. Simula pa lang po ito; kasado na rin ang pamamahagi ng kabuuang 74,879 na baril sa ating mga alagad ng batas, tungo sa katuparan ng mithiin nating one-is-to-one police-to-pistol ratio.

Sulit na sulit naman po ang pamumuhunan nating ito sa pambansang kapulisan, lalo pa’t nagbubunsod ito sa maayos at maaasahang serbisyo. Di po ba’t tuwing eleksyon, nasanay na tayo sa kaliwa’t kanang insidente ng karahasan? Tinugunan po natin ito tulad ng Oplan Katok. Ang pakay ng programa: hanapin ang mga baril na paso na ang lisensya, at tiyakin na ang mga baril na mayroon namang lisensya ay hawak pa rin ng otorisadong mamamayan. Para gawin ito, 491,929 na pintuan ang kinatok ng ating mga pulis para sa renewal ng mga lisensya. Nakatulong po ito upang maging mas epektibo ang kampanya natin para sa Secure and Fair Elections, kung saan ang 112 private armed groups noong eleksyon ng 2010 ay napababa na lang sa 41. Katumbas po ito ng 63 percent na pagbaba.  Mula rin sa 189 na insidente ng karahasan noong eleksyon ng 2010, 77 na insidente lamang ang kompirmadong naganap nitong huling halalan.

Gawin po nating halimbawa ang ARMM. Ang sabi nga po ni Governor Mujiv Hataman, sa tanang-buhay niya, hindi siya makaalala ng pagkakataon kung kailan walang failure of elections sa Lanao del Sur. Alalahanin po natin, ito ang unang beses na magkasabay ang pambansa at rehiyonal na halalan sa ARMM. Ang ibig pong sabihin, noon ay nakatutok ang buong pwersa ng estado sa iisang rehiyon, pero may failure of elections pa rin. Ngayong 2013, dahil buong bansa ang kinailangang tutukan, at lumawak ang kanilang responsibilidad, may mga nag-akalang lulubha pa ang situwasyon sa halalan ng ARMM. Pero kita naman po ang laki ng ikinaganda nito: Naging malinis at tapat ang halalan sa ARMM; natuloy ang bilangan, natuloy ang proklamasyon ng mga may bagong mandato mula sa taumbayan. Dahil sa sipag ng ating mga pulis at kawal, at gayundin sa pakikiisa ng sambayanan, talaga naman pong ang eleksyon 2013 ay naging mas payapa at tahimik.

Gayumpaman, may mga insidenteng nagmamantsa pa rin sa dangal ng ating kapulisan. Nabalitaan na naman siguro natin ang nangyari sa mga miyembro ng Ozamiz Gang na sina Ricky Cadavero at Wilfredo Panogalinga: nahuli na, pero napatay pa. Tulad ng ginawa nating imbestigasyon sa nangyari sa Atimonan, sisiguruhin nating mananagot ang sinumang pulis o kung sino mang sangkot dito—gaano man kataas ang kanilang ranggo. Kung sino man ang mga pasimuno dito: maghanda lang kayo. Malapit ko na kayong makilalang lahat.

Sa kabila ng ganitong mga kuwento, buhay na buhay po ang aking pag-asa sa hanay ng kapulisan. Hindi sila nagkukulang sa mabubuting halimbawa tulad ni PO3 Edlyn Arbo, na buong tapang na hinarap at tinugis ang isang holdaper sa nasakyan niyang jeep, off-duty man at walang dalang baril. Nariyan po siya at sinagupa yung holdaper na nagkamaling siya ang pag-tripan. Nariyan din po si PO3 Felipe Moncatar na umani ng samu’t saring papuri dahil sa haba ng listahan  ng mga kriminal na kanyang nahuli at ang balita ko ay may nahuli ka na namang batikang carnaper sa Bacolod. Talagang napakahhusay mo. Ang ilan po dito, sa kanyang mga nahuli kabilang sa mga pinaghahanap most wanted persons sa Bacolod at miyembro ng malalaking sindikato. Baka narinig na rin po ninyo ang kwento ni PO2 Dondon Sultan. May nasiraan ng kotse sa kahabaan ng Quezon Boulevard; tigil naman si Ginoong Sultan para tumulong. Hindi lang po siya nagpalit ng gulong; inihatid pa niya sa kasa ang nasiraan.  Bilang pasasalamat sa kanyang serbisyo, sinubukan kong abutan ng 1,000 piso si PO2 Sultan. Tinanggihan niya ito. Ang kanyang sagot: “Trabaho naming tumulong sa mamamayan.”  Saludo po kami sa mga tulad ninyong lingkod-bayan. Palakpakan po natin sina PO3 Arbo, PO3 Moncatar, at PO2 Sultan. Patunay kayong hindi pa endangered species ang tapat at mahuhusay na pulis. Inatasan ko na sina Kalihim Mar Roxas ng DILG, pati na rin si Kalihim Voltaire Gazmin ng DND, upang siguruhing ang mga katulad ninyo sa ating unipormadong hanay ay makakatanggap ng kaukulang pabuya at karangalan.

Idaragdag ko na rin po ang ating disaster relief workers mula sa maraming sangay ng gobyerno, pati na ang volunteers galing sa pribadong sektor. Alam ko pong hindi madaling lumusong sa baha, magbungkal ng putik, at humarap sa mukha ng pinsala. Hindi po ako magsasawang kilalanin ang inambag ninyo sa lipunan; saludo po ako sa pag-aalay ninyo ng sarili upang bawasan ang pagdurusa ng ating mga kababayan.

Abot-kamay na rin po ang kapayapaan sa rehiyong matagal nang pinupunit ng hidwaan. Nitong Oktubre po ng nakaraang taon, nilagdaan ang Framework Agreement on the Bangsamoro. Katunayan nga po, siyam na araw pa lang ang nakakalipas mula nang lagdaan ang ikalawang annex ng kasunduan. Kumpiyansa po tayong masusundan pa ito ng mas magandang balita sa lalong madaling panahon.

Tiyak kong mulat ang lahat: Hindi biro ang proseso ng pagbubuo ng consensus; mabuti na lamang talaga at handang makinig, magbigayan, at magkita sa gitna ang magkabilang panig. Alam naman natin ang maaaring maging resulta kung magpapadaan tayo sa inip. Ang malinaw po sa akin: Ang mga salitang ating bibitawan ay dapat magbunga ng mga kilos na positibong makakaapekto sa lahat. Ang bawat linya sa binubuo nating kasunduan ay dapat maaaring itaga sa bato, at hindi ililista lamang sa tubig upang anurin na naman ng kasaysayan.  Pinalaki po ako ng aking ama nang may isang salita, kaya’t sinasabi ko sa mga kapatid nating kasapi ng Bangsamoro: Anumang mapagkasunduan natin ay ipatutupad ng pambansang gobyerno.

Kailangan po ng tiwala sa usapan ng kapayapaan. Hindi automatic ang magkaroon ng tiwala, dahil na rin sa haba ng pinagdaanan. At ngayon, talagang dama natin na gustong makipagkasundo ng magkabilang panig, at tayo naman ay nagpapakita na dapat talaga tayong pagkatiwalaan. At sa mga pumipigil sa pagkakaroon ng tiwala at naghahasik ng pagdududa: Masasabi mo bang Pilipino kang may malasakit sa kapwa mong Pilipino?

Umaasa po ako sa pakikiambag ng bawat Pilipino sa layunin natin para sa Bangsamoro. Ipakita po natin sa kanilang hindi sila nagkamali sa pagpili sa direksyon ng kapayapaan; ipamalas natin ang lakas ng buong bansa upang iangat ang mga probinsya sa Muslim Mindanao, na kabilang sa mga pinakamaralita nating mga lalawigan.  Tagumpay ng lahat ang ating hangarin; hindi tayo papayag na may kababayan tayong mapapag-iwanan habang may ibang nakakalamang. Nananawagan ako sa ating Kongreso: Nabuo na po ang Transition Commission na gagawa ng panukalang Bangsamoro Basic Law. Tatapusin ito alinsunod sa mga prinsipyo ng komprehensibong kasunduan para sa kapayapaan; maipasa po sana ninyo ito bago matapos ang 2014.  Sa gayong paraan, may sapat tayong panahon para makapaghanda sa paghalal ng bagong pamahalaang Bangsamoro sa 2016.

Anuman pong pagbabagong tinatamasa natin ngayon ay naabot dahil hindi tayo nakuntentong sumunod lamang sa dinatnang status quo ng pamamahala. Matanong ko nga po: Ilan po ba sa inyo ang nakagamit ng tinatawag na Telepono sa Barangay? Hindi po ako magtataka kung wala. Isipin po ninyo, ayon sa DOTC: mahigit five billion pesos ang ginastos para sa isang programang magdadala ng telepono sa mga kanayunan. Di po ba’t sayang lang ito, dahil sa loob ng maikling panahon matapos ang implementasyon, dahil hindi pa nga po tunay ang implementasyon, dumami nang dumami ang may cellphone na Pilipino? Sino nga ba naman ang papansin sa mahigit 6,000 landline na ipinakabit nila, gayong may 100 milyon nang cellphone sa Pilipinas?

Heto pa po ang isang halimbawa ng pag-iisip sa gobyerno na kinailangan nating baguhin: Bumilitayo tayo ng walong combat utility helicopter, para daw sa mabilisang pagbiyahe ng ating mga sundalo. Ang problema: Sukat ba naman pong naka-mount ang baril sa may pintuan, at kailangang tanggalin kung may dadaan. Kung lalapag ka habang nagbabakbakan, ano ang silbi ng machine gun na nakatabi at hindi mapaputok? Wala bang nakaisip nito bago nagkapirmahan ng kontrata? Bakit naman po pinayagang mangyari ito?

Kailangan pong maging mas mahusay tayong mamimili. Hindi puwedeng palagi tayong nakasalalay sa sales talk ng mga supplier sa pagpili ng mga kagamitan natin. Inatasan natin ang DOST na bumuo ng grupo ng mga ekspertong hindi kayang bolahin ng mga supplier, lalo na po pagdating sa mga big ticket items. Ang patakaran natin: Tamang pagkilala sa ugat ng problema; tamang pag-aaral na tutukoy sa tamang solusyon, na maaabot naman sa pamamagitan ng tamang metodolohiya.

Iyan po ang kaisipang pinagmulan ng ating tugon sa isyu ng mga informal settler sa Kamaynilaan. Kaya nga po, ang layunin nating ilayo sa panganib ang mga nagsisiksikan sa peligrosong bahagi ng lungsod: tinutupad na rin natin. Wala naman po sigurong kokontra kapag sinabi nating hindi tama ang kasalukuyan nilang kondisyon. Ayon po sa Article 2, Section 5, o ang general welfare clause ng ating Saligang Batas: “Dapat sundin ng Estado ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, ang pangangalaga sa buhay, kalayaan at ari-arian, at ang pagtataguyod sa kagalingang panlahat upang matamasa ng buong sambayanan ang mga biyaya ng demokrasya.”

Dito po natin napatunayan: Nakikinig sa katuwiran ang Pilipino; kapag ipinakita mong malasakit ang iyong batayang prinsipyo, handa tayong makiisa. Bago po magbaklas ng mga bubong at magtibag ng mga pader, ipinaliwanag natin ang katuwiran ng ating desisyon: Maayos ang lilipatan, malapit sa sakayan, at kung magsisikap kayo, hindi magkukulang ang inyong pagkakakitaan. Nilinaw din po natin: Layunin nating magbigay-lingap sa mga nasa peligro—hindi sa sindikato. Batid nating sa tuwing inaabuso ng ilan ang pagmamalasakit ng estado, ipinapain rin nila sa alanganin ang buhay at kabuhayan ng napakaraming Pilipino.

Matapos nga pong maibiyahe ang isang pangkat sa relocation site, sila mismo ang nanghikayat sa mga dati nilang kapitbahay: Sumama na kayo. Mas ligtas dito. Ngayong taon po, prayoridad nating ilipat ang mahigit 19,400 pamilyang nagsisiksikan sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa Metro Manila. Sa pagkakapit-bisig ng DILG, NHA, DSWD, MMDA, at DPWH, lumilinaw na po ang sagot sa suliraning ito.

Isa pa pong halimbawa ng transpormasyon sa pamamahala: Di ba’t matagal ding nabinbin sa Kongreso ang mahahalagang batas? Nito pong nakaraang taon, naisabatas na, sa wakas, ang Sin Tax Reform Law at ang Responsible Parenthood Law.  Nagpapasalamat tayo sa mga naging kasangga natin sa pagsusulong nito sa Kamara at Senado. Hindi ninyo inalintana ang mahabang proseso ng debate at konsultasyon; hindi kayo nagpadaig sa mga naghasik ng pagdududa upang harangin ang ating mabuting agenda. Tinitimbang ninyo kung ano ang kapaki-pakinabang sa mas nakakarami, at isinusulong ang tunay na serbisyo para sa Pilipino.

Ilalapit ko na rin po sa ating Kongreso ang ilang batas na makakatulong sa pagpapatuloy ng nasimulan nating pagbabago. Maamyendahan na po sana ang Cabotage Law, upang mas mapalakas ang kumpetisyon, at mapababa ang gastos sa transportasyon  ng ating mga sakahan at industriya. Maisulong na rin po sana ang Fiscal Incentives Rationalization Bill, upang maging mas tapat, malinaw, at may pananagutan ang mga insentibong ibinigay natin sa mga negosyante.  Paglaanan din po sana ng panahon ang Land Administration Reform Bill, upang maitimon sa iisang direksyon ang mga kawanihang nakatutok sa ating mga lupain, at nang sa gayon ay masigurong masinop at epektibo nilang magagawa ang kanilang trabaho.

Bukas na bukas din po, ihahain natin ang panukalang 2.268 trillion pesos na national budget sa Kongreso. Kumpiyansa po ako sa suporta at pakikibalikat ninyo upang mapatibay ang pondong ito na talaga naman pong masusing pinag-isipan. Makakatulong ito hindi lang para ituloy ang agenda ng positibong pagbabago, kundi upang mapaspas pa ang pag-arangkada natin tungo sa malawakang kaunlaran.

May ilan pong nagsasabi na kailangang patibayin ang Sandatahang Lakas. Sang-ayon po ako dito. Pero tila ba ang gusto nila ay ilagak ang bawat sentimo ng kabang bayan para sa fighter jets, tangke de guerra, at iba pang gamit pandigma. Hindi yata nila alam na ang isang fighter jet na nagkakahalaga ng 1.58 bilyong piso, ay katumbas ng 6,580 na bahay para sa mga pulis at sundalo, o halos 2,000 na silid-aralan para sa mga kabataan. At ano naman ang magagawa ng isang pirasong jet? Para maging epektibo, ang kailangan, mga squadron—at ang isa nito ay binubuo ng dalawampu’t apat na fighter jets. Sa halagang 1.58 billion pesos kada piraso, 37.92 billion pesos ang huhugutin sa kabang bayan para makabuo ng isang squadron. Paano naman ang missiles pati na rin ang practice missiles? Hindi rin po libre ang jet fuel, radar system, ground bases, at ground intercept controls. Hindi po talaga biro ang gastos para sa isang minimum credible defense posture; gagayahin pa ba natin ang iba, na handang kalimutan ang lahat para lang makuha ang nuclear option? Wala naman sigurong sasang-ayon dito. Babalansehin po natin ang ating mga pangangailangan. Aasikasuhin natin nang husto ang mga dapat tugunan sa ating lipunan, habang patuloy tayong nagiging mabuti at mahinahong kasapi ng pandaigdigang komunidad.

Alam naman natin dati, ang batayan ng desisyon, puro pulitika. Gagawin ang lahat para kumapit sa kapangyarihan, kapalit ang pagdurusa ng kasalukuyan at susunod na henerasyon ng Pilipino. Tingnan po natin kung ano ang kinahantungan ng pag-ipit sa pagtataas ng pasahe sa LRT at MRT. Ang tinatayang gastos sa bawat biyahe ng pasahero ng LRT, 40 piso. Ang bayad ng pasahero, 15 piso. Ibig sabihin, sagot ng pamahalaan ang natitirang 25 piso. Sa MRT po, 60 piso ang totoong gastos: 15 piso sa pasahero, 45 piso sa gobyerno– sa huli, bawat Pilipino, abunado. Nasa Mindanao ka o Visayas ka man, na ni minsan ay hindi nakatuntong sa LRT o MRT, kasama ka sa pumapasan nito.

Ang masaklap pa nga po: Dahil ipinamigay na ng nakaraang mga pinuno ang commercial development rights natin dito, bawat pisong maaaring makalap mula sa mga poster at billboard na nakapaskil sa stasyon o sa tren man, napupunta sa pribadong kumpanya kaysa sa gobyerno. Ang puwede sanang pagkunan ng pantustos sa maintenance at operasyon, nawala pa.

Siguro naman po, makatuwirang ilapit man lang natin sa ibinabayad sa aircon bus ang pasahe ng LRT at MRT, upang maituon ang subsidiya sa iba pang serbisyong panlipunan.

Nakita naman po ninyo: wala tayong balak magpamana ng problema sa susunod sa atin. Ang totoo nga po, ang mga proyektong dati’y nilulumot lang, ngayon, napapakinabangan na ng mamamayan. Tingnan na lang natin ang Ternate-Nasugbu Road. Kung tutuusin, anim na kilometro lang ang haba ng kalsadang ito na nagkokonekta sa Cavite, Batangas, at Metro Manila, pero ‘yang anim na kilometrong iyan, inabot pa ng halos dalawampung taon bago ito matapos. Binuksan na natin ang isang bahagi nito, at pag nakumpleto ang natitirang slope protection, ganap na ang magiging pakinabang ng kalsada sa mga motorista.

Nariyan din po ang Aluling Bridge sa Ilocos Sur. Taong 1978 pa po inilatag sa papel ang pagpapatayo nito. Siniguro na nating hindi lamang din papel ang mamanahin ng susunod sa atin: Nitong Marso, sa wakas, natapos na ito at sinimulan na rin natin noong nakaraang buwan ang operasyon ng Laguindingan Airport, na isang henerasyon naman ang pagitan mula nang inisip at isakatuparan.

Ilang dekada ring naghintay ang industriya ng semiconductors na magkaroon ng laboratoryong kayang makipagsabayan sa pasilidad ng ibang bansa. Hindi na po natin pinahaba ang kanilang paghihintay. Nitong nakaraang Mayo, sa pangunguna ng DOST, pinasinayaan natin ang Advanced Device and Materials Testing Laboratory. Dati, kailangan pang ipadala ang mga produkto sa ibang bansa para suriin. Hindi natin nasasagad ang kita; hindi rin nasasagad ang potensyal ng industriya na manghikayat ng puhunan. Dahil po sa pasilidad na ito na tinaguriang ADMATEL, ngayon, dito na susuriin ang mga produkto, at masusulit ang mga bentahe ng manggagawang Pilipino sa larangan ng electronics. Inaasahan nga po nating lalo pang lalakas ang industriyang nag-ambag ng halos 44 percent ng ating exports noong 2012.

Sa tulong naman po ng ating Big Man sa Senado na si Manong Frank Drilon,  natapos na ang mahigit limampung taon na paghihintay ng mga Ilonggo; nasimulan na ang Jalaur River Multi-Purpose Project II sa Iloilo. Ano po ba ang mga pakinabang nito?

Tinataya pong 24,000 magsasaka sa kalakhang Iloilo ang mahahatiran nito ng buong-taong irigasyon. Dahil dito, maaaring dumoble ang ani ng mga magsasaka ng palay. Linawin po natin: Ang sakop nitong 31,840 hectares ng lupaing mapapatubigan, may dagdag na aning bigas na 146,013 metric tons. Katumbas po ito ng halos walumpung porsyento ng aangkatin nating buffer stock ng bigas para sa 2013.

Bukod pa po ito sa iba pang benepisyo ng proyekto tulad ng pag-iwas sa malawakang baha sa Iloilo, at ang dagdag na 6.6 megawatts ng hydropower. May ambag din ito sa supply ng tubig para sa ilang bahagi ng probinsya, at sa industriya ng ecotourism doon. Dagdag pa rito, nasa 17,000 trabaho ang malilikha ng proyekto; oras na maging fully operational naman ito, tinatayang 32,000 Pilipino ang mabibiyayaan ng sapat na pagkakakitaan.  Una raw po inisip itong proyektong ito noong 1960. Pareho po kaming isinilang sa mundo.

Mulat din po tayong marami sa ating mga kababayan ang nananabik na makita ang mga bunga ng ating Public Private Partnership projects. Alam din po nating may mga tila naiinip na sa kahihintay para rito.

Isakonteksto po natin. Noong 2010, pag-upo natin sa puwesto, 6.5 percent na lang ng programmable budget ng taon, o 100 billion pesos lamang, ang iniwan sa atin. Ang 93.5 percent po, inilaan na sa kung saan-saan ng ating sinundan. Kaya naman, lumapit tayo sa pribadong sektor. Ang sabi natin: kulang kami sa pondo, halina’t mag-ambagan tayo upang maipatayo ang mga kinakailangang imprastruktura.

May balakid din po tayong kinaharap nang magsimula ang PPP. Luma na ang mga pag-aaral na basehan ng mga proyekto; kulang sa kaalaman ang burukrasya para ipatupad ito. Idagdag pa natin ang publikong nagsawa nang magtiwala sa mga kontratang pinapasok ng gobyerno.

Gayumpaman, sa anuman pong situwasyon, ang ating prinsipyo: Gagawin na lang din natin, gawin na natin nang tama. Wala tayong balak na pumasok sa kuwestiyonableng kontrata ngayon, para lang ipamana ang problema sa susunod na administrasyon. Kailangang dumaan sa tamang proseso ang bawat proyekto, para masigurong ang perang inyong pinaghihirapan ay napupunta sa dapat nitong kalagyan.

Ngayon pa lang, nakikita na natin ang epekto ng maayos, tapat, at hayag na paglalatag sa PPP projects. Dati, may isang paliparan lang na maipagawa, napakalaki nang balita. Ikumpara po natin ngayon: bukod sa pinapakinabangan na ang paliparan sa Laguindingan, sabay-sabay din ang proseso ng pagsasaayos at modernisasyon ng Tacloban Airport, Bicol International Airport, New Bohol Airport, Mactan Airport, at Puerto Princesa Airport. Ang Daang Hari-SLEX link road ang pinakamabilis na PPP project na nai-award sa alinmang administrasyon, nang walang shortcut na dinaanan ang proseso.   Ang mga ito, at ang napakarami pang ibang ipinapatayo at ipapatayong imprastruktura, ay manganganak ng isang lipunang hitik sa oportunidad.

Mahaba po ang listahan ng mga suliraning minana, at tinutugunan na natin. Halimbawa: Ang madalas na pag-brownout sa Mindanao. Mula’t sapul pa lang, naglalatag na tayo ng solusyon para dito, ngunit batid nating ang problemang isang dekadang binalewala ay hindi masosolusyonan sa isang tulog lang. Sa ngayon, patuloy ang paggawa natin ng mga hakbang upang tugunan ang mga kakulangan at agarang pangangailangan. Nariyan po ang pagtulong natin sa electric cooperatives upang makapagpasok sila ng generator sets ng magpapabawas sa brownout. Magtutuloy-tuloy ito hanggang makumpleto na ang mga plantang magsu-supply ng kuryente sa rehiyon.

Pero hindi po talaga mauubos ang mga kontra. Kesyo tataas daw ang presyo ng kuryente kapag may gensets dahil diesel ang ginagamit. May hydropower ngayon dahil tag-ulan, kaya umuugong na naman ang reklamo laban sa mga genset. Pero pagpasok ng tag-init, tiyak, marami na naman pong magrereklamo sa walong oras na brownout.

Sa ibang bahagi naman po ng Pilipinas, gusto nating magtayo ng mga planta. Habang umuunlad kasi ang ekonomiya, tumataas din ang konsumo natin ng kuryente, at kailangang dagdagan ang supply nito. Gusto ba nating kapag sinagad na ang mga pagkukunan, saka lang tayo gagawa ng planta? Ang pagawa po niyan dalawa hanggang tatlong taon bawat planta. Hindi po kabuteng basta na lang susulpot ang mga ito.

Kung maganda ang mungkahi, handa naman po tayong makinig, pero sana naman ay makuha ng mga miron ang kabuuang konteksto ng situwasyon. Halimbawa po ang planta sa Redondo, Zambales. Pina-TRO dahil mas maganda raw ang renewable. Sinabi rin po ba nilang mas mahal itong ipatayo, at mas mahal din ang magiging presyo ng enerhiya? Sinabi po kaya nilang hindi nito kayang tugunan ang baseload, o ang kapasidad na kailangang laging nariyan para hindi mag-brownout? Magtatayo ka ng wind; paano kung walang hangin? Kung solar, paano kung makulimlim? Lilinawin ko lang po: Naniniwala rin ako sa renewable energy at suportado natin ito, pero dapat ding may mga baseload plant na sisigurong tuloy-tuloy ang daloy ng kuryente sa ating mga tahanan at industriya.  Mag-iingay pa rin po kaya ang mga kumokontra, kung busy na sila sa kapapaypay dahil nag-brownout na?  Ang sa akin lang po: makiambag sana tayo sa paghahanap ng solusyon.

Tutal din po, nagtatapatan tayo: Pag-usapan naman natin ang pagsasaayos ng NAIA 3. Masalimuot po ang usapang ito. Dumaan na ito sa dalawang arbitration; naipanalo na sana natin pareho, pero binaliktad ang desisyon ng isa dahil sa technicality. Kaya nga po ngayon, pinaghahandaan ang muling pagdinig nito. Dagdag na komplikasyon po ang isyu ng warranty sa pagpapatapos ng NAIA 3—hindi naman puwedeng ‘pag may umusbong na depekto, pasensyahan na lang, dagdag-gastos pa. Kaya nga po nang ipinaliwanag sa atin na bibigyan tayo ng maayos na warranty ng orihinal na contractor, pumayag tayo. Pero gusto nating manigurado; gusto nating kumpletuhin nang tama at buo ang proseso, at Hihingin ko po ang inyong pag-unawa ukol sa isyung ito.

Malinaw na po ngayon: Iisa ang tuon ng bawat metro kuwadrado ng sementong ibinubuhos natin bilang pundasyon ng mas maunlad na bansa: Pakinabang sa bawat isa—hindi politika. Kung dati, gumagawa ng kalsada kung saan lang kursunada, at nagpapatayo ng tulay kung saan kaibigan ni Madam si Mayor, ngayon, sumusunod na tayo sa isang pambansang plano. Walang paborito, walang transaksyunalismo, walang padrino; bawat piso, nakatuon sa ating pagpaspas tungo sa malawakang pag-unlad.

Ang maaasahan po natin sa mga susunod na taon: mga paliparan at daungang lalapagan ng kalakal at turista; mga kalsadang sisigurong husto ang pakinabang ng lahat sa malalaking proyektong ito; mga power plant na pagmumulan ng sapat na kuryente at magpapatakbo sa mga industriya. Ito ang magsisilbing balangkas na magsasanga ng iba pang inisyatibang dadaluyan ng oportunidad para kay Juan at Juana dela Cruz—mula sa mga magsasakang may sapat nang patubig at mabilis nang naibebenta ang ani, hanggang sa mga construction worker na nagtitindig ng mga bagong gusali; mula sa patuloy na pag-usbong ng mga call center, hanggang sa pagdami ng mga negosyanteng handang magpasok ng kapital sa bansa. Nagsulong tayo ng mga tamang proyekto sa tamang halaga; ginawa natin ito nang may tamang kalidad; at natapos o matatapos ito sa tamang panahon, dahil tama at karapat-dapat ang mga taong nagpapatupad nito.

Pag-usapan po natin ang trapiko: di po ba’t tinatayang 2.4 billion pesos ang nawawala sa ating ekonomiya kada araw, dahil sa buhol-buhol na trapik sa Kamaynilaan? Kabilang sa mga proyekto nating pihadong magpapaluwag dito ay ang Integrated Transport System. Ang mga bus na nagsisiksik sa mga kalsadang punung-puno na nga, ginagawan natin ng terminal sa mga lugar na hindi kasing-sikip. Napapakinabangan na nga po ang terminal sa Parañaque, at nakapila na rin ang sa Quezon City at Muntinlupa. Ang pang probinsyang bus ay hanggang dito nalang sa mga terminal na ito ng wala nang makipagsiksikan sa EDSA.

At nariyan din po ang dalawang connector road na magdurugtong sa North at South Luzon Expressway. Ang totoo nga po, dekada sitenta pa lang, plano nang ipatayo ang tinawag nilang Metro Manila Highway. Ito sana ang magkokonekta sa dalawang expressway, upang hindi na kailangang bunuin ang ilang oras na biyaheng babagtas pa sa kahabaan ng EDSA. Ang problema po: Nag-atas si Ginoong Marcos ng mga batas na pabor sa kanyang crony. Nakatali tayo sa pagsunod sa mga batas na ito: Sino mang magpatayo ng imprastruktura sa lugar na iyon, dapat kasosyo ang korporasyon ng kanyang kaibigan. Masaklap po: nae-extend ng 30 taon ang kanilang prangkisa sa tuwing magkakabit sila ng kahit isang dipa lang ng kalsada sa orihinal. Dagdagan pa po natin: nang kumita ang kumpanya, hindi nakumpleto ang pagpapalawig o pagpapaunlad sa mga imprastraktura’t daan. Tandaan po niyo na dapat umabot sa Carmen, Rosales sa Pangasinan at Lucena sa Quezon ang mga kalsadang nabanggit at yung Metro Manila Highway o Expressway, hanggang ngayon wala pa.  Nang nalugi naman, nakuha pang ipasa sa gobyerno ang utang. Ilalapit ko na po ito sa ating Kongreso: silipin po nating muli ang Presidential Decrees 1113 at 1894.

Sa kabila nito, tuloy po ang mga proyekto natin. Mayroon tayong walong kilometrong 4-lane elevated expressway na kokonekta sa C3 Road sa Caloocan patawid ng España, hanggang sa PUP sa Sta. Mesa. Mayroon ding mahigit labing-apat na kilometrong 6-lane elevated tollway na babagtas mula Balintawak, hanggang Buendia, sa Makati. Ang Common Alignment naman po ng dalawang kalsadang ito, lima’t kalahating kilometrong 6-lane elevated expressway mula PUP sa Sta. Mesa, patawid sa kalagitnaan ng Osmeña at Quirino Avenue, hanggang Buendia sa Makati. Oras na mabuksan ang kalsada, ang biyaheng SLEX hanggang NLEX na dati’y inaabot ng dalawang oras, kaya nang takbuhin ng labinlimang minuto. Ang Clark naman hanggang Calamba na pumapalo noon sa tatlong oras, halos mangangalahati at magiging isang oras at apatnapung minuto.  Kada araw, tinatayang limampu’t limang libong motorista ang makikinabang sa mga ito. Tipid sa oras, tipid sa gas, menos sa polusyon, lalago pa ang komersiyo’t turismo. Talaga namang win-win situation, di po ba?

Sa loob nga po ng tatlong taon, pinatunayan nating ang mga ahensyang dati’y pugad ng kurapsyon ay maaaring maging ehemplo ng tapat at epektibong paglilingkod. Ilan po sa mga simple ngunit epektibong pagbabagong isinagawa ni Secretary Singson sa DPWH: Wala nang letter of intent, na ginagamit ng mga bidder para magkuntsabahan; pinasimple ang proseso ng bidding, kaya mas marami nang nagkukumpitensya para sa proyekto, at mas sulit na ang presyong nakukuha ng gobyerno. Nasa oras na ring magbayad ang gobyerno, kaya mas naeengganyo ang mahuhusay na contractor na makiambag sa pagtatayo ng pambansang imprastruktura. Dahil sa tapat na pamamahala, 18.4 billion pesos na ang natitipid ng DPWH, na inilalaan para sa iba pang makabuluhang proyekto.

Bilang halimbawa ng resulta ng mabuting pamamahala, tingnan natin ang Tagumbao Bridge sa Gerona, Tarlac. Sa totoo lang, congressman pa lang po ako, iminungkahi ko na ito. May mga nasasakupan kasi tayong kailangan pang umikot ng dalawang bayan para tawirin ang umaapaw na ilog tuwing tag-ulan. Sabi ko nga po sa mga dating administrasyon: Sa inyo na ang buong PDAF ko, magawa lang ito. Kung puwede sana installment plan. Pero wala pong nangyari. Lumawak lang ang idurugtong ng tulay dahil sa nababakbak na pampang.

Kasalukuyan na po nating ginagawa ang Tagumbao Bridge. At heto po ang kuwento ngayong tayo na ang nagpapatupad nito: Nasa 334 million pesos ang aprubadong pondo; pero dahil sa tamang pangangasiwa’t tapat na paggugol, naibaba ito sa 226 million pesos.  Suma-tutal, nakatipid tayo ng mahigit 108 million pesos nang hindi isinasakripisyo ang kalidad ng ipinapagawang tulay. At lalong maganda pa nga po, ang natipid na pondong ito ay magagamit sa pagpapagawa ng dike at river training works para sa Phase II ng proyekto.

Dumako naman po tayo sa turismo. Ayon sa banyagang pahayagang Oriental Morning Post, the “Best Tourist Destination of 2012” tayo.  Na-inlove ang Shanghai Morning Post sa ating bansa, nang binansagan nila tayong “Most Romantic Destination of 2012.” Hopefully they will love us more. Sabi naman ng Scuba Diving Magazine, “Best Diving Destination” ang Pilipinas.  “Best Island” naman daw ang Palawan, kung tatanungin ang Travel + Leisure Magazine. Kulang na nga lang po ay tawagin na tayong paraiso.

Hindi na po nakakapagtakang sa mauugong na papuring tulad nito, naitala natin noong 2012 ang 4.3 million tourist arrivals sa ating bansa—isang panibagong record high. 21.4 percent na po ang inilalago ng numerong ito mula nang pumasok tayo noong 2010, kung kailan nasa tinatayang 3.1 million na turista pa lang ang bumibisita sa atin. Pagdating naman sa ating domestic travelers, ang target natin dati para sa taong 2016 ay 35.5 million tourists. Pero nitong 2011 pa lamang po, nalampasan na natin ito sa 37.5 million domestic tourists.  Ngayon, sa momentum nating ito, tiwala tayong maaabot ang bagong target na 56.1 million bago matapos ang 2016.

Ang mas malakas na sektor ng turismo, manganganak ng mas maraming trabaho. Tinataya ng DOT na nakapag-ambag ang turismo ng 3.8 million na trabaho noong 2011. Ang totoo nga po, hindi lang mga lugar na may magagandang tanawin ang nakikinabang sa pagdayo ng turista, kundi pati ang mga karatig-bayang maituturing na tourism support communities: Ang mga lugar na pinanggagalingan ng pagkaing inihahanda sa mga resort, ng mga souvenir na ibinebenta, at ng iba pang mga produkto’t serbisyong nagsisilbing bukal ng kaunlaran para sa ga lalawigan.

Malamang, narinig na rin po ninyo ang mga good news na lumapag kamakailan sa bansa. Noong Marso, inalis po ng International Civil Aviation Organization ang significant safety concerns na ipinataw sa Pilipinas. Bunga po ito ng mga reporma sa aviation industry upang siguruhing pasok sa pandaigdigang pamantayan ang aviation safety sa Pilipinas.  Dahil po dito, sa wakas, noon lamang ika-10 ng Hulyo, muli nang pinahintulutan ng European Union ang direktang paglipad ng ating flag carrier sa Europa.

Isipin po ninyo, paano kaya kung dati pa inayos at pinalakas ang ating aviation industry? Di po ba’t sayang ang pagbisita ng mga turistang nawalan ng ganang dumalaw sa Pilipinas dahil dito? Naglahong trabaho, pondo, at oportunidad—ito ang resulta ng lumang sistema ng pamamahala.

Kaya naman, simula’t sapul, nilabanan na natin ang katiwalian sa lahat ng antas ng pamahalaan at isinulong ang transpormasyon sa ating mga institusyon. Ang resulta: tunay na serbisyong pampubliko.

Tingnan na lang po natin ang lalim ng transpormasyong nangyari sa mga GOCC. Ang dating mga kumpanya ng bayang inaambagan mo pa dahil sa pagkalugi, naghahatid na ng dibidendo ngayon. Gamitin po nating halimbawa ang Philippine Reclamation Authority. Sa loob ng labintatlong taon bago tayo dumating, ang suma-total ng dibidendo ng PRA: 676.82 million pesos. Sa tuwid na daan, para sa 2012 lamang, ang dibidendo nila: isang bilyong piso. Napakalaking transpormasyon, di po ba?

Mabuting halimbawa rin ang Local Water Utilities Administration. Noong 2011, ang recorded net loss ng naturang GOCC: 950 million pesos. Pero dahil sa maayos na pangangasiwa, di lang nila nagawang balansehin ang kanilang mga libro; ayon sa kanilang report, umabot ang kanilang kabuuang kita sa 870 million pesos noong 2012.  Dahil dito, nagawa nilang makapag-remit ng 365 million pesos sa pamahalaan para sa taong iyon.

Isa pa pong halimbawa: Sa una kong SONA, isiniwalat natin ang kuwestyunableng kalakaran sa MWSS: patung-patong na bonus at allowance ang ibinigay sa sarili, sa kabila ng kapalpakan nilang tugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan. Ang ahensya na nga po ang nag-ulat: Umabot sa 34 million pesos ang pagkalugi ng MWSS noong 2010. Hindi ito katanggap-tanggap. Kaya noong 2011, pinirmahan natin ang GOCC Governance Act, na nagsisilbing saligan ng katapatan, kredibilidad, at pananagutan sa pamamalakad ng ating mga GOCC. Ang ibinunga nito: Noong 2011, 333 million pesos ang kinita ng MWSS mula sa pagkalugi ng 34 million pesos.  Noong 2012 naman po, ang kinita nila: Halos 2 bilyong piso. Kakambal nito, lumago rin ang kanilang dibidendo:  mula sa 150 million pesos noong 2011, umakyat ito sa 345 million pesos para sa 2012. Nakakalungkot nga po, na kung ano ang lalim ng pagbabagong itinanim ng mga pinuno ng MWSS, iyon din naman ang dumi ng putik na ibinabato sa kanila ng mga gusto pa ring kumapit sa lumang sistema.

Kaakibat ng pagtaas ng kumpiyansa sa ating mabuting pamamahala, ang patuloy na pag-angat ng ating ekonomiya. Ang resulta: Dalawang magkasunod na ten-place jump sa Global Competitiveness Index ng World Economic Forum. Sa unang pagkakataon, nakuha natin ang investment grade status mula sa dalawa sa tatlong pinakatanyag na credit ratings agencies sa mundo, at hindi malayong sumunod ang ikatlo.  Napanatili ang stabilidad ng presyo ng mga bilihin, at patuloy din ang pagbaba ng bahagi sa ating budget na pambayad-utang, at ang paglaki naman ng pondong nailalaan sa mga serbisyong panlipunan. Sa panahong matamlay ang pandaigdigang ekonomiya, nagpamalas tayo ng kahanga-hangang 6.8 percent GDP growth noong 2012. Nahigitan pa natin itong first quarter ng 2013, kung kailan naitala ang paglagong 7.8 percent—pinakamataas na recorded GDP sa Timog-Silangan, [applause] pati na sa Silangang Asya. Special mention po dapat ang 28.5 percent na ambag ng manufacturing sa inilaki ng ating ekonomiya. Inaasahan po nating aarangkada pa ang manufacturing sa mga darating na panahon.

Tinagurian na po tayo ngayon bilang “rising tiger,” ayon sa World Bank; “brightest spark,” ayon sa pahayag ng Institute of Chartered Accountants in England and Wales, at iba pang mga bansag na tumutukoy sa transpormasyong nangyayari sa ating bansa. Mula sa matuwid na paggugol ng pondo, hanggang sa epektibong koleksyon ng buwis; mula sa pagpapaunlad ng imprastruktura hanggang sa maaliwalas nang pagnenegosyo na lumilikha ng trabaho, talaga namang malinaw ang pahayag natin sa mundo: kaya nang makipagsabayan ng Pilipinas sa agos ng kaunlaran.

Hindi lang po sa ekonomiya o stadistika nakikita ang transpormasyon ng ating lipunan. Ngayon, alam na ng Pilipino: Mayaman ka man o mahirap, may kakilala sa poder o wala, kapag gumawa ka ng mali, mananagot ka. Tunay nang nakapiring ang katarungan. Hindi mababali ang atas ng ating mga Boss: Panagutin ang tiwali, at itama ang mali sa sistemang kaytagal nagpahirap sa ating bayan.

Pinapanagot na po natin ang dating namumuno ng TESDA dahil sangkot siya sa katakut-takot na tongpats sa ahensya. Halimbawa: Ang isang incubator jar, nagkakahalaga ng 149 pesos. Pero kay Ginoong Syjuco ayon sa mga datos 15,375 pesos. Ang normal na presyo ng dough cutter, 120 pesos. Ang presyo kay Ginoong Syjuco: 48,507 pesos. Linawin po natin, dough cutter ito, at hindi Hamilton Class Cutter. Baka nga po kapag hinarap na niya ang kasong isinampa ng Ombudsman, matuto nang magbilang itong si Ginoong Syjuco.

Nakahabla po ang dating mga opisyal ng PAGCOR na naglustay ng 26.7 million pesos para lamang gumawa ng pelikula; nagsunog ng 186 million pesos para sa isang partylist; at nagawa pang gamitin na pampapogi sa kampanya ang rice donations na nakalaan sana para sa mga biktima ng kalamidad.

Hinaharap na rin po ng mga dating pinuno ng PNP ang paratang ukol sa 131.6 million pesos na nawaldas para sa 75 depektibong rubber boat, at 104.99 million pesos para sa maanumalyang pagbili ng mga segunda-manong helicopter mula 2009 hanggang 2010. Mas mainam nga po kung masagot nila nang tama ang mga tanong ukol dito, nang matukoy natin kung may iba pang dapat managot.

Sa usaping Cadavero, PDAF, MRT 3, at iba pa: Dahil hindi alam ng ilang kritiko ang ginagawa namin, palagay nila wala kaming ginagawa sa mga isyung ito. Kung wala pang tangan na datos ang gobyerno at ipagsigawan naming, “Iimbestigahan namin kayo,” di ba’t para na rin naming sinabi sa mga kakasuhan na, “Paki tago naman po ng mahusay ang lahat ng ebidensya?” Kaya: tutungo tayo kung saan tayo ituturo ng katotohanan; ebidensya ang magdidikta sa ating mga hakbang.

Nang inihayag nating “walang wangwang,” hindi lang natin binaklas ang mga sirena ng mga naghahari-harian sa kalsada; binungkal din natin ang kultura ng katiwalian na noo’y tila nakaugat na sa mga pampublikong institusyon.

Pero magtapatan po tayo: Hanggang ngayon, may ilan pa ring ahensya ng gobyerno na ayaw yata talagang tumino. Nakakadismaya po ang lalim at ang pagsanga-sanga ng kanilang mga galamay sa ating burukrasya; malingat lang tayo, pihadong may aabusuhin at bibiktimahin na naman sila. Magpangalan na po tayo: sa Bureau of Immigration, paulit-ulit nating pinagsabihang ayusin ang pagbabantay sa ating mga daungan at paliparan. Pero paanong nakalabas ng bansa ang magkapatid na Joel at Mario Reyes, ang mga pangunahing suspek sa pagpaslang kay Gerry Ortega? Bakit nangyari pa rin na kitang-kita sa mismong CCTV ang pagtakas ng Koreano na si Park Sungjun? Wanted po siya sa Korea, at nanghingi ng tulong ang kanyang gobyerno upang hulihin siya. Anong mukha naman po ang ihaharap natin gayong mismong mga kawani ng ating gobyerno ang naghatid sa kanya at hinayaan siyang makatakas?

Nakakatuyo din po ng pasensya ang kultura ng “pwede na” sa National Irrigation Administration. Imbes na maglatag ng plano para sa mga bagong patubig, kuntento na sila sa paulit-ulit na rehabilitasyon ng mga irigasyon. Masabi lang na may nagawa, kahit puro patsi-patsing trabaho, masaya na sila. Noon nga pong kanilang anibersaryo, itinanong ko kung bakit nasa 60 percent na naman ang kanilang target ang naabot noong 2012, kung umabot na sila sa 87 percent noong 2011. Kinabukasan, nagkita kami ng kanilang pinuno sa NEDA Board meeting. Ang sabi niya sakin, Sir, ang dahilan kaya 60 percent lang, 40 percent daw po kasi ng target nila ay nasa Mindanao, bagyong Pablo ang dumating at tinamaan kaya na-delay sila ng 40 percent. Kailan po ba tumama ang Pablo? Noong unang linggo ng Disyembre. Ibig sabihin, binalak niyang tapusin ang 40 percent ng kanyang trabaho para sa taon, sa loob lamang ng tatlong linggo. Hindi po natin kailangan ng ganitong uri ng pamamahala sa loob ng burukrasya.

Para namang nakikipagtagisan sa kapalpakan itong Bureau of Customs. Imbes na maningil ng tamang buwis at pigilan ang kontrabando, parang walang pakundangan ang pagpapalusot nila ng kalakal, pati na ng ilegal na droga, armas, at iba pa sa ating teritoryo. Tinataya nga po ng Department of Finance na mahigit 200 billion pesos ang kita na dumudulas lang at hindi napupunta sa kaban ng bayan. Saan po kayo kumukuha ng kapal ng mukha ang mga kawani sa ahensyang ito? Marami pong gabi bago ako matulog, kulang na lang ay sabihin nilang, “Wala akong pakialam kung mapunta sa masasamang loob ang armas; wala akong pakialam kung ilang buhay ang masira ng droga; wala akong pakialam kung habambuhay na matigang ang mga sakahan. Ang mahalaga, yumaman ako; bahala ka sa buhay mo.” Hindi maaaring ganito ang kalakaran sa pamahalaan. Kung hindi mo nagagawa ang iyong trabaho, hindi ka karapat-dapat na manatili sa pwesto.

Kung matino kang kawani ng Bureau of Immigration, ng National Irrigation Administration, ng Customs, o ng kahit ano pang ahensya ng gobyerno, sana makiambag ka pa lalo. Hindi sapat na yumuko sa loob ng cubicle; bahagi ng trabaho mo ay ang pagpigil sa mali. Nasa tama kayo, kaya’t huwag po kayong magtago; padaliin ninyo ang pagnanais kong mahanap kayo; paaangatin ko kayo nang paaangatin upang ibandila ang inyong mabuting ehemplo, at mabago na ang maling kultura sa inyong mga naturang  ahensya.

Para naman po sa mga kawaning walang balak tumalikod sa kulturang wangwang: Tapos na ang pakikiusap. Nagkaroon kayo ng tatlong taon para ipakitang handa kayong umayos; ngayon, hahanapin, kung hindi pa kayo nahahanap, pero ‘yung ‘di talaga mahahanap, lalahatin na po natin kayong lahat; ngayon, pasensyahan tayo.

Isabay na rin po natin sa pagbabago ang mga tiwaling Civil Service. Panahon pa lang po ng nanay ko, narinig ko na ang hirit na, “Ano ngayon kung utos ng Malacañang? Anim na taon lang kayo diyan.” Kailangan pong itama ang ganitong klaseng pag-iisip. Nananawagan po ako sa Kongreso: suriin natin ang ating Civil Service Code at PD 1,  upang maisaayos ito sa lalong madaling panahon. Suportado ko ang pagbuo ng mekanismong magbabalik sa dangal ng serbisyo-publiko; na tanging mga tapat, mahuhusay at may prinsipyong mga lingkod-bayan lamang ang maaaring makapasok at manatili sa gobyerno.

Ngayon naman po, hayaan natin ang ating mga kababayang magpahayag ng transpormasyong nangyayari sa lipunan:

[VIDEO BREAK]

Ni minsan, hindi naman nagkulang ang bansa natin ng mga taong handang manindigan at lumaban, kahit gaano pa kalaki ang mga pagsubok sa kaniyang harapan. Nariyan ang tapang na ipinamalas ni Commodore Ramon Alcaraz noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lulan ng isang Q-Boat na yari sa kahoy, sinagupa niya ang siyam na Zero fighter ng hapon, na itinuturing noon na isa sa pinakamodernong eroplano; tatlo nito ang napabagsak niya. Ang totoo nga po, tuluy-tuloy pa rin siyang lalaban, kung hindi pa ang sarili niyang mga pinuno ang nag-atas sa kanyang sumuko. Ang kagitingang ito ang araw-araw ding ipinapamalas ng mga sundalo nating nagtatanod sa mga pinakaliblib na kabundukan, at sa pinakamalalayo nating isla; mga kawal na tinitiis ang layo sa pamilya, at taas-noong naninindigan sa sinumang sumusubok sa ating soberanya. Hindi rin po kalabisang isiping ang mga tagumpay natin sa tuwid na daan ay maaaring pangarap pa rin hanggang ngayon kung wala ang mga miyembro naman ng ating Gabinete. Nang inalok ko silang maging bahagi ng ating pamahalaan, alam nilang hindi magiging madali ang kanilang trabaho. Subalit maituturing na biyaya na tinanggap nila ang hamon, nanumpa silang tutulong sa transpormasyon, at simula’t sapul, araw-araw silang nagsasakripisyo upang hindi masayang ang pribilehiyong paglingkuran kayo.

May mga katulad ni Kalihim Albert del Rosario. Kung ibabase sa tradisyon, ang unang opisyal na biyahe sa labas ng Pilipinas ng isang kalihim ay sa mga bansang may matibay at mapayapa tayong ugnayan. Ngunit pagkatapos niyang manumpa bilang Foreign Affairs Secretary, kumuha lang yata ng pambihis, lumipad agad si Secretary del Rosario patungong Libya; dumaan sa mahigit dalawampung checkpoint sa gitna ng putukan, at pinamunuan ang paglikas ng mahigit dalawampung libong Pilipino na naipit sa kaguluhan sa Libya.  Baka po magulat kayo pag narinig ninyo kung taga-saang bansa ang mga banyagang nakiangkas pa sa ating paglilikas. Iba na nga po ang Pilipinas ngayon: Imbes na tayo lang ang parating tinutulungan, ngayon, kaya na rin nating tumulong sa mga dayuhan. Kung tutuusin, maaari namang tanggihan ni Secretary Albert ang pagtatrabaho sa gobyerno. Isa siyang respetado’t matagumpay na negosyante, at tiyak na mas magiging komportable siya sa pribadong buhay. Dati na rin po nating siyang nakiambag bilang ambassador sa Amerika. Puwede naman siyang nadismaya nang pababain siya sa puwesto, dahil tinutulan niya ang pagdeklara ng State of Emergency ng nakaraang administrasyon noong 2006. Pero tinawag po natin siya para bumalik, at tumugon siya. Ngayon po, nagbibigay siya ng mas malaki pang ambag bilang kalihim. Handa niyang ilagay ang sarili sa panganib, dahil alam niyang walang ibang sasaklolo sa Pilipino kundi ang kapwa rin Pilipino. Sa patuloy mong paninindigan para sa ating karapatan, saludo po ako sa inyo, Secretary Albert del Rosario.

Transpormasyon din po ang dulot ng inspirasyong hatid ng matitinong lingkod-bayan. Nagluksa ang milyun-milyong Pilipino sa pagpanaw ni Jesse Robredo. Sa loob ng halos dalawang dekada, namuno siya nang may husay, malasakit, at pagpapakumbaba sa Naga. Ang mga prinsipyong ito nga mismo ang dahilan kung bakit hiniram natin siya mula kay Congresswoman Leni, at sa tatlo nilang mga anak, at sa mga Nagueño, upang maging bahagi ng ating Gabinete. Kaya nga po, matapos ang trahedya, isa na siguro sa pinakamahirap na tungkuling ginampanan ko ang paghahatid ng balita kina Leni at kanilang mga anak.

Bukod sa pagluluksa, hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko dahil sa sinapit ni Jesse. Baka kung hindi ko siya hinikayat mapabilang sa Gabinete, buhay pa siya ngayon. Baka kung nanatili na lamang siya sa Naga, kapiling pa natin siya. Baka may isa pa ring Jesse Robredo na naglilingkod ngayon.

Subalit sa isang banda, alam kong hindi hahayaan ni Jesse na tumigil sa kanya ang pagbabago at pagtutuwid ng lipunan. Nabigyan lamang ako, at nabigyan din lamang si Jesse, ng pagkakataong maglingkod sa bansa dahil sa inyo. Hindi nag-iisa ang mukha ng pagbabago. Hindi na aabutin pa ng isandaang taon bago isilang ang susunod na mabuting tao, bago tumindig ang susunod na mabuting Pilipino.

May mga nagtatanong nga po lagi sa akin: Paano na sa 2016? Paano pag bumaba ka na? Tapos na rin ba ang tapat na pamamahala? Tapos na ba ang tuwid na daan?

Mga Boss, isipin nga po natin: Saan ba tayo nagmula? Kung may agam-agam kayo ngayon, ano ba naman ito kumpara sa agam-agam natin noong 2010? Di ba’t masaya na tayo noon na tapos na ang panahon ng kadiliman? Di ba’t noon, sapat nang mapalitan ang mga nasa kapangyarihan?

Ngayon, tinatamasa na natin ang pagbabago. Mula ito sa mga butil ng malasakit, ng pakikipagkapwa, ng pagkakawang-gawa; nanggaling ito sa milyun-milyong Pilipinong kahit sa pinakapayak na paraan, ay nagkusang makiambag sa transpormasyon ng bansa.

Sa pag-aambagang ito, tingnan ninyo ang ating narating: May nakaisip bang magiging abot-kamay na ang kapayapaan sa rehiyong apatnapung taon nang pinupunit ng hidwaan? Di ba’t gawa ito ng mga Morong handang magbaba ng armas at sinabing, halika, mag-usap na tayo, nagtitiwala ako? Di ba’t gawa ito ng karaniwang mamamayang nagsabing, Kapatid, pareho tayong Pilipino, tama na nga ang gulo?

Nang unang iminungkahi ang Pantawid Pamilya, nariyan ang tanong: Paanong maaabot ang kailangan nitong epekto; nasaan ang pondo para masaklaw ang lahat ng maralitang Pilipino? May nag-akala bang, matapos lamang ang tatlong taon, aabot sa halos apat na milyong kabahayan ang nagiging benepisyaryo nito? At di ba’t sila rin—ang bawat inang gumigising nang maaga para ipaghanda ang anak niyang papasok sa eskuwela, ang bawat batang nag-aaral nang mabuti—di ba’t sila rin ang nakiambag at patuloy na nakikiambag para magtagumpay ang programang ito?

May nag-akala bang mula sa pag-aangkat ng milyun-milyong toneladang bigas, sa pagtatapos pa lang ng 2012 ay 94 percent rice self-sufficient na tayo? May nag-akala bang ang dating “Sick Man of Asia,” sa loob lamang ng tatlong taon ng tapat na pamamahala, ay nasa investment grade status na? Sino nga po ba ang nag-isip na maipapatupad ang lahat ng serbisyong panlipunan natin ngayon, nang di nagtataas ng buwis maliban syempre sa Sin Tax? Di ba’t nakiambag dito ang bawat accountant, doktor, abugado, na ngayon ay nagbabayad ng tamang buwis? Di ba’t nakiambag tayong lahat dito?

May puwang pa ba para sa mga agam-agam? Ngayon pa bang natutupad na ang mga dating ni hindi natin magawang pangarapin, ngayon pa bang nakausad na tayo, at abot-kamay na ang ating mga hangarin– Boss, ngayon pa ba tayo magdududa?

Sa bawat Pilipinong nagtitiwala sa kapangyarihan ng maliliit na anyo ng kabutihan: Kayo nga po ang gumawa ng pagbabago. SONA po ninyo ito.

Sa bawat gurong bumabangon nang madaling-araw para magturo sa kanayunan: SONA mo ito. Sa bawat pulis na nagsilbi at hindi nanghingi ng kapalit: SONA po niyo ito.

Sa mga hindi panatag sa listahan ng mga tatakbo sa halalan, at kinatok ang kapitbahay para sabihing, “Huwag tayong makuntento, magtulungan tayong humanap ng karapat-dapat na pinuno,” SONA mo ito.

Sa bawat estudyanteng mulat sa mga napapanahong isyu sa lipunan, at sa halip na magreklamo lang sa Facebook ay nagmumungkahi ng solusyon: SONA mo ito.

Kay Brigadier General Ramon Mateo Dizon, paretirong pinuno ng Presidential Security Group, na kasama ko na noon pa, laban sa mga kudeta noong panahon ng nanay ko: Hanggang sa aking pagkapangulo, pinangalagaan mo ang seguridad ko, pati na ng personal at opisyal kong pamilya. Buong kumpiyansa akong pumunta, sa ibang bansa man o sa mga liblib na sulok ng Pilipinas. Chito, nakiambag ka rin sa pagbabago; tunay kang tapat sa watawat, sa Saligang Batas, at sa sambayanang Pilipino.  Siyempre, kung di ka inalalayan ng iyong butihing maybahay na si Jo-ann, hindi mo naabot ang iyong mga tagumpay. SONA ninyong dalawa ito.

At sa lahat ng mga gumising sa nagtutulug-tulugan, sa mga nagmulat sa mga nagbubulag-bulagan, sa mga kumalampag sa mga nagbibingi-bingihan: SONA po ninyo ito.

Mahaba pa ang ating lalakbayin, at hindi natin kailanman sinabing madali o walang mga hadlang sa landas na ito. Subalit wala akong duda sa kakayahan nating lampasan ang anumang barikada. Hindi tsamba ang mga tagumpay na tinatamasa natin ngayon; huwag tayong papayag na maging panandalian lamang ang transpormasyon. Samantalahin natin ang pagkakataon upang gawing permanente ang pagbabago.

Ito po ang aking ikaapat na SONA. Noong ako’y Congressman, ang mga taga-Tarlac ang aking lakas; nang ako’y maging Senador, at hanggang ngayon, sa aking pagkapangulo, nariyan ang sambayanan—Pilipinas, kayo ang aking lakas.  Sa patuloy nating pag-aambagan at pananalig sa kapwa at sa Maykapal, sinasabi ko po sa inyo: Kayo pa rin ang sisigurong magpapatuloy ang ating nasimulan; kayo ang sisigurong mabubura na nang tuluyan ang mga mukha ng katiwalian; kayo ang sisigurong hinding-hindi na tayo muling lilihis sa tuwid na daan.

Sinabi po sa akin dati: Noynoy, simulan mo lang at sinimulan nga po natin, at ngayon, kitang-kita na ang layo ng ating narating. Ngayon, Pilipino, ituloy natin ang pagkakapit-bisig, sabay nating arugain, pabilisin, at palawakin ang transpormasyon ng lipunan. Ako po si Noynoy Aquino; ipinagmamalaki ko sa buong mundo: Pilipino ako. At talagang napakasarap maging Pilipino sa panahong ito.

Maraming salamat po.