Search This Blog

Sunday, July 12, 2015

Mga Alituntunin sa Pangangalaga ng Likas na Yamang Dagat

Tuntunin sa Pangangalaga ng likas na yamang dagat

http://region2.bfar.da.gov.ph/Downloads/10%20gabay.pdf - Original page. (This webpage is not available - ERR_NAME_NOT_RESOLVED)

1. Ang yamang dagat ay maaring maubos. Ito ay may hangganan.

Taliwas sa paniniwala ng marami, lumiliit ang kakayahan ng ating karagatan na magbigay ng pagkain sa lumalaking populasyon ng mundo. Ayon sa Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nation, lahat ng 17 pinakamalawak na pangisdaan o fishing grounds sa buong mundo ay umabot na sa kanilang natural limits dahil sa labis-labis na pangingisda o over fishing. Ibig sabihin nito, pababa na ang dami ng nahuhuling isda sa mga apektadong karagatan. Dahil dito, nararapat lamang na mabigyan ang karagatan ng panahon upang manumbalik ang sigla nito sa pamamagitan ng pagbabawas ng pangingisda o pagbabawal sa pangingisda sa lugar na nailagay na sa kritikal na kondisyon

2. Itigil ang paggamit ng mga mapaminsalang paraan ng pangingisda.

Ang Paggamit ng dinamita, lason at iba pang kemikal o pagwasak ng korales upang maitaboy ang isda sa nakaabang na mga fishing nets ay nagdudulot ng malaking pinsala sa karagatan at maging sa buhay ng gumagamit nito.

Higit pa rito ang tagal na panahon na bibilangin upang manumbalik ang dating sigla ng dagat. Halimbawa, bumibilang muna ng 1-3 taon bago lumaki ng isang pulgada ang mga korales.

Ang mga lason naman na ginagamit sa paghuli ng mga aquarium fish ay nakakain din ng ibang mga organismo sa dagat at maaring masagap din ng tao pagkatapos kumain ng isda at iba pang lamang-dagat na kontaminado nito

3. Tulad ng tao, kailangan din ng mga hayop at halamang dagat ang sapat na hangin, tamang nutrisyon at malinis na kapaligiran.

Malaking pinsala sa mga korales at mga mangrove ang naidulot ng pagsasawalang bahala ng tao sa kalusugan ng karagatan.

Ang soil erosion at siltation ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga korales at mangrove na nagsisilbing pangitlugan at nursery ground para sa mga maliliit at bata pang hayop sa dagat.

Ang korales at mga bahura o mangrove areas ay nagsisilbi din bilang kanlungan (transition ground) para naman sa mga seaweeds, damong dagat at iba pang halamang dagat.  Ang mga ito ay nagsisilbing pagkain para sa mga herbivorous na isda. Kung kaya, ang pagkawala ng ating mga coral reefs at mangrove areas ay direktang magpapabagsak sa populasyon ng isda sa ating karagatan.

4. Kung ano ang siyang itinapon, siya ring magbabalik.

Ang lahat ng bagay ay may tinatawag na cycle. Walang anumang bagay ang maituturing na totoong tuluyang mawala.

Katulad ng mga solidong bagay, kahit ang init at usok na ibubuga sa hangin ay binubuo ng mga maliliit na solidong bagay na naipon sa mga ulap na sa pagdating ng panahon ay babagsak din sa lupa at karagatan.

Ang mga plastik at iba pang bagay na hindi nabubulok kapag itinapon ay siyang magpapabara sa daluyan ng tubig, papatay sa mga hayop sa dagat na nag aakalang pagkain ang mga ito o papatid sa buhay ng mga korales kung saan ito mapadpad.

5. Huwag bumili at kumain ng mga bata pa o hindi pa magulang na isda, higit sa lahat ang mga buntis na isda.

Sa ating hindi pagtangkilik o pagbili at pagkain ng mga bata pa na isda lalung-lalo na ang buntis na isda, maaring tuluyan ng mahihinto ang labis labis na panghuhuli ng mga ito.

Ang matagal nang pagsasawalang-bahala natin ng tuntunin na ito sa loob ng mahabang panahon ay nagresulta na sa pagliit ng populasyon o tuluyang pagkawala ng mga natatanging yamang tubig na dito lang matatagpuan sa ating bansa.

Ito ay napatunayan na sa pagiging rare o endangered species ng isdang pigek na matatagpuan lamang sa mga ilog ng Cotabato, ng isdang ludong sa Cagayan River, at ng tatus - isang uri ng alimango na matatagpuan sa mga isla ng Batanes at Luzon.

6. Iwasan ang mag-alaga o magparami ng mga isda at iba pang hayop na galing sa banyagang bansa.

Ang mga banyagang hayop ay maaring magdala ng mga di pangkaraniwang sakit na makaka-apekto sa mga lokal na hayop sa bansa. Napatunayan na ito ng maraming bansa na nag-angkat at nag-alaga ng mga banyagang organismo. Maari kasing mas higit na malakas ang mga ito o maaring cannibalistic pa.

Ang anumang banyagang hayop ay maari lamang dalhin sa bansa kung ito ay gagamitin sa mga siyentipikong pag-aaral at kung mapanatunayang hindi makakapaminsala, saka lamang ito payagang alagaan.

7. Napakahalaga ng Aquaculture o pag-aalaga ng isda.

Napakalaki na ang pinsalang naidulot ng overfishing hindi lamang sa atin kung hindi pati na rin sa halos lahat ng bansa sa buong daigdig. Dahil dito, ang Aquaculture o maramihang pag-aalaga ng isda sa mga katubigan ang nakikitang solusyon upang matugunan ang pangangailangan sa pagkain ng tao. Tinatayang higit sa 30 porsyento ang itinaas ng produksyong pang- aquaculture kumpara sa maliliit na bahagi na galing sa panghuhuli ng isda. Kailangan din ang aquaculture upang mabigyan ng panahon ang karagatan na mapanumbalik nito ang dating sigla at dami ng mga isda at ibang organismo.

Marami na ang makabagong teknolohiya ang isinusulong ng BFAR mula sa mga pananaliksik nito katuwang ang mga research institutions sa bansa na maituturing na environment-friendly.

Sa wastong pagagamit ng mga teknolohiyang ito, uunlad hindi lamang ang kabuhayan ng mangingisda, mapapanatili pa nitong masigla ang ating yamang dagat. Sumangguni lamang sa BFAR para sa iba pang kaalaman.

8. Sa aquaculture, anumang sobra nakakapinsala.

Ang bawat katubigan ay may takdang kapasidad o carrying capacity. Ayon sa Republic Acts 8550 o Batas ng Pangisdaan ng 1998, sampung porsyento lamang ng kabuuang lawak ng katubigan ay maaring gamitin sa pagpapalaki ng mga isda at iba pang organismo sa mga karagatan, look, at kalawakan.

Ang biglang pagdami ng mga fish cages sa Laguna de Bay, Zambales, Pangasinan at iba pang lugar sa ating bansa ang siyang naging sanhi ng malawakang fish kills sa mga lugar na ito. Napag-alamang hindi lamang sobra-sobra ang pagpapakain sa mga isda kundi higit sa itinakda ng batas ang dami ng mga fish cages. Ang mga ito ay siyang pangunahing dahilan ng pagbaba ng dami ng dissolved oxygen na naging sanhi ng fish kill.

9. Sa pagpapabaya, maraming natatanging uri ng mga hayop sa ating karagatan ang tuluyan pang maglaho kapag ito ay hindi natin mapapangalagaan.

Ang sabalo o mother bangus ay bawal hulihin o ipagbili dito man at lalung- lalo na sa ibang bansa. Pinagbabawal din ang paghuli ng butanding ang pinakamalaking isda sa buong mundo na matatagpuan din sa Pilipinas.

Dahil sa pagpapabaya, napakarami pang mga uri ng mga corals at shellfish na matatagpuan lang dito sa Pilipinas na ngayon ay lumiit na ang populasyon at napabilang sa mga endangered species. Kasama dito ang giant clams o taklobo, venus comb, at marami pang iba. Ang mga yaman-dagat na ito ay dapat pangalagaan.

10. Dapat magtakda ng Fish Sanctuary sa bawat coastal community.

Ang mga fish sanctuaries ay isang protektadong lugar sa karagatan kung saan pinagbabawal ang paghuhuli ng isda o pagkuha ng anumang lamang-dagat. Ito ay nagsisilbing pangitlugan ng mga isda.

Ayon sa RA 8550, ang mga sanctuaries ay dapat na itatag sa mga baybaying dagat na pamamahalaan naman ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC), isang organisasyon ng mga mangingisda na itinatag sa mga barangay, munisipyo, siyudad at probinsya ng bansa.




No comments:

Post a Comment