Search This Blog

Thursday, August 4, 2011

Pagsasaling wika

Pagsasaling wika

Ito ay ang paglilipat mula sa isang wika sa isang pang-wika; ilagay sa dalawang wikang magkaiba.

Katangian ng pagsasaling wika

  1. Kasanayan sa dalawang wika - ang pinagmulang wika at ang pinagsasalinan
  2. Ganap na pag-unawa sa diwa o kahulugang isinasaad ng akdang isinasalin
  3. Ganap na kaalaman sa paksang tinatalakay


Pagsasalin sa mga pangungusap

  1. Kung ang pangungusap ay may di tiyak na layon
  2. Kung ang pangungusap ay may tiyak na tinutukoy na layon
  3. Kung ang pangungusap ay may isang di-tiyak na tuwirang layon at isang di-tuwirang layon sa isang pariralang pang-abay.
  4. Kung ang pangungusap ay may isang makatuwirang di-tuwirang layon at isang di-tiyak na tuwirang layon.
  5. Kung ang pangungusap ay may isang makatuwirang di-tuwirang layon at tiyak na tuwirang layon.


Si Amomongo at si Iput-Iput

Pabula : Si Amomongo at si Iput-Iput
(Ang Gorilya at ang Alitaptap)

Isang gabi, naglalakad si Iput-Iput, (ang alitaptap) patungo sa bahay ng kanyang
kaibigan.Nang mapadaan siya sa tapat ng bahay ni Amomongo (ang gorilya), tinanong siya nito.

"Hoy, Iput-Iput,bakit lagi kang may dala-dalang ilaw?"

Sumagot si Iput-Iput. "Dahil natatakot ako sa mga lamok."

"Ah, duwag ka pala," ang pang-uuyam ni Amomongo.

"Hindi ako duwag!" , ang nagagalit na sagot ni Iput-Iput.

"Kung hindi ka duwag, e bakit lagi kang may dala-dalang ilaw?", ang pang-aasar ni Amomongo.

"Nagdadala ako ng ilaw para kapag nilapitan ako ng mga lamok at kakagatin ay makikita ko sila kaagad at nang sa gayo'y maipagtanggol ko ang aking sarili.", ang tugon ni Iput-Iput.

Tumawa nang malakas si Amomongo. Kinabukasan, maaga utong gumising at ipinamalita sa lahat ng kapitbahay na kaya daw laging may dalang ilaw si Iput-Iput ay dahil duwag ito. Kaagad na kumalat sa buong bayan ang balita.

Nang mabalitaan ito ni Iput-Iput, nagalit siya. Dali-dali siyang lumipad patungo sa bahay ni Amomongo. Gabi noon at natutulog na ang gorilya, ngunit itinapat niya ang kanyang ilaw sa mukha nito hanggang sa ito ay magising.

"Hoy, gorilya, bakit ipinamamalita mong duwag ako? Upang mapatunayan ko sa'yong hindi ako duwag, hinahamon kita sa isang labanan. Magkita tayo sa sa plasa sa susunod na Linggo ng hapon."

Pupunga-pungas na nagtanong ang gorilya. "Mayroon ka bang mga kasama?" "Wala!", ang sigaw ni Iput-Iput. "Pupunta akong mag-isa."

Nangiti si Amomongo sa tinuran ni Iput-Iput. Dili't isang maliit na insekto ang humahamon sa kanya ng away.

Nagpatuloy ang alitaptap. "Hihintayin kita sa plasa sa susunod na Linggo sa ganap na ikaanim ng hapon!"

"Magsama ka ng mga kakampi mo dahil magsasama ako ng libu-libong gorilya na mas malalaki pa sa akin." Sinabi ito ni Amomongo upang takutin ang alitaptap, na sa pakiwari niya ay nasisiraan ng ulo.

Ngunit sumagot si Iput-Iput: "Hindi ko kailangan ng kakampi. Darating akong mag-isa! Paalam!"

Dumating ang araw ng Linggo. Bago pa mag-ikaanim ng hapon ay nagtipon na ang mga dambuhalang gorilya sa plasa ngunit nadatnan na nila ang alitaptap na naghihintay sa kanila.

Maya- maya, tumunog ang kampana ng simbahan bilang hudyat ng oras ng orasyon o pagdarasal. Iminungkahi ni Iput-Iput sa mga gorilya ma magdasal muna sila. Pagkatapos magdasal, agad sinabi ni Iput-Iput na nakahanda na siya. Inutusan ni Amomongo ang kanyang mga kasama na humanay. Pumuwesto siya sa una bilang pagpapakilalang siya ang pinuno ng mga ito.

Dagling lumipad si Iput-Iput sa ilong ni Amomongo at inilawan niya ito. Hinampas ng kasunod na gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad itong nakaalis kaya ang tinamaan ng gorilya ay ang ilong ni Amomongo na halos ikamatay nito. Dumapo si Iput-Iput sa ilong ng pangalawang gorilya. Hinampas ng pangatlong gorilya si Iput-Iput ngunit kaagad itong nakalipad, kaya ang nahampas niya ay ang ilong ng pangalawa na ikinamatay nito. Muli, inilawan ni Iput-Iput ang ilong ng pangatlong gorilya. Hinampas ng ikaapat na gorilya si Iput-Iput na kaagad na kalipad. Muli, namatay ang pangatlong gorilya dahil sa lakas ng pagkakahampas ng ikaapat na unggoy sa ilong nito. Nagpatuloy ang ganitong pangyayari hanggang si Amomongo na lamang ang natirang buhay na gorilya na halos hindi makagulapay dahil sa tinamong sakit. Nagmakaawa ito kay Iput-Iput na patawarin na siya, at huwag patayin. Pinatawad naman siya ni Iput-Iput, ngunit simula ng hapong iyon, nagkaroon na ng malaking takot ang mga gorilya sa mga alitaptap.


Aral ng Pabula

"Huwag maliitin ang maliliit dahil may magagawa silang di magagawa ng malalaki"

Ang pabulang ito ay isa lamang sa kalipunan ng mga Bisaya na naglalarawan ng paglalaban sa pagitan ng maliliit na insekto at malalaking hayop.


Lalapindigowa-i - Bakit Maliit ang Beywang ng Putakti

Lalapindigowa-i:
Kung Bakit Maliit ang Beywang ng Putakti

Pabula ng Maranao

Batay sa pananaliksik ni Dr. Nagsura madale

Si Lalapindigowa-i (isang putakti) ay isang masipag na magsasaka. May dalawa siyang asawa, sina Odang (hipon) at si Orak (itlog). Tulad ng ibang Maranao, hindi lamang siya masipag na magsasaka kundi isang tapat na asawa. Nagsusumikap siyang magtrabaho upang mapakain ang dalawa niyang asawa.

Isang araw, nagwika siya sa mga asawa niya na dalhan siya ng pananghalian
sa bukid nang sa ganoon ay di masayang ang kanyang oras sa pag-uwi. Nagkasundo at nagpasya ang dalawa niyang asawa na mula noon ay dadalhan siya ng pagkain sa bukid.

Pagkaraan ng maraming araw at buwan ng paghahatid ng pagkain, nagsawa ang mga asawa ni Lalapindigwa-i. Sa daan papuntang bukid, nagalit si Odang at tumangging magdala ng pagkain. Si Orak ay ayaw ring maghatid ng pagkain.

Nagalit si Odang, ang hipon, at nagsimula itong magdadamba hanggang ito'y mahulog sa kaserola at naging pula ang balat. Naawa si Orak kay Odang dahil ito ay naluto kaya't ipinaghele niya ito. Sa di sinasadya, tumama siya sa bunganga ng kaserola at ito'y naluto rin.

Samantala, si Lalapindigowa-i ay ginutom sa kahihintay sa kanyang dalawang asawa. Pagkaraan ng ilang oras ng paghihitay, nagpasya siyang lumakad pauwi. Sa daan nakita ng gutom na si Lalapindigowa-i ang basag na kaserola at ang mga asawa niyang naluto.

Galit siya sa mga asawang tamad at sa kaparusahang tinanggap ng mga ito.Gutum na gutom na siya kaya hinigpitan niya ang kanyang sinturon. Simula noon, ang beywang ni Lalapindigowa-i ay lumiit nang lumiit dahil batid niyang wala nang mga asawang magluluto para sa kanya.

Pabula ng ang palaka at ang uwang

Pabula ng ang palaka at ang uwang

Matahimik at masayang namumuhay sina Palaka, Gagamba at Susuhong sa lugar na iyon nang biglang dumating si Uwang. Hindi lamang matakaw ito sa pagkain ng dahon at maingay ang ugong, ito rin ay sadyang mapanudyo. Kapag pinagbawalan o pinagpagunitaan, ito'y nagbabanta pang manakit o maminsala.

Isang araw, tahimik na nanginginain si Susuhong sa tabi ng sapa nang bigla na lamang siyang suwagin ni Uwang. Nahulog siya sa agos at tinangay siya sa dakong malalim. Mabuti na lamang at nakapangunyapit siya sa isang yagit, kaya nakaahon siya sa pampang.

Minsan naman. Gumawa si Gagamba ng isang napakagandang sapot. Ipinagmalaki niya iyon kay Palaka at Susuhong. Natuwa rin ang dalawa at pinuri si Gagamba. Subalit kinabukasan, nang naghahanap ng makakain si Gagamba, hindi niya alam na winasak na ni Uwang ang kanyang sapot. Gayon na lamang ang kanyang panlulumo habang si Uwang naman ay patudyong nagtatawa.

Si Palaka naman ay sinuwag ni Uwang ng mga sungay nito, isang araw na nagpapahinga siya sa may batuhan. Namaga ang kanyang nguso ng ilang araw. Kaya ang magkakaibigan ay nagpasya isang araw. Hahamunin nila sa isang paligsahan si Uwang. Ang ilalaban nila ay si Palaka.

"Payag ako," sabi ni Uwang nang mabatid ang paligsahan. "Kung kayo ay magwagi, lalayasan ko na ang lugar nai to. Kung ako naman ang magwagi, kayo'y magiging sunud-sunuran sa akin."

Nagpalutang sila sa isang malapad na dahon sa gitna ng sapa. Mag-uunahan sina Palaka at Uwang sa pagsakay doon.

"Tiyak na ako ang magwawagi," pagmamalaki ni Uwang dahil alam niyang mabilis niyang maikakampay ang kanyang pakpak.

Sinimulan ang paligsahan. Pumaimbulog pa si Uwang habang si Palaka naman ay mabilis nang lumangoy patungo sa dahon. Mula sa itaas, sumisid si Uwang, patungo sa dahon na inaanod sa gitna ng sapa.

Ngunit nagkasabay sila sa pag-abot sa dahon. Kasabay ng pagsakay dito ni Palaka, dumapo naman si Uwang. Sa bigat nilang dalawa, lumubog ang dahon at kapwa nahulog sila sa tubig. Ang nabiglang si Uwang ay natangay ng agos.

"Tulungan mo ako, Palaka. Hindi ako marunong lumangoy," pakiusap ni Uwang.

Hindi siya pinansin ni Palaka. Umahon ito sa pampang at sinalubong ng mga kaibigang sina Gagamba at Susuhong.

"Mabuti nga sa kanya," sabi ni Palaka nang hindi na matanaw si Uwang.

Mula noon, nagbalik na ang katahimikan at kasayahan ng pamumuhay ng tatlo sa pook na iyon.

Ang Kabayo at ng Kalabaw

Ang Pabula ng Kabayo at ng Kalabaw

Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araw ay inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang kabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang
paglalakbay.

Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng matinding pagod at pang-hihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit.

"Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan kong gamit keysa sa iyo. Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?" pakiusap ng kalabaw.

"Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya pagtiisan mo," anang kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad.

"Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin ang bigat ng dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko," pakiusap pa rin ng kalabaw.

"Bahala ka sa buhay mo," naiinis na sagot ng kabayo.

Makaraan pa ang isang oras at lalung tumindi ang init ng araw. Hindi nagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siya ay pumanaw.

Nang makita ng magsasaka ang nagyari ay kinuha niya ang lahat ng gamit na pasan ng kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namang makalakad dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin.

"Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi naging ganito kabigat  ang pasan ko ngayon," may pagsisising bulong ng kabayo sa kanyang sarili.

Mga aral ng pabula:

Ang suliranin ng kapwa ay maaaring maging suliranin mo rin kung hindi mo siya tutulungan. Ang makasariling pag-uugali ay may katapat na kaparusahan. Ang mga pasanin natin sa buhay ay gagaan kung tayo ay magtutulungan.

Ang Pabula ng Daga at ng Leon

Ang Pabula ng Daga at ng Leon

Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na leon. Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at pagdating sa itaas ay nagpapadausdos siya paibaba.

Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leon ang daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak  siyang isubo at kainin. Natakot at nagmakaawa ang daga.

"Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog mo. Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong likuran. Huwag mo akong kainin" sabi ng daga.

Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa. 

"Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalain ang pagtulog ko," sabi ng leon.

"Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo," sagot ng daga.

Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sa kagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno. Lumapit siya upang mag-usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat na ginawang bitag ng mga nangagaso sa kagubatan.

Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa lambat. Agad namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama ang leon sa loob. Mabilis na bumaba ang daga at tinulungan ang leon na nakawala sa lambat.

"Utang ko sa iyo ang aking buhay," laking pasasalamat na sabi ng leon sa kaibigang daga.

Mga aral ng pabula:

Ang paghingi ng paumanhin sa kapwa ay sinusuklian ng pang-unawa.  Ang pag-unawa sa kapwa ay humahantong sa mabuting pagkakaibigan.  Huwag maliitin ang kakayahan ng iyong kapwa. Hamak man ang isang tao ay maaari siyang makatulong ng malaki o makagawa ng bagay na lubhang makabuluhan.

Ang Kabayo at ng Mangangalakal

Pabula : Ang Kabayo at ng Mangangalakal
                               
Isang mangangalakal ang maghahatid ng dalawang sakong asin sa palengke. Inilulan niya ang mga sako ng asin sa kanyang kabayo at nagtungo sila sa palengke.

Nang tumatawid sila sa isang ilog na dinaanan ay hindi sinasadyang nadulas at natumba ang kabayo. Napunit ang mga sako at ang ilang bahagi ng asin ay nabuhos sa ilog at ang iba naman ay nalusaw dahil
sa pagkababad sa tubig. Hindi naman nasaktan ang kabayo at napansin niya na lubhang gumaan ang pasan niyang dalawang sako ng asin at siya ay natuwa

Nang sumunod na linggo ay magpupunta uli ang mangangalakal sa palengke at naglulan na nman ng dalawang sakong asin sa kanyang kabayo. nang mapalapit na sila sa ilog ay napagisip-isip ng kabayo:

"Kung magpapadulas ako sa ilog ay tiyak na gagaan uli ang pasan ko," ang sabi ng kabayo sa kanyang sarili.

Ganun na nga ang ginawa ng kabayo. Muling nabutas ang mga sako at ibang asin ay nabuhos sa ilog at ang iba naman ay nalusaw. Nguni't sa pagkakataong eto ay nakahalata ang mangangalakal na sadyang
nagpadulas ang kabayo sa ilog.

Pagdaan pa ng isang linggo ay muling magtutungo ang mangangalakal sa palengke subalit sa pagkakataong eto ay apat na baldeng may lamang alpombra ang kanyang inilulan sa kabayo - dalawang balde sa magkabilang tabi ng kabayo.

"Aba, ok to, mas magaan ang pasan ko ngayon. Ganun  pa man ay magpapadulas pa rin ako sa ilog para mas gumaan pa ang pasan ko," ang sabi ng kabayo sa kanyang sarili.

Pagdating sa ilog ay kusa na namang nagpadulas ang kabayo ngunit laking gulat niya nang biglang bumigat ang kanyang pasan nang siya ay malublob sa tubig. Ang apat na balde na may alpombra ay napuno ng tubig at di hamak na naging mas mabigat pa keysa sa dalawang sakong asin.


Mga aral ng pabula:

Ang pagiging tuso ay may katapat na panangga. Ang masamang balakin ay may katapat na kaparusahan.

Ang Lobo at Ang Kambing

Pabula : Ang Lobo at Ang Kambing

Isang lobo ang nahulog sa balon na walang tubig. Sinikap niya ang tumalon upang maka-ahong palabas, ngunit lubhang malalim ang balon na kanyang kinahulugan.

Noon dumating ang isang uhaw na uhaw na kambing. Lumapit ito sa balon at narining ang tinig ng lobo. "Marami bang tubig sa loob ng balon?" tanong nito sa lobo. "Oo, napakarami!" ang pagsisinungaling na sagot naman ng lobo.

Hindi na nagdalawang-isip pa ang kambing. Agad itong tumalon sa balon. At nalaman ngang siya'y niloko lamang ng lobo. "Ngayo'y pareho na tayong bilanggo ng balon na ito," ang sabi ng lobo. "Mamamatay tayo sa uhaw at gutom dito," ang sabi ng kambing.

"Kung gusto mong makaalis dito, magtulungan tayo. Mayroon akong naisip na paraan kung papaano nating gagawin iyon."

"Papaano?"

Noon ipinatong ng lobo ang mga paa sa katawan ng kambing. "Ako muna ang lalabas. At kapag nakalabas na ako, at saka kita hahatakin palabas," pangako nito. "Sige," ang sabi naman ng kambing.

Nakalabas nga ng balon ang lobo sa tulong ng kambing. Ngunit noong pagkakataon na ng kambing para tulungan nito'y agad iyong tumawa ng malakas. Pagkuwa'y sinabing, "Walang lobong manloloko kung walang kambing na magpapaloko."

Malungkot na naiwanan ang kambing sa malalim na balon.

Ang Lobo at ang Ubas

Pabula : Ang Lobo at ang Ubas

Ang katagang "sour grape" o "maasim na ubas" ay hinango sa isa sa mga pabula ni Aesop ukol sa isang lobo at puno ng ubas.

Minsan ay inabot ng gutom sa kagubatan ang isang lobo (wolf). Nakakita siya ng isang puno ng ubas na hitik ng hinog na bunga. "Swerte ko naman. Hinog na at tila matatamis ang bunga ng ubas," ang sabi ng lobo sa sarili.

Lumundag ang lobo upang sakmalin ang isang bungkos ng hinog na ubas subalit hindi niya maabot ang bunga. Lumundag siyang muli, at muli, at muli pa subalit hindi pa rin niya maabot ang ubas.

Nang mapagod na ay sumuko rin sa wakas ang lobo at malungkot na umalis palayo sa puno. "Hindi na bale, tiyak na maasim naman ang bunga ng ubas na iyon," ang sabi niya sa sarili.


Mga Aral:

Hindi lahat ng ating naririnig ay totoo na dapat nating paniwalaan. Kung minsan ang sinasabi ng isang tao ay isa lamang "sour grape" o "maasim na ubas" dahil hindi niya natamo ang isang hinahangad na makamtan.

Ang sour-graping o pagsasabi ng "sour grape" o "maasim na ubas" ay maaaring pagtatakip lang sa isang pagkukulang o pampalubag-loob sa sarili dahil sa pagkabigo ng isang tao na makamit ang kanyang gusto.


Mga halimbawa.

Ang isang binata na nabigong makamtan ang pagmamahal ng kanyang nililigawan dahil hindi siya naging karapat-dapat sa pag-ibig ng dalaga ay maaaring magsabi ng "hindi na bale, hindi ko naman siya talagang gusto." Ang kanyang pagsasabi ng ganito ay isang sour graping lamang.

Maraming mga kandidato ang nagsasabi na kaya sila natalo sa halalan ay dahil sa pandaraya ng mga kalaban. Totoo na may nagaganap na dayaan tuwing halalan subalit bihira ang kandidato na aamin na siya ay natalo dahil ang kanyang kalaban ay mas magaling at higit na karapat-dapat mahalal.  Kadalasan ang hinaing ng natalong kandidato ay sour-graping lamang.

Ang mag-anak na langgam

Pabula : Ang mag-anak na langgam


Malapit-lapit na naman ang tag-ulan kung kaya't ang isang mag-anak na langgam ay abalang-abala sa paghahakot ng pagkain para sa kanilang pinagtataguan.


"Huwag kayong lilihis ng landas patungo sa ating lungga, dahil sa may gawing kaliwa ay may munting kanal," sabi ni Tatay Langgam.

"Hindi po kami lalayo," sabi ni Unang Munting Langgam.

Abala sa paghahakot ng mga pagkain ang bawat isa, kung kayat hindi nila napansing ang Bunsong Langgam ay unti-unting humiwalay sa pila.

"Nakakapagod naman ang paghahakot ng pagkain, matagal pa naman ang tag-ulan ay naghahanda na kami,"sabi sa sarili ng Bunsong Langgam. "Buti pa'y maghanap ako ng mas masarap na pagkain."

Walang anu-ano'y nakakita ng isang kendi na malapit na malapit sa kanal na ipinagbabawal na puntahan ng kanyang ama.

"Siguro naman ay hindi ako mahuhulog sa kanal kung dahan-dahan kong kukunin ang kendi."

Sa kasabikan niyang makuha ang kendi ay hindi niya napansin ang munting sinulid na kinapatiran ng kanyang paa, kaya nawalan siya ng panimbang at tuloy-tuloy na nahulog sa kanal.

Hind mapakali ang Amang Langgam nang hindi niya makita ang kanyang Bunsong anak sa pila. Kaya dali-dali siyang umalis upang ito'y hanapin, hanggang sa siya'y mapadako sa ipinagbabawal na pook.  Pagtingin niya sa ibaba ay nakita niyang nakalutang sa tubig ang kanyang bunsong anak.  Masakit man sa kalooban ay naibulong niya sa kanyang sarili na: "Iyan ang napapala ng mga anak na matigas ang ulo."


Pabula

Pabula

     Ang Pabula ay isang uri ng panitikan na kathang-isip o gawa-gawa lamang, na kung saan ang mga bagay na walang buhay at mga hayop ay gumaganap na tauhan sa isang kwento na nagbibigay- aral.


Kaligirang kasaysayan ng Pabula.

     Si Aesop  (620-564 BC) ay isang manunulat na Griyego na sinasabing sumulat ng maraming mga kuwentong may mabubuting aral, subalit ang kayang pagkatao ay di lubos na nalaman sapagkat wala ni isa man sa kanyang mga sinulat ang naisalba.
Ang mga pira-pirasong detalye ukol sa pagkatao ni Aesop ay makikita sa mga sinaunang nalimbag na mga pangyayari mula kay Aristotle, Herodotus, at Plutarch.  Sa isang sinaunang panitikang nalimbag ay merong tinatawag na “The Aesop Romance” isa sa  nasabing parte ay may inilalahad, na maaaring isang kathang-isip na pahayag ukol sa kanyang buhay, kasama na rito ang pagsasalarawan na siya ay isang pangit na alipin na sa kalaunan ay naging taga-payo ng hari at mga may katungkulan.  Sa kalauanang kuwento siya ay isinasalarawan bilang isang maitim na Etyopyano.   Ang pagsasalarawan kay Aesop sa mga kilalang kultura sa nakalipas na 2500 taon ay kasama sa maraming gawaing sining at ang kanyang itsura bilang isang tauhan sa napakaraming libro, pelikula, pagganap at mga programa sa telebisyon.
Mula sa pagtipon at pagsulat ng mga sinaunang pabula sa kanyang panahon ukol sa mga kalagayan ng lipunan, kalikasan at buhay ng tao, maging ang mga maling gawi ng tao sa lipunan ay kanya ring pinuna.  Itinuro niya ang pakikitungo sa kapwa at tamang pag-uugali.  Bilang isang alipin noong mga panahong iyon, wala siyang karapatan na punahin ang mga maling gawaing ito kaya ginamit niya ang mga hayop bilang tauhan sa kanyang mga kuwento na may mabubuting-aral upang maiparating ang kanyang saloobin.

Ayon sa naitalang bilang ng kanyang mga nagawa, si Aesop ay merong mahigit dalawang daang (200) pabula.  Mula kay Aesop, maraming manunulat ng pabula ang naging tanyag sa daigdig. Ilan rito sina Babrias, Phaedrus, Romulus, Hesiod, Socrates, Phalacrus at Planudes, ang mangangaral na si Odon ng Cheriton noong 1200; si Marie de France noong 1300; si Jean La Fountaine noong 1600; si G.E. Lessing noong 1700 at si Ambrose Bierce noong 1800.

Ang paglaganap ng pabula ay nakarating sa ating bansa bago pa ang panahon ng mga EspaƱol.  Ang ating mga ninuno ay nakalikha na ng ganitong kuwento na siya nilang ginagamit upang iparating sa maraming tao ang tamang pag-uugali at pakikitungo sa kapwa.   Ang mga sinaunang pabula ay nagpasalin-saling bibig lamang, at ng matutunan nila ang paraan ng pagsulat, ang mga ito ay naiukit sa mga bato, balat ng punong-kahoy, at mga dahon ng halaman sa pamamagitan ng pinatulis na kahoy at bato, ang ilan sa mga ito ay naisalin sa papel sa kasalukuyan, kabilang na dito ang ilang obra ng ating mga bayani.


Mga Elemento ng Pabula
  1. Tauhan – ang mga hayop o bagay na gumaganap sa kuwento.
  2. Tagpuan – lugar kung saan ito nagyayari.
  3. Aral / Magandang kaisipan – mga mabubuting kaisipan na nagdudulot o nabibigay-aral sa mga mambabasa.
  4. Banghay (Plot) – ang pagkakasunod-sunod o pagbalangkas ng mga pangyayari sa kuwento.



Mga pabula: (i-click po lamang ang pamagat upang makita ang nilalaman)