Pages

Friday, September 23, 2016

Pagkakaisa sa Likod ng Pagkaka-iba - Sanaysay

Pagkakaisa sa Likod ng Pagkaka-iba
Maikling Sanasay : Julius Cesar Pocaan


“Dayuhang wika kailangan sa kasalukuyang panahon; Sariling wika kailangan sa pamhabang panahon.” Pahayag ng isang “American Indian” na naglalayon ng isang magandang relasyon ng wika at ng buhay. Ayon sa kanya, ang pagkakaraon ng isang dayuhang wika ay mahalaga upang tayo ay makaayon sa takbo ng panahon subalit mas kailangan natin ang sarili nating wika upang mabuhay nang habampanahon. Di lingid sa ating kaalaman na ang ating bansa ay may napakaraming dayalekto na umaabot sa 170. Ilan dito ay ang Bikol, Kapampangan, Sugbuanon, Iloko, Haligaynon at siyempre ang Tagalog kung saan ibinatay ang wikang Filipino. “Maraming Wika, Matatag na Bansa” Noong una ko itong nabasa, tila naguluhan ang aking isipan sapagkat pilit kong tinutukoy kung ano ba ang ibig ipahiwatig ng paksang ito. Paulit-ulit ko itong binasa hanggang sa nasagot ang ilan sa aking mga katanungan. Wari’y parang may bumulong sa aking isipan upang aking matarok at malaman ang ibig nitong sambitin. Hindi natin maikakaila ang mabilis na pagbabago ng ating lipunan. Sa araw- araw nating pakikisalamuha, ating nasasaksihan ang mga pagbabagong nagaganap tulad na lamang sa larangan ng teknolohiya. Kasabay ng mga pagbabagong ito ang paglimot sa ilan sa mga dapat nating isaalang-alang. Subalit, taliwas ang dito ang gawain ng ating mga kababayang Pilipino may sariling dayalekto. Hindi nila kinakalimutan ang wikang kanilang kinalakhan kung kaya nagkaroon ang Pilipinas ng mahigit isang daan nito. Sinasabing ang pagkakaroon ng maraming wika ay hadlang sa paglago ng isang bansa. Subalit, ating isipin at pagmuni-munihing mabuti ang pahayag na nasambit. Magiging makatotothanan kaya ang pahayag na ito sa lahat ng pagkakataon? Tingnan natin ang konsepto sa likod ng isang mapanuring kaisipan. Isang magandang pamantayan ang pagkakaroon ng maraming kaalaman, hindi ba? Tunay na kahanga-hanga ang isang taong maraming kaalaman, isama natin dito ang kaalaman ng higit sa isang wika. Isang napakagandang halimbawa ang ating pambansang bayani, si Dr. Jose Rizal. Isang dalubwika si Rizal na nakaaalam ng Arabe, Katalan, Tsino, Inggles, Pranses, Aleman, Griyego, Ebreo, Italyano, Hapon, Latin, Portuges, Ruso, Sanskrit, Espanyol, Tagalog, at iba pang mga katutubong wika ng Pilipinas. At dahilan sa kanyang kaalaman, hinangaan siya ng mga Pilipino at patuloy na hahangaan pamhabang panahon. Kung ating pakalilimiin, di kaya makatotohanan din ito sa ating bansang may napakaraming dayalekto? Hindi sagabal sa pag-unlad ng ating bansa ang pagkakaroon ng maraming wika kundi isa ito sa mga mahuhusay at kahanga- hangang kapasidad ng isang bansa. Ngunit hindi sapat ang madaming kaalaman sa paglago ng ating ekonomiya, ang ating bansa ay nangangailangan ng mamamayang may pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba. Kailangan natin ang pagtutulungan tungo sa kaunlaran. Marami man ang wika ng ating bansa, mananatili itong matatag kung may pagsasama-sama, pagkakaisa at pagtutulungan tungo sa isang hangaring mapalago ang ating bansa.

No comments:

Post a Comment