Pages

Wednesday, November 26, 2014

Pahayag - Kwento ni Emilio Jacinto

Isang Kuwento "Pahayag"
Ni Emilio Jacinto


Isa iyong gabing madilim. Wala isa mang bituing nakatanglaw sa madilim na langit ng kagimbal-gimbal na gabing iyon. Nakayukayok at sapupo ng dalawang palad ang mukha, naghihi-mutok ang isang kabataan.

Ang tahanang katatagpuan sa naturang kabataan ay natatanglawan ng isang tinghoy, na kukurap-kurap at ang liwanag ay nanga-nganib nang kusang panawan ng buhay.

Sa yugtong halos isuko na ng kabataan ang sarili sa matinding poot at sa pag-iisip na kahila-hilakbot at palagiang- gumigiyagis sa kanyang puso, na waring nakabaon sa kaibuturan ngunit sapilitan nang ibinubulalas ng dibdib, sa yugtong ito niya naramdaman ang isang mabining haplos sa isa niyang balikat at naulinigan ang isang mahinang tinig, matamis at malungkot, na nag-uusisa:

"Bakit ka lumuluha? Anong kirot o dalita ang dumudurog sa iyong puso at yumuyurak at humahamak sa iyong kabataan at lakas?"

Nag-angat siya ng ulo at natigib sa panggigilalas: may kapiling siya at halos apat na hakbang ang lapit, at nabanaagan niya ang isang anino na waring nababalot ng maputing ulap ang kabuuan.

"Ay, mahabaging anino! Ang mga pighati ko'y walang lunas, walang katighawan. Maaaring kung isiwalat ko sa iyo ay sabihin mo o isipin mong walang anumang halaga. Bakit kailangan mong lumitaw ngayon upang antalahin ang aking paghibik?"

"Hanggang kailan," sagot ng anino, "ang kamangmangan at ang katunggakan ay magging sanhi ng mga hirap at pasakit ng mga tao at ng mga bayan?

"Hanggang kailan kayo makasusunod magbangon pabalikwas sa kabulagan ng pag-unawa tungo sa tugatog ng katwiran at adhika? Hanggang kailan ninyo ako hindi makikilala at hanggang kailan kayo magtitiwalang umasa na kahit wala sa aking piling ay maaa-ring matamo ang tunay at wagas na ligaya tungo sa kapayapaan ng sangkalupaan."

"Sino ka samakatwid na nagmamay-ari ng kagila-gilalas na kapangyarihan at kahanga-hangang lumitaw at nag-aalay?"

"Ay, sa aba ko! Diyata't hindi mo pa ako nakikilala hanggang ngayon? Ngunit htndi ako magtataka, sapagkat mahigit nang tatlong daang taon magmula nang dalawin ko ang tinatahanan mong lupain at kusain ng iyong mga kababayan na sumampalataya sa mga huwad na idolo ng relihiyon at ng mga tao, ng mga kapwa mo nilikha, at kung kaya naglaho sa myong mga gunita ang pagkakilala sa akin...

"Nais mo bang malaman kung sino ako? Kung gayo'y makinig:

Ako ay ang Simula ng mga bagay na higit na dakila, higit na maganda at higit na kapuri-puri, marangal at iniingatan, na maaaring matamo ng sangkatauhan. Nang dahil sa akin ay nalaglag ang mga ulong may korona; nang dahil sa akin ay nawasak ang mga trono at napalitan at nadurog ang mga koronang ginto; nang dahil sa aking adhikain ay nabigo at namatay ang siga ng "Santa Inkisisyon" na ginamit ng mga prayle para busabusin ang libo at libong mamamayan; nang dahil sa adhikain ko'y napagkakaisa ang mga tao at kinalilumutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat; nang dahil sa akin ay natimawa ang mga alipin at nahango mula sa lusak ng pagkalugami at kalapastanganan; at napugto ang kayabangan at kayamuan ng kanilang mababangis na panginoon;

Kailangan ako sa bawat naisin at lasapin ng mga bayan at sa ilalim ng aking kalinga may ginhawa at biyaya at kasaganaan ang lahat, katulad ng idinulot ko sa Hapon, Amerika, at ibangpook; nang dahil sa akin ay umiimbulog ang diwa upang siyasatin at tuklasin ang mga hiwaga ng siyensiya; saan mang pinaghaharian ko ay napaparam ang mga pighati at nakasisinghap nang daglian ang dibdib na nalulunod sapang-aalipin at kabangisan.

No comments:

Post a Comment