Tuntunin sa Pangangalaga ng likas na yamang dagat
http://region2.bfar.da.gov.ph/Downloads/10%20gabay.pdf - Original page. (
This webpage is not available - ERR_NAME_NOT_RESOLVED)
1. Ang yamang dagat ay maaring maubos. Ito ay may hangganan.
Taliwas sa paniniwala
ng marami, lumiliit ang kakayahan ng ating karagatan na magbigay ng pagkain sa
lumalaking populasyon ng mundo. Ayon sa Food and Agriculture Organization (FAO)
ng United Nation, lahat ng 17 pinakamalawak na pangisdaan o fishing grounds sa
buong mundo ay umabot na sa kanilang natural limits dahil sa
labis-labis na pangingisda o over fishing. Ibig sabihin nito, pababa na ang
dami ng nahuhuling isda sa mga apektadong karagatan. Dahil dito, nararapat lamang
na mabigyan ang karagatan ng panahon upang manumbalik ang sigla nito sa pamamagitan
ng pagbabawas ng pangingisda o pagbabawal sa pangingisda sa lugar na nailagay na
sa kritikal na kondisyon
2. Itigil ang paggamit ng mga mapaminsalang paraan ng
pangingisda.
Ang Paggamit ng dinamita,
lason at iba pang kemikal o pagwasak ng korales upang maitaboy ang isda sa nakaabang
na mga fishing nets ay nagdudulot ng malaking pinsala sa karagatan at maging sa
buhay ng gumagamit nito.
Higit pa rito ang
tagal na panahon na bibilangin upang manumbalik ang dating sigla ng dagat.
Halimbawa, bumibilang muna ng 1-3 taon bago lumaki ng isang pulgada ang mga
korales.
Ang mga lason naman na
ginagamit sa paghuli ng mga aquarium fish ay nakakain din ng ibang mga organismo
sa dagat at maaring masagap din ng tao pagkatapos kumain ng isda at iba pang
lamang-dagat na kontaminado nito
3. Tulad ng tao, kailangan din ng mga hayop at halamang dagat
ang sapat na hangin, tamang nutrisyon at malinis na kapaligiran.
Malaking pinsala sa
mga korales at mga mangrove ang naidulot ng pagsasawalang bahala ng tao sa
kalusugan ng karagatan.
Ang soil erosion at
siltation ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga korales at mangrove na
nagsisilbing pangitlugan at nursery ground para sa mga maliliit at bata pang hayop
sa dagat.
Ang korales at mga
bahura o mangrove areas ay nagsisilbi din bilang kanlungan (transition ground)
para naman sa mga seaweeds, damong dagat at iba pang halamang dagat. Ang mga ito ay nagsisilbing pagkain para sa
mga herbivorous na isda. Kung kaya, ang pagkawala ng ating mga coral reefs at mangrove
areas ay direktang magpapabagsak sa populasyon ng isda sa ating karagatan.
4. Kung ano ang siyang itinapon, siya ring magbabalik.
Ang lahat ng bagay ay
may tinatawag na cycle. Walang anumang bagay ang maituturing na totoong
tuluyang mawala.
Katulad ng mga
solidong bagay, kahit ang init at usok na ibubuga sa hangin ay binubuo ng mga
maliliit na solidong bagay na naipon sa mga ulap na sa pagdating ng panahon ay
babagsak din sa lupa at karagatan.
Ang mga plastik at iba
pang bagay na hindi nabubulok kapag itinapon ay siyang magpapabara sa daluyan
ng tubig, papatay sa mga hayop sa dagat na nag aakalang pagkain ang mga ito o
papatid sa buhay ng mga korales kung saan ito mapadpad.
5. Huwag bumili at kumain ng mga bata pa o hindi pa magulang na
isda, higit sa lahat ang mga buntis na isda.
Sa ating hindi
pagtangkilik o pagbili at pagkain ng mga bata pa na isda lalung-lalo na ang
buntis na isda, maaring tuluyan ng mahihinto ang labis labis na panghuhuli ng
mga ito.
Ang matagal nang
pagsasawalang-bahala natin ng tuntunin na ito sa loob ng mahabang panahon ay
nagresulta na sa pagliit ng populasyon o tuluyang pagkawala ng mga natatanging
yamang tubig na dito lang matatagpuan sa ating bansa.
Ito ay napatunayan na
sa pagiging rare o endangered species ng isdang pigek na matatagpuan lamang sa
mga ilog ng Cotabato, ng isdang ludong sa Cagayan River, at ng tatus - isang
uri ng alimango na matatagpuan sa mga isla ng Batanes at Luzon.
6. Iwasan ang mag-alaga o magparami ng mga isda at iba pang
hayop na galing sa banyagang bansa.
Ang mga banyagang
hayop ay maaring magdala ng mga di pangkaraniwang sakit na makaka-apekto sa mga
lokal na hayop sa bansa. Napatunayan na ito ng maraming bansa na nag-angkat at nag-alaga
ng mga banyagang organismo. Maari kasing mas higit na malakas ang mga ito o
maaring cannibalistic pa.
Ang anumang banyagang hayop
ay maari lamang dalhin sa bansa kung ito ay gagamitin sa mga siyentipikong
pag-aaral at kung mapanatunayang hindi makakapaminsala, saka lamang ito
payagang alagaan.
7. Napakahalaga ng Aquaculture o pag-aalaga ng isda.
Napakalaki na ang
pinsalang naidulot ng overfishing hindi lamang sa atin kung hindi pati na rin
sa halos lahat ng bansa sa buong daigdig. Dahil dito, ang Aquaculture o
maramihang pag-aalaga ng isda sa mga katubigan ang nakikitang solusyon upang matugunan
ang pangangailangan sa pagkain ng tao. Tinatayang higit sa 30 porsyento ang
itinaas ng produksyong pang- aquaculture kumpara sa maliliit na bahagi na
galing sa panghuhuli ng isda. Kailangan din ang aquaculture upang mabigyan ng
panahon ang karagatan na mapanumbalik nito ang dating sigla at dami ng mga isda
at ibang organismo.
Marami na ang
makabagong teknolohiya ang isinusulong ng BFAR mula sa mga pananaliksik nito
katuwang ang mga research institutions sa bansa na maituturing na
environment-friendly.
Sa wastong pagagamit ng
mga teknolohiyang ito, uunlad hindi lamang ang kabuhayan ng mangingisda, mapapanatili
pa nitong masigla ang ating yamang dagat. Sumangguni lamang sa BFAR para sa iba
pang kaalaman.
8. Sa aquaculture, anumang sobra nakakapinsala.
Ang bawat katubigan ay
may takdang kapasidad o carrying capacity. Ayon sa Republic Acts 8550 o Batas
ng Pangisdaan ng 1998, sampung porsyento lamang ng kabuuang lawak ng katubigan ay
maaring gamitin sa pagpapalaki ng mga isda at iba pang organismo sa mga
karagatan, look, at kalawakan.
Ang biglang pagdami ng
mga fish cages sa Laguna de Bay, Zambales, Pangasinan at iba pang lugar sa
ating bansa ang siyang naging sanhi ng malawakang fish kills sa mga lugar na
ito. Napag-alamang hindi lamang sobra-sobra ang pagpapakain sa mga isda kundi
higit sa itinakda ng batas ang dami ng mga fish cages. Ang mga ito ay siyang
pangunahing dahilan ng pagbaba ng dami ng dissolved oxygen na naging sanhi ng
fish kill.
9. Sa pagpapabaya, maraming natatanging uri ng mga hayop sa
ating karagatan ang tuluyan pang maglaho kapag ito ay hindi natin
mapapangalagaan.
Ang sabalo o mother
bangus ay bawal hulihin o ipagbili dito man at lalung- lalo na sa ibang bansa.
Pinagbabawal din ang paghuli ng butanding ang pinakamalaking isda sa buong
mundo na matatagpuan din sa Pilipinas.
Dahil sa pagpapabaya, napakarami
pang mga uri ng mga corals at shellfish na matatagpuan lang dito sa Pilipinas na
ngayon ay lumiit na ang populasyon at napabilang sa mga endangered species.
Kasama dito ang giant clams o taklobo, venus comb, at marami pang iba. Ang mga yaman-dagat
na ito ay dapat pangalagaan.
10. Dapat magtakda ng Fish Sanctuary sa bawat coastal community.
Ang mga fish
sanctuaries ay isang protektadong lugar sa karagatan kung saan pinagbabawal ang
paghuhuli ng isda o pagkuha ng anumang lamang-dagat. Ito ay nagsisilbing pangitlugan
ng mga isda.
Ayon sa RA 8550, ang mga
sanctuaries ay dapat na itatag sa mga baybaying dagat na pamamahalaan naman ng Fisheries
and Aquatic Resources Management Council (FARMC), isang organisasyon ng mga mangingisda
na itinatag sa mga barangay, munisipyo, siyudad at probinsya ng bansa.