Search This Blog

Tuesday, September 13, 2011

Alamat ng Marinduque

Alamat ng Marinduque

Noong unang panahon may pamayanan sa Timog Katagalugan na pinamumunuan ng isang haring mayaman at makapangyarihan, iginagalang ngunit kinatatakutan. Siya’y si Datu Batumbakal, tinaguriang gayon dahil sa siya’y may pusong bakal.

Namuno siya sa Balayan, isang pamayanang sagana sa mga yaman ng kalikasan. Sa panahon ng anihan, naging ugali ng mga katutubo na magpasalamat sa Poong Maykapal sa kanilang masaganang ani. Nagtitipon sila sa tahanan ng Datu at sama-sama silang nag-aalay ng kanilang mga ani tanda ng pasasalamat at sa kapayapaan ng kanilang pamumuhay.

Kasama ng Datu ang kanilang anak na si Marin, isang dilag na pinipintuho dahil sa angking kagandahan. Maraming mga manliligaw ang dalaga na nagmumula sa iba’t-ibang kaharian, ngunit tatlo lamang ang masugid: Datu Bagal ng Mindoro, Datu Saguil ng Laguna at Datu Kawili ng Camarines. Sa kanilang pagluhog, hindi naaantig ang puso ng Prinsesa Marin.

Isang araw, naakit ang dalaga ng mga awit ng Garduke, isang makata na humabi ng mga awitin at tulain sa kagandahan at kariktan ng kalikasan. Siya’y dukhang mangingisda mula sa Taal, nagbibigay aliw sa kaharian ni Datu Batumbakal. Naakit si Marin sa kakisigan ng makata na nagtapat ng pag-ibig sa dalaga. Di nagtagal at sila’y naging magsing-irog.

Nang matuklasan ito ng Datu, nagalit siya. Sumalungat siya sa pag-iibigan ng dalawa. Nais niyang ang mapangasawa ng anak ay isang maharlika. Iniutos niyang patayin si Garduke kung igigiit niya ang pag-ibig sa Prinsesa Marin.

Nalungkot ang Prinsesa, ngunit isang araw habang namamasyal sa dalampasigan ng Bombon, nasalubong niya si Garduke. Ipinahayag ng dalaga ang walang kamatayan niyang pag-ibig sa binata, na di alintana ang pagsalaysay ng binata na siya’y walang kayamanan at kapangyarihang maipagmamalaki.

”Hindi ko kailangan ang kayamanan at kapangyarihan,” wika ni Prinsesa Marin. ”Kailangan kita; may wagas na layunin. Mahal ko ang isang taong mapagkumbaba, makatao at tagahanga ng kalikasan”, dugtong pa ng dalaga.

Nalaman ng Datu ang lihim ng pagtatagpo ng dalawa kaya iniutos niya na pugutan ng ulo si Garduke. Dahil diyan, ipinasya nina Prinsesa Marin at Garduke na tumakas. Sumakay sila sa bangka patungo sa Tayabas Bay, hinabol sila ng mga sundalo ni Datu Batumbakal kasama ang tatlong masugid na manliligaw. Nang inaakala ng dalawa na maaabutan sila ng mga sundalo, iniutos ng dalawa sa kasamang utusan na magkasamang gapusin silang dalawa at ihulog sa gitna ng karagatan. At ganon nga ang nangyari.

Sa pagdaraan ng panahon, may umusbong na hugis pusong pulo sa pook ng pinaglagakan ng katawan nina Prinsesa Marin at Garduke. Ang pulo ay pinangalanang Marinduke, ang pinakamatahimik at mapayapang pulo sa Timog Katagalugan.

Alamat ng Mindanao

Alamat ng Mindanao

Mayroon isang Sultan sa isang pulo na kilala hindi lamang dahil siya ay isang dugong bughaw, kundi dahil rin sa kanyang katangian. Di lamang siya mayaman, si Sultan Gutang ay matapang, magandang lalaki at may matipunong pangangatawan. Si Sultan ay may natatanging anak, bukod sa isang prinsesa , nakakaakit ang kanyang kagandahan. Saan ka man maparoon, usap-usapan ang kagandahang niyang taglay. Prinsesa Minda ang ngalan niya. Dahil sa tanyag na kagandahan ni Minda, maraming tagahanga ito saan dako ng karatig pook. Marami ang nanliligaw: mga mayayaman, matalino, at may dugo ring maharlika. Dahil nga sa dami ng masugid na tagahanga nito, walang tulak siyangkabigin. Kaya minarapat ni Sultan Gutang na magkaroon ng isang pagsubok upang malaman kung sino ang higit na mapalad at karapat-dapat sa kanyang anak na si Prinsesa Minda.

Nangyari nga ang ibig ng Sultan. Marami ang sumubok sa layuning makuha ang kamay ni Minda. Halos lahat ng sumubok at nagwagi sa una at ikalawang pagsubok, ngunit nabigo sa ikatlo. Ngunit may isang prinsipe ang nagaasam-asam na sumubok sa mga patakaran ng nasabing sultan. Ngunit, bago siya sumali sa palahok, matinding pag-iisip ang kanyang ginugol. Dahil sa una ay sigurado siyang magtatagumpay, ang ikalawa ay sigurado siyang mabibigo. Kaya’t muling nag-iisip . Napagpasyahan niyang humiram ng mga kaing-kaing na ang mga ginto mula sa kanyang mga kaibigang mayayaman at prinsipe upang makabuo ng labintatlong tiklis ng ginto. Dahil ang ikalawang pagsubok ay kung paano mahihigitan ang kayamanan ng Sultan.

Lalong nabuhayan ng loob ang prinsipe sa mga pagkakataon na kapag nagkakatinginan sila ng prinsesa ay para na rin siyang humahanga sa kanya. Dahil di kaila ang kagandahang lalaki ng prinsipe at kakisigan. Nabatid ng prinsipe na may pagtingin din ang prinsesa.

Sinimulan na ang unang pagsubok kay Prinsipe Lanao sa pagsasalaysay niya sa kanyang mga ninuno mula sa umpisa hanggang sa sampung henerasyon.  Higit ang tuwa niya ng makapasa sa unang pagsubok sa dahilang hindi totoo ang ika-sampung henerasyon dahil ito ay may halong imbento lamang.

Agad sumunod ang ikalawang pagsubok. Tinanong ng Sultan kung gaano karami ang kanyang dalang ginto. Agad siyang sumagot na labintatlong kaing. Walang duda ang tagumpay ni Prinsipe Lanao sa ikalawang pagsubok dahil may pito lamang tiklis na ginto mayroon ang Sultan.

Ang huling pagsubok ay agad din pinabatid sa Prinsipe kung ano ang dapat na sumunod niayang gagawin upang ganap nang mapasakamay ang mayuming si Prinsesa Minda. Pagtulay sa lubid ang ikatlong pagsubok. Pagtulay sa lubid na kapag ikaw ay nahulog sa isang malalim na bangin ay sigurado ang iyong kamatayan .

Pinagpabukas pa ang huling pagsubok upang makapagpahinga ang binata. Subali’t lingid sa kaalaman ng binata na kaya pala ipinagpabukas pa ay upang mapaghandaan din ng Sultan ang gagawing patibong upang ang Prinsipe ay hindi magtagumpay. Kaagad na lumisan si Prinsipe Lanao upang makapagpahinga at mapag-aralan ang kanyang plano para sa darating na pagsubok kinabukasan.

Subali’t si Prinsesa Minda ay may nabalitaan na may patibong na ilalagay ang mga tauhan ng Sultan upang mahulog ang Prinsipe.Agad na pinasiyasat ni Prinsesa Minda kung ano ang ilalagay na patibong. Napag-alaman ng katulong na kakabitan ng tali ang lubid na tatawiran ng Pinsipe na siyang magiging dahilan ng pag-uga ng lubid na magiging dahilan ng pagkahulog ng Prinsipe.

Dahil sa nabatid na patibong, kaagad na tinanggal ng mga katulong ang patibong upang walang maging balakid sa pagtawid ng butihing Prinsipe. Pagdating kinaumagahan ay naganap ang pagsubok na siya namng pinagtagumpayan ng Prinsipe. Walang nagawa ang Sultan kundi tuparin ang pangakong kasalan. Nang mamana ng Prinsipe, ang pamamahala ng lugar, marami ang nasiyahan sa pamamalakad ng mag-asawa sa pulo at mula noon pinangalanan ang isla ng Mindanao na hango sa pangalang Minda at Lanao.